Bakas-Bukas Blog

Abril 17, 2009

Alab ni Bulletx (Paggunita sa Isang Kaibigan)

Filed under: 1,Talambuhay — bakasbukas @ 9:33 hapon
Paggunita sa Pang-siyam na Anibersaryong Pagsasakabilang-buhay ni Bulletx Atienza Marasigan (+April 18,2000)

Alab ni Bulletx

Ganito ang pagpapakilala ni Bulletx sa mga tao:
” I am Violeta Atienza Marasigan. But I prefer to be called ‘Bulletx.’ In Tagalog, it means ‘Bala.’ Read it backward, it is ‘Alab.’ A blaze. Ardor. This is me, inflaming the hearts and minds of our people for justice, peace, human rights, equity and democracy. I also violate (rebel). The X in my name is mystery. The unknown factor…”

Katulad ng bullet, siya ay may target. Nakakatama tulad ng bala. Pero kaiba sa bullet o bala siya ay maalab. Maalab siya sa kanyang buhay, pamilya, paninindigan sa maraming bagay, at sa pagiging Pilipino sa Pilipinas, sa Amerika, kahit saan mang sulok sa mundo.

Mahirap mailarawan si Bulletx sa iisang salita: Masayahin. Matulungin. Mapagbiro. Mapagmahal. Bukas. Matapat. Maka-Dios. Matapang. Babaylan. Makata. Tunay. Palaban. Makabayan. Mapagkawang-gawa. Aktibista. Komunista. Ispiritista. Artista. Manggamot. Hilot. Faith Healer. Political Detainee. Human Rights Advocate. Passionate. Babae. Nanay. Granma. Tita. Ate. Musikera. Noranian. Mananayaw. Mangangantiyaw. Scrabble Champion. Goodwill Hunter. Purple Lady. Butterfly. Makaibigan. Makatao. Mapagbigay. Dakila. Mabait. Bayani. Katangi-tangi. Bulletx na Bulletx.

Alab ni Bulletx ang kanyang pamilya. Siya ang sulo at ilaw ng mga Marasigan, hindi lamang kina Pete, Marlette, Bingo, Dame at Mark, mga apo, at sons-inlaw, ganoon din sa kamag-anakan at extended families. Siya ay Tita Bulletx ng lahat.

Alab ni Bulletx ang mga kaibigan. Palaging bukas ang kanyang mga tahanan, sa Pilipinas at sa Amerika, sa mga kaibigan, kamag-anak at mga taong nangangailangan. Siya ang takbuhan ng marami. Alam nila na siya ay maaasahan, at bukal sa kanyang kalooban ang pagbibigay.

Kay Bulletx nanggaling ang kilalang slogan: “Kapwa Natin, Pananagutin Natin. Our Community, Our Responsibility.” Paboritong niyang kinakanta sa saliw ng gitara: “Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang. Tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t isa…”

Alab ni Bulletx ang kabataan. Sa PEIP, PBRC, West Bay, AARS, JCYC at DCYHC, siya ang nilalapitan ng mga teen agers, mga kabataan at kanilang magulang: Teen Pregnancy. Tobacco Education. Gang Prevention. Drop-outs. Juvenile Court. At risk teens. Youth Development. Mentorship. Internship. Youth Employment. Case management. Conflict Management. Early Intervention. Family Strengthening. At iba pa.

Alab ni Bulletx ang mga lipas na ang kabataan: Mga seniors at World War II Veterans. Sa Canon Kip. Veterans Equity Center. Fil-Am Council Senior Center. International Hotel. Ginintuang Buklod. Senior group ni Monica. Senior Club ni Manang Binday. Barkada ni Circe. Banda Rito, Banda Duon. Kung sa kabataan si Bulletx ay ang oldest youth, sa Canon Kip at VEC siya ang youngest seniors.

Alab ni Bulletx ang pagbabago ng lipunang Pilipino: Tunay. Palaban. Makabayan. National Democracy. Human Rights. Peace with Justice. Equity. Equality. Freedom. Socialism. Total Human Development. Sustainable Development. Liberation Theology. Alex Boncayao. Gabriela. Christian for National Liberation. Selda. Political Detainees. Martial Law. Marcos-Hitler-Diktador-Tuta. Laban ni Ninoy. EDSA. Tita Cory. Environment. Domestic Abuse. Sex Workers. Japayuki. Colonialism. Nationalism. Imperialism. Kasaysayan. Katarungan. Kasarinlan. Kababaihan. Kapantay. Kasaganaan.

Mahirap kalabanin si Bulletx. Mismo ang mga sundalong nagbabantay sa mga political detainees ay napapamahal sa kanya. Siya ang nagbigay sigla sa walang kahulugan at boring na buhay sa kulungan sa Camp Crame. Nag-iyakan ang mga sundalo nang si Bulletx ay na-release. Pahabol nila: “Babalik ka!Hindi ka namin makakalimutan!”

Alab ni Bulletx ang kalusugan at katutubong kabihasnan: Manggamot.Manghihilot. Alternative Healing. Faith Healing. Bulong. Opening. Tobacco Use Prevention and Cessation. Breast Cancer Detection and Education. Teen Pregnancy. AIDS. Contraception. Physical Exercise. Mental Health Day. Access to Health Services.

Mahirap maipaliwanag ang panggamot ni Bulletx. Ayon sa kanya ito ay isinalin sa kanya ng isang matandang dalubhasa sa katutubong panggagamot. Pinasa ang dasal at bisa sa kondisyon na ito ay gagamitin sa ikabubuti ng kapwa. Kakaiba ang kanyang panggagamot: may kakatwang ingay ang lumalabas na lamang basta sa kanyang bibig. Dighay.

Alab ni Bulletx ang musika at sining. Marunong siyang manggitara, ukulele, magpiyano, accordion, tambuli, tambol, kulintang, at iba pa. Marami na siya naisulat na tula sa Pilipino at sa Ingles. Nagpipinta rin siya at may koleksyon ng mga wood carving. Komedyante siya. Magaling siya sa punch line at improv. Hindi siya nauubusan ng Erap jokes, green jokes, Christian jokes at Bulletx jokes. Numero unong fan ni Nora Aunor.

Alab ni Bulletx ang kababaihan. Siya ang tunay na babaylan ng ating panahon. Inspiration siya ng maraming kababaihan. Nangunguna siya sa isyu ng mga babae. Tagabandila ng Gabriela at tradisyong makibaka.

Alab ni Bulletx ang buhay. Siya ang nagbibigay ng “life” sa buhay. Nagbibigay saya sa lungkot at lumbay. Nanggagamot sa hapdi at sakit sa katawan. Lumalaban para mawala ang mga pampahirap sa buhay- discrimination, colonialism, oppression, exploitation, injustice, violence at destruction.
Sa kanyang ritwal tinatawagan niya ang ating mga ninuno, para gabayan tayo sa kasalukuyan, at mahusay na makarating sa paroroonan at magandang kinabukasan.

Ayon sa kanya, ang X sa Bulletx ay mystery. Unknown factor. Talinghaga.

Abril 18,2000. Martes ng Mahal na Araw. Mga 7:45 ng umaga. Sa korner ng Justin at College. Sa harap ng bahay ng pamangkin ni Sr. Auring. Nag-park si Bulletx para sunduin si Sister. Nagbusina para iparating na naroon na siya. Nakakalimang steps pababa pa lang si Sr. Auring at napasigaw: “Yun’kotse, tumatakbo walang driver!” Wala siyang kamay-malay at hindi niya nakita na natamaan si Bulletx. Bigla. Ayon sa balita, nasagi si Bulletx ng kanyang Mercedes Bens. Papaano nangyari iyon? Isang talinghaga. Hindi na nakaabot ang Medical Rescue ng 911. Hindi na siya naabutang buhay ng kanyang asawang si Mang Pete, at ang matalik niyang kaibigan si Luisa Antonio.

Sumakabilang-buhay si Bulletx ng wala man lamang paramdam at signos ng pagpapaalam.
Hindi ako makapaniwala na siya ay wala na. Alam ko siya ay isang taong hinirang. Alab ng puso sa dibdib ko siya ay buhay.

