Bakas-Bukas Blog

Marso 22, 2009

Dati Red Book, Ngayon Facebook

Filed under: STR(TalamBuhay) — bakasbukas @ 1:17 umaga

Sa blog ni Ed (dela Torre) (12/17/2008) ko unang nabasa ito; “from the Red Book to Facebook,”na sinang-ayon naman ni Etta (Rosales) ng “Ganito tayo noon…Facebook tayo ngayon.” Naganap ito sa reunion ng mga aktibista sa Antipolo, sa maganda at maliwalas na bakuran nina Alex Padilla, na binansagang “Ganito Tayo Noon…1980-1986 reunion.”

Nabalitaan ko ito, pero hindi ako nakadalo sa reunion. Sa katunayan ang huling uwi ko sa Pilipinas ay nuong 1997 pa, dadalawang linggo lang pa man din ito, at ang pinaghahandaan nuon nina Ed at mga kasama sa popdem ay ang kampanya ni Erap sa pagka-pangulo ng bansa. (Hinihikayat nila akong mag-relocate muna sa ating bayan nuon, maganda daw ang prospects sa bayan kung mananalo si Erap.)

Sa katunayan nga rin, ang blog ni Ed ang isa sa mga nagpabilis sa aking pag-signed up sa Facebook. Ang pamilya ko ay may kani-kani kanyang account sa Friendster, Multiply, at ang mga kaibigan ko naman sa State ay may Myspace, pero ni-isa sa kanila ay naka-udyok sa aking mag-sign in. Iba siguro ang Facebook, sa isip-isip ko, kung sina Etta at Ed, sampu ng mga tibak sa reunion ay may Facebook, magaling at maganda ito.Iba kasi ang tibak.

Sanay ang mga aktibista sa gawaing sa AOM. Arouse-Organize-Mobilize. Sa mga dating aktibistang katulad ko, hindi na madaling mapukaw o ma-arouse (ang ibang arousal okey pa) sa kilusan. May kaagad na rationalization “pinagdaan ko na iyan, iyong mga bata at ngayong generation naman!”). Ganoon pa man, sinubukan ko ang Facebook.

Naiiba talaga ang Facebook. Ang basic at personal information ng mga kasali ay tunay, hindi mga alias tulad sa mga unang naglabasan ang mga screen names sa internet. Kahit hindi mo naka-chat o wall-to-wall, mababasa mo ang kaniyang “talambuhay”, maging kung anu-ano ang pinagkakaabalahan niya, iniisip at binabalak gawin. Wow. Parang buhay tibak, sumusunod sa prinsipyong “kailangan maging bukas, matapat at totoo” ang mga kasama. Bilib ako.

Nang matuklasan ko ang notes at links, lalu akong na-engganyo. Masipag mag-post ang mga kasali, samut-sari, para bagang namumudmod ng polyeto. Kung nuon iyan ginawa sa panahon ng Martial Law, tatawagin iyan OD-OP. Operation Dikit at Operation Pinta. Kung tatanungin naman si Ed, maari niyang balik-tanawin ang nabantulot na paglabas ng “Bagong Katipunan” bilang bagong “packaging” ng NDF (National Democratic Front) at mga kaalyado nito circa 1980, at sasabihin niya na ang mga notes at link posts sa Facebook ay mga “sweeping prop” at “solid prop”. Di ba Ed?

Naalala ko kasi ang unang time na i-describe ni Ed sa amin ang gawaing propaganda at education work nuong early 1980s, bago na-assassinate si Ninoy Aquino at sumiklab ang JAJA (Justice for Aquino, Justice for All) sa buong kapuluan. Ang mga keywords sa Nat-Sit (National Situation) nuon ay “lumalala ang krisis pulitika,” “umiigting ang polarisasyon ng mga pwersa,” na-i-i-isolate na ang ang rehimeng Marcos,”at “nalalagay sa peligro ang interes ng US sa bansa.” Sa madaling salita, ang ibig ipaabot ni Ed ay lalo pang palaganapin, pasiglain, at gawing mapangahas (bold at daring) at malikhain (creativity) ang gawaing Ed-prop ng kilusan.