–Ni MC Canlas 4/21/00

Abril 15, 2009

Salit-Salitang Pang-2010

Filed under: Pilantik — bakasbukas @ 2:30 hapon

Ngayon pa lang usap-usapan na ang 2010 sa Pilipinas. Basahin natin sa mga salit-salita kaugnay ng 2010 at hanapin ang ibig sabihin nito.

Beinte-Diyes, Twenty-Ten, 2010, Triple X (X=10 2x or XX =20 kung gayun XXX =2010). Hindi ba ang XXX o triple X ay tatak ng x-rated movies or porno, madalas na ipinagbabawal ipalabas, “kadiri kasi!”

Ang pinaka-inaabangan sa 2010 ay ang halalan sa Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Ang tawag natin sa president ay PANGULO, mula sa salitang ugat na ULO o HEAD. Magaling na salita, sa Ingles katumbas nito ang HEAD of States, ang tinatanghal na AMA o ULO ng bansa.

Gayun pa man kapag ang isiningit ang isa pang G tulad ng Goons, Guns, Gold, Goodtimes, at Gago, ang PANGULO ay magiging PANGGULO. Masama na iyan sa bayan. Lesson learned.

Kapag inalis naman ang G sa PANGULO magiging PANULO, sa Kapampangan ang ibig sabihin ay gamot o isang bagay na nakakapagpagaling sa may sakit. Iyan ang hinahanap ng bayan.

Si Gloria Macapagal Arroyo bago naging PANGULO at PANGGULO, siya ang nahalal na BISE-PRESIDENTE. Bagay sa kanya, dahil siya ay may dugong MACAPAGAL, ama niya si dating Pangulong Diosdado Macapagal. Sa Kapampangan ang MAKAPAGAL ay katumbas ng nakakapagod sa Tagalog. Kaya’t matunog si GMA nuon dahil it sounds BUSY PRESIDENT. Laluna nuong na-assigned siya sa Department of Social WORK.

Nakabuti din kay Erap ang pagiging VICE-PRESIDENT nuon. Dati na siyang may VICEs (alak, babae, sugal), ginawa pa siyang mag-PRESIDE. Madali yun sa kanya, laluna ng naging head siya ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force; basta’t may patayan – homiCIDE, at suiCIDE – nandoon siya at siyempre may PRESS sa kanyang SIDE. Bida kasi. Lights, Camera, Action.

Ang BISE-PRESIDENTE ngayon ay si Noli de Castro. Magiging pangulo kaya siya sa 2010? Kung barok o Tsino ang bibigkas “ No Lide Kas ‘To”. Masama sa pandinig. “No leader Cash Through.”

Hindi madaling gamitin ang FL o FIRST LADY sa mga asawa ng Pangulo ng Pilipinas. Nadikit na masyado ang FL kay Imelda. FL ni FM. Hindi ba siya ang nasasaisip natin kapag binabanggit ang First Lady? Nuon sinisikap na baguhin ni Erap ang FL. Gagawin niyang LF o LADIES’ FIRST.

Kung babae ang presidente, tulad ni Cory at Gloria, mawawala na ang titulong FL. FIRST GENTLEMAN ang ipapalit o FG. Kung may kilos protesta sa Malacanang, siya ang ginagawang effigy (FG). Ibagsak si FG! Sunugin ang effigy!. Sa mga bading siya ang FANG-GULO sa gobyerno.

Komon sa nga pangulo ang short-cut na tawagan. Si Quezon ay MLQ, si Marcos ay FM, si Joseph ay ERAP, si Cory ay CORY, walang dating kasi ang PCCA (President Corazon Cojuangco Aquino), pero bakit okay kay Gloria ang PGMA?

Marahil ayaw niyang ma-confuse ang mga tao sa GMA Channel 7. Kung Gloria nga naman, ma-a-associate siya sa labandera (sa kantang Gloria-Gloria Labandera), o pang simbahan (“Gloria in excelsis Deo”).

Lalung ayaw niya ang Arroyo. Ang posibling rason ay dahil gusto ni Presidente na ang lahat ng tao ay dapat maging “yes madam” sa kanya. Eh kung sa nerbiyos ng tao naging ngongo o nabubulol, at batang musmos ang pagbigkas niya ng Arroyo “AYOKO”. Lalaganap ang Presidente Arroyo na “PRESIDENTENG AYOKO.”

Alin ang maganda sa pandinig “PANGGULONG ARROYO” o “PRESIDENTENG AYOKO?” Sa sitwasyon ng bansa sa kanyang poder, kahit bingi at pipi masasagot ang katanungan ito.

Abril 11, 2009

Modyul 1: Palaka sa Balon ni MC Canlas

Filed under: Turu-Tuto — bakasbukas @ 10:37 hapon

Para sa kapakanan ng hindi pa nakarinig o nakapanood ng chalk-talk ng “Tatlong Palaka sa Balon,” o dili kaya sa mga nakalimot na sa kwento at tagisan ng pananaw, nais kong maibahagi dito sa cyberspace, lalung-lalo na sa mga kalambat sa Akademia.

Imaginin ninyo na lamang. Visualize me giving a chalk-talk circa 1980. (Bagamat ang hamon ni Kalambat Girlie ay ma-transform ito sa youtube, maaring animated o actual presentation!)

Ang sumusunod ay isang kwento ng tatlong palaka sa balon, na may tatlong paniniwala, at para sa inyong lahat, narito ang mahalagang katanungan: sino sa kanilang tatlo ang tama, sino ang mali, kailan sila tama, kailan sila mali?

Sa aming baryo, may isang lumang balon. At sa kailaliman at pinakababa ng balon ay may tatlong palaka. Tawagin natin silang palaka Ah, palaka Ba, at palaka Ka. Dito na naging palaka ang butete. Dito na sila namalagi simula’t simula pa.

Walang kamalayan ang tatlong palaka sa kapaligiran sa labas ng balon. Ang tanging alam nila; kung minsan ay may liwanag, maliwanag na maliwanag, kung minsan ay madilim, madilim na madilim. Lumiliwanag, dumidilim sa kailaliman ng balon.

Isang araw, one day, alam natin ito dahil tayo ay tao at ang liwanag ay dulot ng araw o sun, tuminghala ang tatlong palaka at tinanaw ang bunganga ng balon. Nagwika ang isa sa tatlong palaka. Wika ni palaka Ah: “Hindi na lalaki pa ang langit sa bunganga ng balon.” Narinig ng dalawa ang winika ni palaka Ah, pero wala silang imik at masabing kakaiba.

Ilang sandali ang nagdaan, lumundag at sumampa sa kaliwang batuhan ng balon si palaka Ba, tuminghala siya at nagwika: “Higit na malaki ang langit sa bunganga ng balon at may puting (ulap) bagay sa itaas.” Narinig ni palaka Ah at palaka Ka na parehong nasa dating kinalalagyan sa kailaliman ng balon ang winika ni palaka Ba.

Ilang sandali pa, si palaka Ka naman ang lumundag at sumampa sa kanan ng batuhan ng balon. Tuminghala siya at tinanaw ang bunganga ng balon. Heto naman ang kanyang nakita at nagwika: “Higit na malaki ang langit sa bunganga ng balon at may puting bagay (ulap) at may dilaw (araw) na bagay sa itaas.”

Kung balikan muli ang winika ng tatlong palaka sa balon, mapapansin ang pagkakaiba ng kanilang winika:

Sabi ni Palaka Ah, “Hindi na lalaki pa ang langit sa bunganga ng balon.”
Sabi naman ni palaka Ba, “Higit na malaki ang langit sa bunganga ng balon at may puting bagay (ulap).” Sabi naman ni palaka Ka, “Higit na malaki ang langit sa bunganga ng balon at may puting bagay (ulap) at may dilaw na bagay (araw).”

Sa actual na chalk-talk, sa yugtong ito, itinitigil ko muna ang pagkukwento, para may suspense, at ibabato ko ang katanungan sa mga nakikinig: Tatlong palaka, tatlong winika, tatlong paniniwala, sino kaya sa kanila ang nagsasabi ng mali, sino sa kanila ang nagsasabi ng tama? Ano sa tingin ninyo? Pakinggan nga natin.

Madalas nagiging animated at masigla ang grupong mag-aaral; nagpapalitan at nagtatagisan ng kanilang mga pananaw sa kwento. Madalas din may matatanggap ako sagot na magkaka-iba. Ni minsan, sa karanasan ko sa maraming taon at sa maraming workshop na ginanap sa iba’t ibang panig ng bansa, hindi pa ako nakakuha ng unanimous o iisang sagot sa nasabing katanungan.

May magbibigay na sagot:“Lahat sila ay mali.” Lahat sila ay tama.” “ Walang tama sa kanila.” “Walang mali sa kanila,” “Kumporme,” “tama si palaka Ba at palaka Ka,” “mali si palaka Ah,” “kaniya-kaniya ang tama,” “relative ang tama,” at “ang mali ay relative.”

Kung minsan dinadaan ko sa botohan para makuha ang consensus na sagot. Para mabigyan diin ko ang puntong dapat ipaabot (Must teach and learn sa M-U-N-I), babalikan ko ang kwento at kung kailan ito winika.

Tama ba si palaka Ah nuong una siyang nagwika? Usually, ang sagot ng grupo ay Oo (Yes).Tama ba si palaka Ba nuong siya ay nagwika? Usually, ang sagot ng grupo ay Oo. (Yes). Tama ba si palaka Ka nuong siya ay nagwika? Usually, ang sagot ng grupo ay Oo. (Yes). Pagkatapos kong isa-isahin ang tatlong katunungan, magbibigay ako ng aking konklusion at sasabihin ko: “Samakatuwid dahil Oo (Yes) ang sagot ninyo sa tatlong tanong, lahat sila ay TAMA! Tama ba?

Muli, makakarinig ako ng buzz, makakakita akong nagkukunot ng ulo, tipong may di pagsang-ayon sa hanay ng mga kalahok sa pag-aral. Para bang hindi sila mapakali sa konklusyon ko, pero hindi nila sukat maipaliwanag kung paano. Kaya’t babalikan ko ang kwento at gagawa ako ng logical statement. At heto ang aking sasabihin:

Kung LAHAT sila (ang tatlong palaka) ay TAMA. Ibig sabihin WALANG MALI sa kanilang tatlo. (Sa unang statement, madalas sasang-ayon ang lahat na mag-aaral.)

Pagkatapos babalikan ko uli ang tatlong winika ng tatlong palaka. Isa-isahin uli. Tama ba si Ah? Tama ba si Ba? Tama ba si Ka? May pagkakaiba di ba? Tama bang sabihin na hindi pupwedeng LAHAT sila ay TAMA. (Madalas sasang-ayon ang buong grupo sa pinupuntahan kong logical statement).

Isusunod ko kaagad ang isa pang logical statement: Kung hindi lahat ay TAMA, ibig sabihin mayroon sa kanilang tatlo ang nagsasabi ng MALI. Kung may TAMA, May MALI. Okey ba ang statement na ito? (Muli, sasang-ayon ang ang marami, tahimik lang iba).

Muli, babalikan natin ang tatlong winika ng palaka, ang tanong ko sa mga kalahok. Sino sa tatlong palaka ang TAMA?; Sino sa tatlong palaka ang MALI?

Madalas ganito ang lalabas na sagot ng maraming kalahok: Nuong nasa ibaba ang tatlo, at nagwika si palaka Ah, (“Hindi na lalaki pa ang langit sa bunganga ng balon!”) TAMA si palaka Ah. Pero nuong nagwika na sina palaka Ba at palaka Ka mula sa kanilang kinalalagyan, ang winika ni palaka Ah ay hindi na naayon kanilang nakita. Sa punto de bista nina Ba at Ka, hindi na TAMA at MALI na ang winika ni Ah.

Sa yugto ito ng chalk talk, mararamdaman kong kumbinsido ang grupo ng kalahok sa pag-aaral. At isusunod ko ang isa na namang katanungan: Kung sang-ayon kayo na tama si Ba at Ka, at mali si Ah, papaano nangyari ito? Muli, ibabato ko ang katanungan.

At ang lalabas na sagot ay “kasi lumundag at sumampang paakyat sila sa batuhan ng balon at tuminghala mula sa bagong kinalulugalan.” Ang dalawa ay may dagdag at kakaibang karanasan. Ano ang mapupulot na lesson dito? Ang kaalaman ay nanggagaling sa karanasan. Ano ang karanasan ni Ba at Ka na hindi naging karanasan ni Ah; ang lumundag at sumampang paakyat mula sa kailaliman ng balon. Samakatuwid, ang kaalaman ay nakabatay sa karanasan at kinalalagyan (position), gayun din ang kanilang pananaw.

Kaunting pause para namnamin ang mga kalahok ang bagong kaalaman o kung saan nabubuo at nagmumula ang kaalaman.Pagkatapos, isusunod ko uli ang nahintong pagkukwento sa tatlong palaka sa balon.

Naisasaisip ni palaka Ba; “Kung pareho kaming tama ni Palaka Ka, pareho naming nakita na higit na malaki ang langit kaysa sa bunganga ng balon, bakit hindi pareho ang aming nakita? Bagamat pareho kaming nakakita ng puting bagay (ulap), bakit may nakita pa siyang dilaw na bagay? Ano kaya at pupuntahan ko ang kinalalagyan ni palaka Ka?”

At iyon nga ginawa ni palaka Ba. Tumalon pababa at sumampang paakyat sa kabila ng balon si palaka Ba hanggang sa marating niya ang kinalalagyan (position) ni palaka Ka. Nagsimula siya nuong umaga, lumipas ang tanghaling-tapat, at hapon ng makarating sa tabi ni palaka Ka. Pagtinghala niya at pataas na tinanaw ang bunganga ng balon at kalangitan, nabigla siya at nagwika “Wala naman palang dilaw na bagay!” (Sa ating mga tao, ang araw ay sumisikat sa silangan sa umaga, palubog sa kanluran sa dapithapon.)

Bakit nagkaganoon? Hindi ba nagsasabi ng tama si palaka Ka ng winika niyang may dilaw na bagay siyang nakita? Papaano ito ipapaliwanag? Muli, ibabato ko ang katanungan sa mga mag-aaral. Pagkatapos ng talakayan at tagisan ng kuru-kuro, ang kalalabasan o koklusyon, hindi lamang ang karanasan at kinalalagyan (position) ng mga palaka ang nagbabago, nagbabago rin ang mga bagay-bagay sa kapaligiran, at ang mismong kapaligiran. Iba ang sitwasyon nuong umaga, iba ang sitwasyon nuong hapon. Ito ang tinatawag na konteksto ng kaalaman, kasi sinasama ang sangkap ng panahon at takdang kalagayan.

Pagkatapos nito magbibigay ng summary sa natutuhan mula sa kwento at tagisan ng pananaw ng tatlong palaka sa balon. Ang susunod na bahagi ay hahatiiin ang klase sa small discussion groups. May guide questions na ibibigay sa bawat grupo. Kung hahalawin sa tunay na buhay ang kwento ng tatlong palaka sa balon, ang malalim na balon ay masasabing nagbibigay kitid at saklaw ng pananaw. Anu-ano ang mga balon ng mga tao sa tunay na buhay? Ipaliwanag ito.

Isusunod pagkatapos ang plenary o ang pagbibigay ulat sa ang bawat grupo sa narating ng talakayan sa buong klase. Gawa ako ng summary.

Ang susunod na activity ay maaring gawin sa maliit na grupo o sa buong klase. Kung ikaw (kayo) si Palaka Ba, papaano mo makukumbinsi si Palaka Ah na ang kanyang winika (paniniwala) ay hindi umaayon sa katotohanan? Maari itong talakayin o gawing dula-dulahan o role playing. Pagkatapos i-uulat o ipapalabas sa klase. Ang kadalasan tugon ng mga mag-aaral ay kinakailangan bumaba si palaka Ba sa antas na kilalagyan ni palaka Ah, at hihimukin siyang umakyat at sumampang paitaas para makita niya ang kanyang nakita.