Sa panahong ito, naging matingkad ang papel ng “alternative media” tulad ng IBON Facts and Figures, “Situationer” ng NASSA, CACP ni Sr. John Manansan, at marami pang publikasyong ng mga LO/LI (legal organization/legal institution) (Note. Hindi pa ginagamit nuon ang term na NGO), gayundin ang underground media tulad ng“Ang Bayan” ng CPP-NDF at ang pinakapang-mainstream (UF) ang tipo at dating ng pahayagang “Liberation” ng NDF. Dito rin binigyan ng basbas at assignment (mission) ang mga kasamang magagaling magsulat na pumasok sa mga established media.

Ang Facebook ay isang magaling na behikulo sa prop-ed. Ang metaphor na ginamit ni Ed sa prop-ed ay tulad ng pagbabaril; “sweeping prop” ay tulad ng pagpapaputok ng basta-basta, pagwawalis ng bala, sari-saring direksyon may tamaan man o wala. Ang “solid prop” naman ay nakatuon sa target, sadyang pinatatamaan ang dapat tamaan.

Ngayon pa lamang, mag-iisang buwan pa lamang ako sa facebook, nakikita ko na ang potentials at bentahe ng gawaing pag-oorganisa at pagmomobilisa sa Facebook. Ayon sa nabasa kong artikulo mahigit na dalawang milyon ang “friends” ni Pres. Barack Obama sa Facebook, at malaki at naging susing factor ito sa panalo niya nuong Nobyembre, 2008. Siya ang tinatawag na “Blackberry President” dahil nagagamit niya ang bagong teknolohiya sa gawaing pulitika.

Mabibilib ka sa dami ng “groups” at “causes” na pupwedeng salihan, mai-request sumali ang mga kaibigan at kahit sa mga hindi kakilala, at sa bawat oras napapansin kung ano ang status – dumarami ba ang sumasali, walang pagbabago, at ilan sa mga “friends” mo ang sumali na. Galing talaga! Parang organizing sa kampus at sa komunidad. Ang magaling pa sa Facebook hindi “hard sell” at walang pilitan. Naalala ko ang memo ng MR (Manila-Rizal) sa mobilisasyon nuong Mayo Uno, 1977 sa Luneta. Tipong ganito ang tono; “Isang malaking pagtakhan, kung aktibista ka sa UP, maraming kang kaklase at kaibigan, wala ka man lang madadalang lima sa kanila at bente pesos sa Luneta.” Ito ang kota nuon sa bawat aktibistang nasa kilusang lihim sumasama sa mobilisasyon.

Sa CO (Community Organizing), mayroon namang step-by-step- approach. Bago mag-organisa, kinakailangan mo munang mag-SI (social investigation), sa NGO days ang tawag dito ay environmental scanning o surveying the terrain. May prinsipiyo dito ng mga dating tibak, mula kay Mao “No investigation, no right to speak,” at ang patnubay nuon ay ang linyang pang-masa (mass line) tulad ng pagsisid sa tubig ng isda sa paglubog sa masa. Bagamat hindi kasama sa prinsipiyo ng mga aktibista, pero sadyang inaasahang diwa ng bawat aktibista ang pakikipagkapwa-tao. Halaw ito sa Sikolohiyang Pilipino ni Dr. Ver Enriquez; sa partikular ang sari-saring antas ng pakikipag-kapwa tao – pakikitungo, pakikibagay, pakikisama, pakikisalamuha, pakikipagpalagayang-loob, at pakikiisa. Sa turo naman ni Dr. Zeus Salazar, mahalaga sa pagpalaganap ng kamalayang pangkasaysayan ang “pantayong pananaw.” “Know thy enemy and know thy self” sa mga Tsino.

Naalala ko tuloy ang paalala ni Ed nuong binuo naming ang Institute for Popular Democracy right after ng EDSA revolution. In general terms, sabi niya, organisado na ang lipunan, ang ating ginagawa ay “re-organizing” o pagbabago ng organisasyon tungo sa pagbabago ng lipunan. Sa karanasan, sa FQS ng early 70s, JAJA post 1983, at Snap Election/ EDSA 1985-86, ang mga tao ay kusang loob na sasali at lalahok sa samahan na nakikita nilang may halaga o saysay sa kanilang buhay at kapaligirang kinalalagyan. Sasama sila sa kilusang malapit sa kanilang puso; may sumpa pang “buhay ko man ay iaalay!”