Ang panghuling activity at pagtatapos ng talakayan, sa tunay na buhay, saan magagamit na patnubay o giya ang turo sa kwento ng tatlong palaka. Madalas ang sagot ay sa pagtuturo (education), community organizing, pamamahala ng kampanya, paglulunsad ng kilusan at marami pang iba.

Kwento ng tatlong palaka ay maaring ibigay sa tatlumpung minuto, tatlong oras o maghapon. Katulad ng paggamit ng iba maaring humaba at magsanga-sanga ang kwento. Eh kung nakalabas silang tatlo sa balon, mag-iba-iba pa ba ang kanilang pananaw o magiging iisa na lamang?

Nuong minsan binigyan ko ang mga drayber ng grupong Piston ni Ka Leto Villar, ang pahabol ni Ka Leto “MC, sa palagay ko dapat apat ang palaka sa balon hindi lamang tatlo. Alam mo ba kung bakit? Kasi yung pang-apat ay ni minsan ay nagsalita, hindi siya tuminghala, hindi siya lumundag at umakyat sa balon, hindi man mawari ng tatlong palaka kung naririnig at nakikiramdam sa usap-usapan at tagisan ng pananaw, at walang makapagsasabi kung ano ang kanyang niloob. Iyan ang hamon ko sa iyo, Ka MC. Papaano na ang palaka Da?”

Abangan ang susunod na kabanata na pinamagatang “Ang kagila-gilalas na pakikipagsapalaran ng tatlong palaka na nakalabas sa balon, napapad sa gobyerno, sa NGO at sa Amerika!”

“Fuffy Love” ng isang Tibak

Filed under: STR(TalamBuhay),Talambuhay — bakasbukas @ 10:26 hapon

Mahirap talaga ang maagang maging tibak sa buhay, bata ka palang may social consciousness at paninindigan na. May tendensiyang kang pag-isipan ang lahat ng bagay at may palagay na ang lahat ng mga nagaganap sa buhay at kapaligiran ay may kadahilanan at kapaliwanagan, maging ito ay mga damdamin at emotions tulad sa pag-ibig.

Sa panahon na ang mga kamag-aral at kababata ay nasa stage ng tinatawag na puberty at puppy love, ang udyok ng pusong nagbibinata at nagdadalaga, hindi maikakaila at maitatago ang kakaibang kilos at galaw, may patingin-tingin at pagtanaw, palantandaan na may crush o may bukod-tinatanging paghanga sa isang tao. Sa isang haykul na tibak na katulad ko nuong 1970s, sinisikap mong mabura o maiwasan ang magkaroon ng puppy love.

Gayun pa man, hindi rin maikaila na tumitibok din ang puso at may kaba sa dibdib, hindi na kailangang maipaliwanag o malaman pa ng iba. Nagkaron akong crush minsan, tawagin nating siyang Rosalie, pero siya ay may maraming manliligaw, kabilang na ang aking kaibigan. Nahihiya o wala akong lakas-loob na mapabilang sa manliligaw niya pero gusto ko ring maipaabot sa kanya ang aking damdamin.

Minsan, humiram ako ng libro sa kanya. Gumawa ako ng poem, hindi tula, mas romantic daw kasi nuon kung sa Ingles at tinayp sa typewriter sa bond paper, sinunog ng bahagya ang gilid at edges ng papel, tipong antigong liham ang dating. Pagkatapos kinuha ko ang nilanat o nilantang rosas na pinaipit sa libro ng ilang linggo. Sa librong hiniram ko kay Rosalie, inipit ko sa pahina 143 ang ginawa kong poem at lantang rosas. Hindi ko sinulat ang tunay na pangalan ko, ang nilagda ko ay “Blue Sparrow.” Kinabukasan pagkasauli ko ng libro, lumapit si Rosalie sa akin at bumati, “Salamat sa libro, may nakaipit pala pero hindi ko pinansin, hindi ko maintindihan kasi, tinapon ko!” Blog.

Kahit ako lang nakakalam sa klase na ako ay bigo at broken-hearted, nalungkot din naman ako. Iba nga kasi ang tingin sa akin ng mga barkada ko; matalino, romantiko, pero pihikan. Sa ibang kaibigan, ako ang tagasulat ng love letter nila, sinasamahan kong umakyat ng ligaw dahil ako ang inaasahan nilang makikipagkwentuhan at makikipagpalagayan-loob sa mga magulang at nakakatandang kapatid ng nililigawan, at kung minsan nagiging tagapayo kung binasted o nagpaabot ng pag-asa sa matamis na oo.

Kung minsan sasamahan kong magbisikleta ang kaibigan sa baryo ng kanilang crush, kasi masilayan lamang ang bubong ng bahay, tuwang-tuwa na. Ilang ulit daan-daanan ang harapan ng bahay, may inaasam-asam, na sana kahit sandali lang ang kanyang crush ay dumungaw at siya ay matanaw. At kapag ito ay nakamit, made na ang aming araw. Babalik sa barkada mag-si-celebrate.

Ito na nga kaya ang puppy love? Sa early 1970s, sa high school days namin, masarap ma-feel ang puppy love, at pagkakaroon ng crush. Sa kabila ng mga balitang demonstrasyon, rali at protesta sa Maynila, sa aming lalawigan ang pinapakinggan sa radyo ng aming kabataan ay mga music ng Stylistics, Bread, Carpenter, pawang romantic love songs. Ang paboritong sayaw nuon ay slow drag, yun bang magkaakbay habang nagsasayaw. Hindi pa uso ang disco nuon. Nuong early months ng Martial Law, ang dance party ay tinatawag na “stay-in,” dahil sa curfew (binabawalan maglakad o makita sa daan ang mga mamamayan mula alas 10 ng gabi hanggang alas kwatro ng madaling araw.), magdamag mong makakasama ang iyong crush o puppy love kung papayagan ng magulang. Naging papel ko rin nuon ang taga-paggitna ng magulang at ng mga kaibigang babae; ako ang tagahingi ng pahintulot sa magulang at nagbibigay ng garantiya na nasa mabuting kamay ang kanilang anak.

Nitong nakaraang araw, sa panunumbalik ng aking pagsusulat at pagsasalaysay ng aking pagbabalik-tanaw sa mayamang karanasan sa buhay tibak, at sa pagbubuyo ng aking kaibigan, na maibahagi ko rin ang aking pag-ibig at romansa sa Facebook, nabuo sa isip ko ang konsepto ng “fuffy love.” Ito ang bersyon ko ng puppy love ng mga tibak. Lamang, kaiba ito sa puppy love, ang sinasabing na-engkantong pag-ibig, nadadala ng tibok ng puso at emotions, sa feelings, imagining, day dreaming, at infatuation. Kakaiba ang passion at kahit na walang masabing reason ang puppy love.

Ano naman ang fuffy love? Ang ibig sabihin ng fuffy ay light or puffy, magaang, parang bulak o tulad ng sponge. Ito rin ang nabubuo kong termino sa pagtukoy sa puppy love ng isang tibak. Kung ang puppy love ay may ligaw-tingin, at nakikita sa kanyang mata kung isang binata o dalaga ay “in love.”Ang fuffy love ay nasa kamalayan, nasa isip, wala sa kilos at galaw. Maaring sabihin may tibok din ang puso, pero mas matindi ang determinasyon sa isip. Kaiba sa puppy love na may pagka-ispontanyo (spontaneous), ang fuffy love ay naniniwalang napo-programa (programmable) ang usapin ng puso, relasyon at pag-aasawa.

“Love is not looking at each other but looking together in the same direction.” Ito ang famous quotation na pinalaganap ni Fr. Ed dela Torre sa mga tindang pendant gawa ng mga detainee. Wow. Bigat. Pang-aktibista ang mensahe. Angkop ang metaphor ng fuffy love para sa tibak. Pang-STR – short for Sa Tagumpay ng Rebolusyon – na ginagamit pang-ending ng mga sulat ng mga tibak nuon.

Sa aking henerasyon sa kolehiyo, sa panahon na matindi pa ang dagok ng martial law sa rebolusyonaryong kilusan, kakaba-kaba pa ang kilusang lihim sa kanyang lakas at sekuridad, ang takbo ng buhay ng isang tibak ay limitado, laluna sa usapin ng puso. Bagamat hindi ko first hand na nabasa ang memo hinggil sa pakikipag-relasyon at pag-aasawa ng mga kasama, naipaparating ito ng mga kasamahan sa kolektibo. Isa itong patnubay at gumagabay sa mga nagbabalak pumasok sa relasyon.

Wala akong kopya kaya’t hindi ko alam ang mga parameters ng ligawan, pakikipagrelasyon at pinagbabatayan ng pag-aasawa. Ang naririnig ko lamang, at madalas na pinaalala, ang relasyon at pag-iibigan ay hindi ginagawa ng basta-basta, ito ay pino-programa, may batayan at may kaugnayan ito sa kapakanan ng buong kilusan.

Sa UP Diliman circa 1977 ang kilusan bagamat lihim sa marami, lalo na sa mga ahente, ito ay may sariling community, kapatiran ng mga kasamang tibak. Magaganda ang turingan ng bawat isa, daig pa, ang pangkaraniwang pagkakaibigan at magkakapatid. Namamayani ang diwa at prinsipyong “maging bukas, matapat at totoo,” (Open, sincere and true) sa maraming kasama. Sumusunod ang marami sa mga alintuntunin ng kilusan kasama na ang memo sa relasyon. Tinataguyod ang kapakanan ng kilusan.

Nabalitaan ko minsan, na isa sa aking matalik na kaibigan ay may nakapatong na DA (Disciplinary Action). Mayroon siyang karelasyon, at nagmamahalan naman talaga ang dalawa, pero pinagbawalan sila ng HO (higher organ) na ipagpatuloy ang relasyon. Nang inusisa ko kung bakit, ang paliwanag sa akin, may “violation” daw sila. Sabihin natin sina Pops at Martin ay matalik na magkaibigan at magkaklase sa UP, at sabay silang sumapi sa kilusan. Sa kilusan, may nagkagusto kay Pops mula sa ibang kolektibo, sabihin natin si Ogie, at nagpaabot si Ogie sa kinauukulang yunit ng kanyang intensiyon manligaw. Tinanggap naman ng yunit ang pinaabot ni Ogie, sa madaling salita binigyan si Ogie ng pahintulot na maiprograma ang kanyang panliligaw.

(Ang pahintulot sa kilusang lihim ay sinasabing mahalaga dahil sa usapin ng sekuridad ng mga yunit o kolektibo. Iniiwasan sa kilusan ang “cross line” o nagkakaroon ng komunikasyon ang mga yunit na iba ang sentralismo, kaya’t hindi ito pinapahintulutan. Ang kadalasang kalakaran, nagpapaalam muna sa PO (political officer), bago makipag-ugnayan sa ibang yunit.)

Pinaabot ni Ogie sa yunit ni Sharon ang kanyang panliligaw. (Hindi ko nabatid kung papaano nanligaw si Ogie kay Sharon). Nagkataon, nuong time na iyon, nagkaroon ng malakihan ang kampanya sa kampus, at napadalas ang pagsasama nina Pops at Martin, at busy naman si Ogie sa yunit niya. Umabot ang pagkakaibigan nina Pops at Martin sa isang relasyong magboyfriend. Nakaabot ito sa yunit ni Ogie, at pinaki-usapan na patungan ng DA sina Pops at Martin. Ang reason na pinaabot, hindi pa raw tapos ang programang panliligaw ni Ogie kay Pops, bilang kasama rin, wala pa raw karapatan si Martin na manligaw at pumasok sa relasyon kay Pops. Sinasabi daw sa memo na ang panliligaw sa isang kasama ay hindi pupwedeng magsabay-sabay, kinakailangan munang iresolba ang isa bago patulan ang kasunod.

Bakit ganoon? Tanong ko nuon. Kahit tibak ako nuong time na iyon, parang hindi katanggap-tanggap ang patakaran, hindi normal. Gayun pa man, dahil sinisikap kong maging huwarang tibak, hindi ko pinapabayaan magwala ang simbuyo ng aking damdamin. Hindi maalis ang nasabing tanong sa aking isipan hangga sa nagkaroon rin akong personal na karanasan na hindi ko makakalimutan at naging patnubay ko sa pananaw ng pag-ibig at pakikipagrelasyon sa mga sumunod na kabanata ng aking buhay.

Sa isang pag-aaral sa bagong tayong grupo sa Malcolm Hall, nakilala ko si Regine. Bago siyang recruit sa grupong ubod (core group ng kilusan). Ako ang kanilang ED at nagbibigay ng pag-aaral. Walo silang babae at iisang lalaki sa grupo. Kapag may pag-aaral o nat-sit madalas ako ang naiimbitihang mag-ED. Nabanggit ko sa sek (secretary) nila na may- crush ako kay Regine at gusto kong manligaw. Sinabihan ako ng sek na ipapaalam niya muna sa kanilang PO, at hiningi rin niya sa akin na hihingi rin ako ng pahintulot sa PO ng aming yunit para walang cross line. Gayun nga ang aming ginawa.

Dumating ang araw, galak na galak ang sek ng magkita kami, binibigyan na raw ako ng ng basbas; ibig sa sabihin pumapayag na daw ang mga PO, napag-usapan na ng buong kolektibo, at boto silang lahat sa panliligaw ko kay Regine. Pagkatapos ng klase sinundo ko si Regine at nag-usap kaming dalawa. Kami lang dalawa. Nakita ko naman sa kanyang kilos at galaw na excited din siyang makipag-usap sa akin. Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa, at tinanong ko kung nauunawaan niya ang napag-usapan at pasya ng kanilang yunit. Sabi niya oo. Tinanong ko kung tinatanggap niya akong manliligaw sa kanya. Sagot din niya ay oo at may kaunting ngiti pa. Made na ang araw ko, sa isip-isip ko. Naghahanda na kaming lumisan sa Malcolm Hall ng may pahabol na tanong si Regine, “Kapag pumasok ka ba sa kilusan, at mayroon kang boyfriend na hindi kasama, kinakailangan mo bang i-break at tapusin ang relasyon?”

Nagulantang ako sa tanong ni Regine. Hindi ko inaasahan. Ang akala ko ay lubus at buo ang ginawang SI ng grupo kay Regine. Ang kaagad na sagot ko kay sa kanya; “Pasensiya ka na. Hindi ko alam at walang nakapagsabi sa akin. Ikonsider mong wala akong binuksan sa iyo. Ipagpatuloy mo ang iyong dating relasyon. Huwag mo siyang i-break. Don’t worry about me, I can handle myself.” At iyon ang una at huli naming pag-uusap dalawa. Nabantulot ang unang panliligaw ko sa kilusan.

Lumayo ako sa Diliman, at kinailangan ko ang bagong environment, timing naman at magandang pagkakataon ang pagtuturo ko sa UP College Baguio. Sa Baguio, malaking adjustment ko; malayo sa mga kasama at sa buhay tibak sa Diliman, romantic ang City at masarap simoy ng hangin, at iba ang lifestyle ng mga tao. Nagbago rin ang katayuan ko sa buhay; kumikita na ako, malayo sa pamilya, sinikap sumabay sa lifestyle tulad ng pagtambay sa mga folk houses, disco at John Hay. Iba talaga ang Baguio nuong late seventies, usung-uso at feel na feel mo ang Saturday Night Fever at disco fever.

Sa kabilang banda, nawalan na ako ng kontak sa grupo nina Regine ng isang taon at kalahati. Isang araw, hindi ko inaasahan, may nag-abot ng maikling sulat mula sa isang kasama sa Diliman. Ganito ang nakasaad “Magmula ng umalis ka sa Diliman ako ng pumalit sa iyo sa pag-aaral sa grupo, sigurado ako kahit hindi nila sinasabi sa akin, ikaw ang tinutukoy at nirereto kay Regine. Alam mo ba na two weeks pagkatapos ninyong nag-usap dalawa, nakipag-break siya sa dati niyang boyfriend. Balikan mo siya, ligawan mo siya uli.STR”

Nanumbalik ang pag-ibig at pag-asa ko kay Regine. Hindi ako nagka-girlfriend sa Baguio, at si Regine pa rin ang madalas na laman ng aking puso. Hindi na ako nagdalawang-isip pa at humingi ng pahintulot kahit kanino man, bumaba ako sa Maynila at nakipagtagpo kay Regine. Totoo nga ang sinasabi ng kasama, hinihintay din niya ako. Kaiba sa huli namin pag-uusap, hindi lamang tinanggap ang aking panliligaw, sinagot pa ng matamis na oo. Sa wakas may girlfriend na ako!