Sa kasalukuyan, isa na ako sa regular at masugid na Facebooker o Paysbukista (mayroon bang term?), pero looking back, malaki ang papel ng Red Book ni Mao Ze Dong (Tse Tung ang dating baybay) sa aking pagiging aktibista. Ang tinutukoy ko ay ang makasaysayang panahon ng First Quarter Storm. Third year high school ako nuon sa San Fernando, mga 66 kilometro sa Kamaynilaan. May kalayuan man kami sa pinagdadausan ng mga rali at demonstrasyon ng mga estudyante sa Plaza Miranda, US Embassy, Bustillos, UP Diliman, Agrifina Circle (malapit sa dating Congress), Plaza Lawton, Mendiola, at Malacanang, nakakaabot at nasusubaybayan namin ang mga balita. Malaki ang papel ng radyo at tv, at higit na mahalaga ang dala-dalang balita ng mga ka-baryo naming nag-aaral at madalas lumuwas sa Maynila.

Papaano ako naging aktibista?

Nuon pa man malaki na ang interes ko sa ginagawa ng mga aktibista, kaya’t tuwing umuuwi ang aming kababatang taga-UP, pinasasalubungan kami ng mga Philippine Collegian at pahayagan ng SDK at KM, at nagkakaroon kaming pag-aaral na nuon ang tawag ay DGs at “teach-ins.” Halos linggu-linggo namin ito ginawang magkakaibigan at magkakaklase.

Sa aming eskwela naman, hindi maiwasan ng aming school paper –The Pampangan – na hindi banggitin ang nagaganap na aktibismo sa Maynila. Ang mga seniors ang may hawak ng school paper at kaming mga staff na nasa junior year ay hinihahanda sa editorial work. Excited ako sa unang journalism assignment ko; ang makuha ang mga opinyon ng mga mag-aaral sa aktibismong nagaganap sa Maynila. Sinabmit ko ang aking artikulo kasama ang mga sinabing pala-palagay ng aking mga nainterview.

Nagkataon nang lumabas ang The Pampangan sa aming eskwela, wala ako sa San Fernando. Nagulantang ang mga ininterbyu ko kasi ang lumabas sa pahayagan ay kabaligtaran sa sinabmit ko. Galit na galit sila dahil binanggit ang pangalan nila na “hindi pabor” sa aktibismo. Alam nila hindi ko binago ang kanilang sagot. Ang suspetsa nila ang may kagagawan ay ang teacher-adviser ng The Pampangan. Mabilisan silang nagpulong, kahit wala pa ako, at nagpasyang gumawa ng kilos protesta. Hinakot ang mga hindi pa na-distribute na school paper, sinulatan ng pulang pintura, “Guarin Kriminal ng Press,” “Hindi Ito Tama,”“Censorship Tutulan,” at pinaskel sa kahabaan ng pader sa harap, kalibutan at sa loob ng aming eskwelahan. Pagdating ng Lunes, pasukan, naging malaking isyu ito sa kampus. Dinala sa ospital ang adviser, hindi ako sure kung na-heart attack sa nangyari o sa galit niya sa amin.

Napagalitan ako ng principal, pero dahil wala naman talaga akong kinalaman sa ginawang pagkilos, kaya pinabayaan na lamang maghilom ang sugat ng adviser sa akin. Ang hindi ko sukat akalain, nakarating ang balita sa ginawang kilos protesta sa aming kampus sa iba’t ibang kampus. Ang mga alumni na naging tibak sa kolehiyo, mga KM, SDK, MPKP, ay biglang nagka-interes bumisita sa amin. Ni-re-recruit kaming sumali o mag-affiliate sa kanilang organisasyon.