Binalikan kong muli ang famous quote “Love is not looking at each other but looking together in the same direction.” Okey lang magkalayo kami, sa Diliman siya sa Baguio ako. Okey lang kaming hindi nagkikita araw-araw, kahit once a month lang at kung minsan hindi pa natutuloy. Ang mahalaga may pagtinging kaming dalawa. STR.

In-love na nga ba ako? Napapansin ito ng aking mga kaibigan at fellow teachers sa UP, at inamin ko naman. Sa halip na suporta, kantiyaw ang inabot ko sa mga kaibigan ko sa Baguio.Napaka-unromantic ko daw, nasa Baguio ako, sagana sa rosas, sa strawberry at sa matatamis na jams, wala man lamang daw silang nakikitang pinapadala ko kay Regine. Hindi daw ako thoughtful. Hindi daw ako romantic lover.

Oo nga naman, sa isip-isip ko, kaya’t minsan nagpadala ako ng dalawang dosenang rosas sa isang kasama na bumaba sa Diliman. Siyempre “through channel” kaya nabatid ng ibang kaibigang tibak sa Diliman ang aming relasyon. Kantiyaw din ang inabot ko; burgis na raw ako.

“Love is not looking at each other.” Pinakahihintay-hintay ko ang semestral break, kasi higit na mahaba-haba ang panahon naming dalawa ni Regine. Pagdating ng sem break, pagdalaw ko kay Regine sa bahay nila, nakita ko ang kanyang excitement. Maliban sa akin, excited rin siya sa kanyang rural immersion, pakikipag-integrate sa basic masses sa kanayunan. Of course, excited rin akong makita ang kanyang excitement at sigla sa pupuntahan niya. Pero sa loob-loob ko, hindi kami magkakasamang dalawa sa sem-break, wala rin sa frame of mind ko ang mag-rural work nuong time na iyon. Ano’ng magagawa ko eh di pasensiya. Hihintayin ko na lamang siya. Sa pagdating niya galing sa rural work, after two weeks, ito rin ang huling araw ko sa Maynila, kaya’t kahit papaano nakapag-skedyul kaming mag-date sa Greenhills.Nanood kami ng sineng gusto niyang panoorin, ang Julian Makabayan. Sa loob ng sinehan habang nanood, excited niya sini-share ang experience niya sa kanayunan. Nakapag-relate siya sa Julian Makabayan ni Celso Ad Castillo. Pagkatapos ng sine, hindi na rin kami kumain sa labas, sa bahay na lang daw, para hindi na ako gumasta pa.

Hindi ko malaman kung nalulungkot ako o naguguluhan pagbalik ko sa Baguio. Nakikita ko kay Regine ngayon ang sarili ko nuong masigasig pa ako sa pagiging tibak sa Diliman. Nasa puso at buong pagkatao na niya ang buhay tibak. Ako ang nagbago. Binago ako ng Baguio. Marunong na akong mag-good time- disco, beer house, folk house, bowling, John Hay. Sa mata ng mga tibak sa Diliman naging “burgis” na raw ang lifestyle ko. Nag-i-i-enjoy na sa buhay sa Baguio.(Maging hangga ngayong nasa San Francisco na ako, sinasariwa ko pa rin ang buhay ko sa Baguio, ang samahan naming magkakaibigan, ang pagtuturo ko, pamamasyal at good time.). Iba na nga ba ako?

Pagdating ng December break, umuwi ako sa Maynila at binisita si Regine. Katulad ng mga tibak, inases (assesss), inalisa (analyze) at sinum-up (sum-up) (sa malalim na lenguwahe pangtibak, tinasa at nilagom) naming dalawa ang aming mag-aanim na buwang relasyon. Nagkaroon kaming CSC – criticism at self-criticism. Ang puna niya sa akin; “Hindi na ikaw ang kilala nuon sa Diliman, pa-love-love letter ka pa, nagpapadala pa ng rosas, madalas ka na sa disco at folk houses. Hindi na kita maitatangi sa dati kong boyfriend na burgis sa La Salle.” Wala akong imik sa puna ni Regine sa akin. Inaamin ko ako ang nagkulang. Marahil hindi na nga ako ang dating tibak na kilala niya. Humingi ako ng paumanhin at nagpaalam ng gabing yaon. Hindi merry ang Christmas ko nuong Disyembre 1979.

Sa bagong taon ng 1980, ang new year’s resolution ko ay hindi magbagong buhay kundi pagbabalik ng dati kong buhay, ang buhay tibak. Nais kong i-save pa ang relasyon ko kay Regine. Hindi naman niya sinabing hindi niya ako mahal o wala siyang pag-big o pagtingin sa akin, ang puna niya ay ang nakita niyang pagbabago ko, ang pagiging burgis sa lifestyles.

Sinimulan ko ang taon ng determined sa aking gagawin. Sa buong buwan ng Enero, wala akong goodtime-walang beehouse, folkhouse at disco. Para makaiwas ako nagbuo ako study group pagkatapos ng klase. Marami sa mga barkada sa Baguio ang nanibago sa akin, kapansin-pansin ang hindi ko pagsama sa mga lakaran. Sa sarili ko, sinasabi ko na kakayanin ko ito para sa relasyon namin ni Regine. Gayun pa man, malakas ang hatak ng environment, laluna ng palapit na ang Valentine’s Day, at iba ang atmosphere ng Baguio during this season, it’s lovers’day and romantic night. Halos lahat sa Baguio nag-si-celebrate, nag-di-date at nag-gud-goodtime. At ako magmumukmok sa bahay? I could not hold on. I need to be true and sincere to myself. Nang gabi ng Valentine’s Day I joined a group of students and teachers na walang partners, and we enjoyed ourselves.

Alam ko rin duon magtatapos ang iniisip kong makakapagbalik sa relasyon ko kay Regine.

Natapos ang semester at summer class, nag-resign ako sa teaching job sa UP Baguio, at bumalik sa Maynila. Kahit naging malapit na ang distansiya namin ni Regine, malayo na kami sa isa’t-isa. Naglaho na ang pag-asang magkabalikan. Nagkaroon siya ng bagong boyfriend, later naging asawa niya. Dahil sa nangyari, I learned my lesson in love, ayaw kong mawala muli ang sigla at sigasig ko sa pagiging tibak, sa bago kong trabaho sa isang LO/LI ko lubusang binuhos ang aking sarili, oras at talino. Isinantabi ko muna ang pakikipagrelasyon at paghanap ng aking love.

Ito ang aking fuffy love, ang puppy love ng isang tibak.

“Pagka-Pilipino” Seryeng Panayam kay ZAS

Filed under: Bagong Kasaysayan,Panayam-Pananaw — bakasbukas @ 9:16 hapon

 

Akademia Lambat-Kalat: Kumusta po. May tanong lang po: Papaano po nagsimula ang pagtutukoy ng grupong etniko ang kanilang pangalan kaugnay sa kanilang pagkatau o identity tulad ng Taga-Ilog, Tagalog, Kapampangan, Pangasinan? Kaiba sa mga Mangyan, Igorot at Moro, mga dayuhan ang nagbinyag at lumaganap na lamang at inangkin na rin ng grupong etniko ang pangalang pantukoy sa kanila. Nais ko pong lubusang maunawaan itong ating “ethnic identity formation.”

 

Zeus Salazar (ZAS): Ang ethnonym [etnonim] o “pangalan ng (isang) bayan” / grupong etniko / ethnos ay maaaring endonym [endonim], “pangalang panloob / mula sa labas” o autonym [awtonim], “pangalang bigay sa sarili,” o kaya exonym [eksonim], “pangalang bigay ng iba / mula sa labas.” Kadalasan ang pangalang ibinibigay sa sarili ng mga grupong etniko ay “mga tao sa mundo” o “naninirahan sa mundo”, tulad ng Ifugao o “tao/naninirahan sa fugaw” kung saan ang “fugaw” ay cognate ng “pulau” o “pulo” — i.e., isla o para sa mga Ifugaw na naninirahan sa interior ng Luzon, ang daigdig mismo.

 

Patungkol sa nabanggit mong Taga-Ilog, Tagalog, Kapampangan at Pangasinan, mahirap tantiyahin kung mula sa labas o mula sa loob ang mga pangalang ito. Pangasinan ay tumutukoy sa produkto ng isang rehiyon na natawag na Pangasinan, marahil dulot ng pagiging kalakal ng asin; kung kayat maaaring bigay ito kapwa ng tagaloob at tagalabas. Gayundin siguro sa Kapampangan bilang pagtukoy sa mga taong nakatira sa mga pampang ng ilog, bagay na laganap sa buong Pilipinas, bagamat walang kahawig ditong mga pangalan ng grupong etniko. Ang Tausug at Subanun, halimbawa, ay kapwa tumutukoy sa daloy ng ilog. Ang “Taga-Ilog” at “Tagalog” ay may mahabang kasaysayan na siyang paksa ng disertasyon ni Dr. Lars Ubaldo. “Tagalog” ang katawagan sa mga Tagalog nang dumating ang mga Kastila at ito na nga ang nakasulat sa mga kronika ng mga ito. Ngunit maagang nainterpreta ng mga ito na ang pangalan ang nagmula sa pangyayaring nakatira ang mga Tagalog sa mga ilog, partikular sa Pasig, kaya natawag nga silang Taga-Ilog. Ngunit napatunayan ni Dr. Lars Ubaldo na ang etnonim na “Tagalog” ay “Taga-alog” sa simula. Taga (aksent sa uling “a”) at “alog” (aksent sa “a”) kung kayat ang stress ng “Tagalog” ay nasa gitnang “a”, bagay na hindi mangyayari kung “Taga-ilog” ang talagang pinagmulan ng “Tagalog” [kung talagang nagmula ang “Tagalog” sa “Taga-ilog” ang magiging resulta nitong huli ay “Tagaylog” at hindi “Tagalog”. Maraming cognate ang”alor” sa Pilipinas. Pakibasa na lang ang disertasyon ni Dr. Lars Ubaldo.

 

Tungkol sa Mangyan, hindi alam ang etimolohiya nito, ngunit ito na talaga ang etnonim ng mga orihinal na nanirahan sa Mindoro. Magkakaugnay ang kanilang mga wika; ang tanging pagkakaiba ng mga partikular na grupo (anim) ay may kinalaman sa kani-kanilang tinitirahang teritoryo. Dahil may pangalang “Iraya” (sa dakong pinagmumulan ng Ilog) at “Buhid” (bundok) may kinalaman marahil ang mga pangalan ng iba pang grupo sa kanilang pagkakaugnay sa direksyong ilaya-ilawud (direksyon ng ilog mula sa kabundukan tungo sa wawa) ng mga Austronesyano. Hindi ko alam ang eksaktong etimolohiya ng ibang mga etnonim. Hindi ko rin alam kung ang pagpapangalan sa kanila, kasama ang mga Ilaya at Buhid, ay mula sa labas o sa loob; ngunit maaaring mula sila lahat sa loob ng kabuuang konsepto ng “Mangyan” bilang pangalan ng lahat.

 

Tungkol naman sa “Igolot” o “Igorot” (tagabundok) marahil dapat ikontrast ito sa “Iluko” (i.e., “Ilukong” o”taga lukong” (“cuvette” sa Pranses o simpleng “patag”), bagay na maikukumpara sa pagkakaugnay ng “Mandaya” (taga-iraya” o bandang kabundukan) at “Mansaka” (tagapatag) sa Mindanaw. Mahirap malaman sa kaso nitong dalawa kung endonim o exonim sila, o simpleng orihinal na pangalan ng iisang grupong etniko na nakatira sa magkaibang teritoryo o ekolohiya. Magkaugnay ang dalawang wikang Mandaya at Mansaka.

 

Sa mga nabanggit mong etnonim, ang “Moro” lamang ang tiyak na eksonim sa magkakaibang grupong etniko (Maranaw, Magindanaw, Tausug, etc.) ngunit iisa ang relihiyon, kung ikukumpara sa mga Kastila — at sa mga grupong Manuvu / Bagobo. Sa katunayan, ipinapalagay na laht ng mga grupong etniko sa Mindanaw ay Manuvu / Bagobo sa simula, kasama na ang mga Maranaw at Magindanaw, laluna kung ikukumpara sa mga Tausug na ang wika at kalinangan ay mas malapit sa mga grupong Bisaya.

 

Akademia Lambat-Kalat: Available na po ba sa libro ang disertasyon ni Dr. Lars Ubaldo? Kung ang Tagalog ay mula sa “taga-alog” at hindi “taga-ilog” bakit po walang pook na tinaguriang Tagalog?

 

ZAS: Mababasa ninyo ang disertasyon sa aklatan ng U.P. Departamento ng Kasaysayan o kaya sa aklatan ng Graduate School ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya, Bulwagang Palma. Ano ang ibig mong sabihin ng “pook” na tinaguriang Tagalog? Tulad halimbawa ng Pampanga? Isang probinsya ito nabuo noong panahong Kastila; ngunit walang “pook” o kaya “bayan” na may pangalang “Kapampangan”. Wala ring “pook” na “Iloko” o “Ilukong”; may isang rehiyong Ilocos o “Kailukuhan”. Wala ring “pook” na Ifugaw; isang teritoryo ito.

 

Kung teritoryo ang pinag-uusapan, may rehiyon ng Katagalugan, ang pangalang ginamit nina Bonifacio upang tukuyin hindi lamang ang rehiyong pinagbayanan ng mga Tagalog kundi ang buong arkipelago ng Kapilipinuhan.

 

Hindi nanggagaling ang pangalan ng isang grupong etniko o etnonim sa isang pook kundi sa ipinapalagay na katangian ng teritoryo ng mga taong tinutukoy nito [cf. Sugbu (magkasingkahulugan ito ng "Sug" ng Tausug) = Sugbuhanun; gayundin "Subanun+ mula sa "Suba" na may kahawig na kahulugan.]. Tatlong kahulugan ng “alog” o “alor”, “alur” sa ibang wikang Pinoy ay: “tawiran sa ilog” (mababaw ang tubig dito); “daanan ng bangka sa bakawan”; at “lugar na masasakahan sa pampang o sa gitna ng ilog mismo”. Dahil dito, ipinalalagay ni Dr. Ubaldo na ang pinagmulan o etnohenesis ng mga Tagalog ay marahil ang delta ng Pasig. Mayaman ito hindi lamang bilang sakahan (sa mga alog) kundi bilang pinagkukunan ng isda at iba pang mapapakinabangang hayop, bukod sa iba’t ibang uri ng kahoy sa bakawan mismo. Pakikontak na lang si Dr. Ubaldo. Nagtuturo siya sa St. Scholarstica’s.

 

Abril 7, 2009

Dis-Krimen-Nasyon

Filed under: Este-Poste,Pilantik — bakasbukas @ 11:02 hapon

Nuong una kong buksan at mabasa ang post ni Bong Valencia sa Facebook – “read this latest slit-eyed insult on the filipino. sayang na those canons on the ramparts of intramuros that are directed toward chinatown are no longer working.” – binalewala ko lang. Hindi na bago kasi sa akin ang mga statements na lumalabas sa media (print, tv, radio, internet) na may patamang nakaka-insulto sa ating Pilipino.

Ang tinutukoy ni Bong ay ang sinulat ni Chip Tsao sa kanyang kolum sa Hong-Kong Magazine Online “The War at Home” March 27, 2009. Ilang minuto lamang ang nakalipas, nabasa ko ang koment ni Pete Batangan – “Kawawa talaga tayo! Tingin ko, isang economic boom na ala S. Korea ang kailangan natin para guminhawa o isang political upheaval of cataclysmic proportion!”

At ilang oras pa, nagpost ng koment si Ada Javellana Loredo – “wag dibdibin, journalist siya, yan ang trabaho nya. buti nga meron siyang stats na verifiable. ganun karami ang filipino maids sa kanila, totoo yun. e ano kung nang-i-insulto siya? sino ba siya?…ang importante dito ay yung gobyerno natin, at tayo, na dapat ginagawa rin ang trabaho!”

Sasali na sana ako sa thread at magkokoment nuong oras na iyon; pero ipinagpaliban ko pa. Kinabukasan, sa Yahoo listserve ng pathmembers muli ko itong nabasa – “AKBAYAN Rep. Risa Hontiveros condemned today an article that was published in a lifestyle magazine in Hong Kong that called the Philippines a ‘nation of servants’.”

Binalikan ko ang post ni Bong (Noel) para mabuksan ang kakabit na url; pero wala na. Sa inquirer.net ko napag-alaman- “The feature article of an online magazine in Hong Kong that called the Phlippines ‘a nation of servants’ and criticized the country’s pursuit of its claim to the Spratly islands has been pulled down as of Monday afternoon.”

Ang sinasabi ko sa sarili ko, dapat makisali na rin. Ito ang nakikita kong pagkakataon na maipalaganap at maituwid ang tinatawag kong “Dis-Krimen-Nasyon.” Pansinin ang baybay sa salin ko sa wikang Ingles ng “Discrimination.” Sa wikipedia, “Discrimination toward or against a person or group is the treatment or consideration based on class or category rather than individual merit. It is usually associated with prejudice. It can be behavior promoting a certain group (e.g. affirmative action), or it can be negative behavior directed against a certain group (e.g. redlining). The latter is the more common meaning.”

Sa madaling salita “ang diskriminasyon ay ang paglalait at di mabuting pag-huhusga sa isang tao o grupo ng tao. May iba’t ibang diskriminasyon sa lipunan tulad sa diskriminasyon sa trabaho, diskriminasyon sa mga babae, bakla, taong may kulay, kalipian o lahi, relihiyon at sa bansang pinagmulan,” ayon na rin sa Immigration Story column ni Atty. Jojo Liangco sa Philippines Today na pinamagatan niyang “Diskrimi-Nasyon.”

Sinadya ni Atty. Liangco ang titulo dahil sa “maraming kwento ang mga kababayan natin ng kanilang karanasan sa diskriminasyon, pero bibihira lamang naisusulat at nabibigyan wastong hakbang para hindi na ito maulit. Bilang isang abogado, lubus akong naninindigan sa pagpuksa sa kanser ng diskriminasyon umiiral sa lipunan. Bilang Pilipino, kumukulo ang aking dugo kapag nakakabalita akong pangyayaring diskriminasyon dahil lamang sa pagiging Pilipino o ang bansang pinagmulan ay Pilipinas. Ito ang tinatawag kong DISKRIMI-NASYON o paglalait ng iba batay sa ating nasyon.”

Ang nag-udyok sa kolum ni Atty. Liangco ay ang karanasan ng kanilang staff sa Isabela sa pagpunta sa Hongkong. Bilang mga huwaran at outstanding employees binigyan ng bonus ang tatlo nilang staff ng four-day Hongkong trip (kasama na ang Hongkong Disneyland day-pass at Hongkong tour pass).

“Kahit kumpleto ang kanilang mga papeles at travel documents, hindi kaagad pinapasok ang aming mga empleyado sa Hongkong dahil ‘they were intending to work’ daw sa Hongkong. Ini-stop sila sa port of entry. Dinala sila ng immigration officers sa isang maliit na kwarto at in-interrogate (pinagtatanong ng katakot-takot sa loob ng tatlong oras). Sa pagtatanong ng mga officers, itinuring silang parang mga criminal. Sinikap nilang maging mahinahon at sagutin ang mga tinatanong ng mga officers. Sa tingin nila, kahit ano ang kanilang sabihin ay hindi pa rin nanniniwala ang mga officers sa kanila. Binuksan ang mga dala-dala at luggages nila, kasama na ang mga pitaka at perang dala. Nais pang malaman ng mga officers kung saan nanggaling ang perang panggastos nila sa Hongkong. Kahit sinasabi nilang sinasagot ng kumpanyang pinag-trabahuhan ang kanilang Hongkong trip, hindi pa rin maniwala ang mga officers… Nagbago lamang ang posisyon ng mga immigration officers sa Hongkong ng tumawag mismo ang may-ari ng travel agency sa Hongkong at binigyan ng kaukulang katibayan na sinasagot nga ng kumpanya ang travel reservations, hotel accommodations, at gastos ng mga empleyado.”

Sa kolum ni Atty. Liangco tinatanong niya: “Bakit ‘pinapahirapan’ ang maraming Pilipino sa mga port of entry na tulad ng sa Hongkong? Dahil ba sila ay Pilipino? Dahil ba sila ay Pilipinong nanggaling sa Pilipinas? Dahil ba sila ay may dalang Philippine passport? May ‘alert” na ba sa mga port of entry kapag Philippine passport ang dala ng manlalakbay?”

Nabanggit ni Atty. Liangco ang naging karanasan ko sa London nuong 1988 sa kanyang kolum kahit hindi niya binanggit ang aking pangalan. Ito ang pagkakataon kong maisalaysay muli sa aking Bakas-Bukas blog – ang aking first hand “dis-krimen-nasyon” na karanasan.

Magkasabay kami ni Roy Loredo, asawa ni Ada at matalik na kaibigan ni Bong Valencia, tumungo sa London nuong Hulyo taon 1988. First time ni Roy sa biyahe, third time ko na sa London. Excited kami pareho, at okey naman ang lahat ng travel documents, kaya’t kampante kaming naglalakad pagkatapos sa custom at immigration. Ilang hakbang na lamang makakalabas na kami sa port of entry, biglang tinawag kami ng dalawang security (pulis ng airport). Akala namin SOP lamang iyon sa airport kaya’t pinakita namin kaagad ang mga travel documents. Pinatabi kami sa gilid ng corridor, para marahil hindi kami makaharang sa ibang travelers na naglalakad palabas, at pinabuksan ang aming mga dala-dalang luggages. Sumunod naman kami. Binulatlat ang laman ng aming maleta, parang may hinahanap, habang sinusuri nila ang aming mga Philippine passports.

Ito ang hindi ko makakalimutan na “moment.” Sa pagbuklat ng aking passport ng isang officer na naka-assign sa akin may napansin siyang may nakaipit na plastic card. Agad-agad niyang kinuha at binasa. Tinanong niya “Is this yours?” Ang sagot ko “Yes!” “So you’re a permanent resident of the United States!” Sagot ko uli “Yes!” Nagtaka ako sumunod na action niya; biglang nagbago ang kanyang asta, binalik ng mahusay at maayos ang nabulatlat na laman ng aking maleta, at ng ibinalik niya ang aking passport kasama ang aking greencard, nagwika pa siya ng “Err, I am very sorry!”

Sa aking tabi si Roy, walang pakundangan ang pulis assigned sa kanya, at si Roy na rin ang nagbalik sa mga nabulatlat na laman sa kanyang maleta, at wala kaming narinig na “sorry” man lang. Bakit ganoon? Sa akin may “sorry,” kay Roy wala. Dahil ba na ako ay may “US Green Card” at si Roy ay Philippine passport lang?

Katulad sa palagay ni Atty. Jojo Liangco; May dis-Krimen Nasyon sa mga Pilipinong taga-Pilipinas. Laganap at umiiral ito sa maraming port of entry. Hindi lamang naisusulat at nagiging tampok sa media para mag-generate ng malawakang protesta (indignation) at makapaglunsad ng naangkop na hakbangin para tuluyang mabura ang “dis-krimen-nasyon” ng nating Pilipino.

Simulan natin ang pagsasalaysay. Kayo, ano ang karanasan ninyo sa “dis-krimen-nasyon’?

The Rubric Theme. Create a free website or blog at WordPress.com.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.