Sa lahat ng pinadalang organizers, kay Kuya Pitong Gaddi ako na-impress. Kasi tuwing bumibisita siya binibigyan niya kaming babasahin tulad ng Philippine Collegian, mga essay-pamphlet ni Renato Constantino, posters at mga stickers. Naging madalas ang kanyang pagbisita at binuo namin ang Demokratikong Samahan ng JASHS (pangalan ng aming eskwela) bilang isang affiliate org ng Samahang Demokaratikong Kabataan (SDK). Kung marami at madalas ang kilos-protesta sa Maynila, mabilis ang pag-unlad ng chapter ng SDK sa San Fernando, Pampanga. May mayayaman (tulad ng mga kamag-anak ni Angel Baking) ang nagsuportang maka-renta ng apartment sa harap ng aming eskwela at gagawin headquarter para sa operasyon ng SDK sa buong Pampanga at sa kalapit lalawigan. Ganoon nga ang nangyari. Nagkaroon ng FTs (full-timer) na aktibista ang HQ, umaabot ng sampu hanggang beinte ang regular na nakikitira, at kaming mga estudyante ay bumibisita at tumambay kapag recess o kaya kapag tapos na ang aming mga klase.

“Dati Red Book, Ngayon Facebok.” Sa exposure ko sa buhay HQ ng mga full-timers duon ko nakita ang halaga ng Red Book. Maayos at malinis ang headquarter, halos lahat ng bagay ay nasa tamang kinalalagyan. Sabi ng mga aktibistang namamahala sa HQ, turo daw ito ni Mao, binabasahan niya ako ng Red Book para maipaliwanag. Simple living at hard work. Huwag kumuha kahit karayom sa masa, huwag pagsamantalahan ang mga babae at marami pang iba.

Kapansin-pansin, ang madalas sa bukang-bibig ng mga FTs at nakapaskel sa mga bulletin board at pader ng HQ ay ang “Serve the People,” “Paglingkuran ang Sambayanan,” at “Mula sa masa, para sa masa.” Nakaka-inspired talagang makita ang pamumuhay sa HQ. Hindi sila kinakapos sa pagkain. Nuong una nagtataka ako kung papaano ang sustento nila. Napansin ko tuwing Linggo ng hapon, ang mga estudyanteng nag-aaral ng kolehiyo sa Maynila ay dumadaan muna sa HQ bago nila kunin ang bus paluwas. Iniiwan ang mga padalang pabaon (one week supply ng bigas, ulam at delata) ng kanilang magulang. Kapag maraming gulay at prutas sa kusina ng HQ, ang kwento sa akin, nanggaling sa bukid o sa palengke ang ilang FTs. Nag-aambag o nagbibigay ang mga tindera sa palengke at sa mga magsasaka sa bukid sa pagsustento ng HQ at ng mga FT. Iba talaga ang pagtangkilik ng masa nuon sa mga aktibista.

Hindi nagtagal nakapagtayo ng chapter ng SDK sa mga kalapit na ekswela tulad sa St. Scholastica, Don Bosco, Assumption College, Harvadian College, Toledano Institute, Guagua National College, at iba pa. Sa maraming aktibista mula sa iba’t ibang eskwela, isa ako sa napili ni Ka Pitong na manguna sa gawaing edukasyon. Hindi ko makalilimutan ang binulong niya sa akin minsan,”hindi lahat ng kasama ay may librong Red Book at PSR, ipinagkakaloob ko ito sa iyo dahil nakikita ko ang iyong sigasig sa pag-aaral at sa paglilingkod sa bayan.”

Totoo nga, hindi lahat ng aktibista ay may Red Book nuon. Kung hawakan ang Red Book parang bibliya. Ang isang tipikal na pag-aaral sa HQ; magdaratingan ang mga bagong ni-re-recruit o ini-organisa sa SDK, inaalis ang mga sapatos o tsinelas sa pagpasok ng apartment, malinis kasi, at nakaupong paikot sa sahig ang bawat isa. Ang unang gagawin ay magpakilala ang bawat isa kung saan sila nagmula (uri o pamilya) o nanggaling na eskwela o chapter. Sa pagsisimula ng pag-aaral, pipili ng quotation ang facilitator mula sa Red Book, babasahin ito at hihingi sa mga kalahok ng kanilang pagkakaunawa sa nasabing quotation at hikayatin magbigay ng halimbawa. Kung minsan, isusunod ang pagsasalaysay, tipong basa-talakay, ng mga artikulo sa five golden rays, ang Red Book, tulad sa buhay ni Norman Bethune, the “Foolish Old Man” at iba pa. Kung mahaba-haba ang oras, sisimulan ang mga pahina ng PSR.

Marami akong natutuhan sa HQs. Sa dami kong nalalaman sa nagaganap sa lipunan, nababahala ang aking mga titser sa social studies, Philippine community life at history. Hindi nila mabaan ng aking grade dahil marami akong alam, kapag binigyan namn ako ng oras sa klase magpaliwanag, nagugulo ang kanilang sinusunod na kurikulum, kasi maliban sa luma ang textbooks ay chapter-by-chapter pa ang ginagawang pag-aaral. Nuong panahon ito, malakas pa ang cold war, two-China policy pa ang US, at ang tawag pa sa People’s Republic China ay Red China o Communist China.

Naglaho ang mundo o kultura ng HQ ng madeklara ang Martial Law nuong 1972. Ilang araw bago ito idineklara, ang Proclamation 1081, usap-usapan na ito ng mga FTs, gumagawa na sila ng hakbang atrasan,sinimulang alisin o itago sa ibang lugar ang mga libro at mahahalagang dokumento. Nagiging bihira na rin ang mga natutulog sa HQ. Sa Linggo ng deklarasyon, ni-raid ang HQ, pero walang nakuha mahalagang bagay o nahuling aktibista. Nasuspende ang mga klase sa lahat ng paaralan at kolehiyo sa buong Pilipinas. Walang pasukan halos mahigit sa isang buwan. Kasama sa General Order ng DEC ang panawagan ipasasara ng tuluyan ang mga eskwelahang nagpapasok pa ng mga aktibista (lalu na ang mga KM at SDK).

Nabalitaan ng school admin ang raid sa aming HQ at wala silang nahuli at nakuhang listahan ng mga aktibista. Ilang linggo ang nakalipas, nag-resume ang klase, pasukan muli, pero ipinatawag kami sa principal office, sinabihan ako at ilang kaklase na kumuha ng clearance sa Pampanga Command bago tanggapin sa klase. At iyon nga ang aming ginawa. Pumunta kaming limang magkakaibigan sa Pampanga Command, at pagkabanggit ng aming pangalan, dalawa kami, ako at si Pericles Mallari, ay agad-agad na hinuli at dinala sa isang barrack na ginawang piitan o kulungan ng mga hinuli magmula pa nuong madeklara ang batas militar. Hindi nila hinuli ang tatlo namin kasama. Nakulong kaming dalawa ng ilang araw.

Nagtataka ako kung papaano naisama ang pangalan namin ni Perry at ang iba naman ay wala sa listahan ng blacklisted. Maging ang mga kasamahan naming FTs sa SDK ay wala sa listahan. Later ko lamang nabatid na sa takot ng prinsipal at ilang titser sa posibleng implikasyon ng general order sa aming haykul, gumawa sila nang listahan na sa tingin nila ay mga aktibistang pinaghahanap at ibinigay ito sa militar (sa Camp Olivas at Pampanga Command sa may kapitolyo).

Dahil sa Facebook, naalala ko at sumariwa ang kabanata sa aking buhay, buhay aktibista sa aming probinsiya. Naalala ko ang ilang sa mga “friends”o kasama ko nuon. Mahigit na apat na dekada ang nakakaraan pero magpahangga ngayon wala pa akong balita kung saan sila napadpad. Sina Ka Bong,Ka Joe Pagquil, Ka Arnel, Ka Tikboy at iba pa. Buhay pa kaya sila?

Kamakailan, nag-add friend ako sa Facebook, kapangalan ni Pericles Mallari. Sumagot siya, at sinabi niyang anak siya ng matalik kong kaibigan. Ang huli naming pagkikita ni Perry ay nuong 1995 pa, dumalo siya sa aking kasal, at nawalan kami ng communication since then. Dahil sa anak niya, na re-connect kami. Inimbita ko siyang mag-join sa Facebook. Tandang tanda ko si Perry, ang aking kababata at kasama sama sa panahon ng Red Book sa aming buhay. Ang buhay nga naman. Dati Red Book, ngayon ay Facebook.

1 Puna »

  1. peyborit ko ang redbook. ngayon pati facebook peyborit ko na rin. hehe

    Komento ni rara — Hunyo 3, 2009 @ 6:40 umaga | Tugon


RSS feed for comments on this post. TrackBack URI

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Sumulat ng Blog sa WordPress.com.

%d bloggers like this: