Bakas-Bukas Blog

Abril 7, 2009

Dis-Krimen-Nasyon

Filed under: Este-Poste,Pilantik — bakasbukas @ 11:02 hapon

Nuong una kong buksan at mabasa ang post ni Bong Valencia sa Facebook – “read this latest slit-eyed insult on the filipino. sayang na those canons on the ramparts of intramuros that are directed toward chinatown are no longer working.” – binalewala ko lang. Hindi na bago kasi sa akin ang mga statements na lumalabas sa media (print, tv, radio, internet) na may patamang nakaka-insulto sa ating Pilipino.

Ang tinutukoy ni Bong ay ang sinulat ni Chip Tsao sa kanyang kolum sa Hong-Kong Magazine Online “The War at Home” March 27, 2009. Ilang minuto lamang ang nakalipas, nabasa ko ang koment ni Pete Batangan – “Kawawa talaga tayo! Tingin ko, isang economic boom na ala S. Korea ang kailangan natin para guminhawa o isang political upheaval of cataclysmic proportion!”

At ilang oras pa, nagpost ng koment si Ada Javellana Loredo – “wag dibdibin, journalist siya, yan ang trabaho nya. buti nga meron siyang stats na verifiable. ganun karami ang filipino maids sa kanila, totoo yun. e ano kung nang-i-insulto siya? sino ba siya?…ang importante dito ay yung gobyerno natin, at tayo, na dapat ginagawa rin ang trabaho!”

Sasali na sana ako sa thread at magkokoment nuong oras na iyon; pero ipinagpaliban ko pa. Kinabukasan, sa Yahoo listserve ng pathmembers muli ko itong nabasa – “AKBAYAN Rep. Risa Hontiveros condemned today an article that was published in a lifestyle magazine in Hong Kong that called the Philippines a ‘nation of servants’.”

Binalikan ko ang post ni Bong (Noel) para mabuksan ang kakabit na url; pero wala na. Sa inquirer.net ko napag-alaman- “The feature article of an online magazine in Hong Kong that called the Phlippines ‘a nation of servants’ and criticized the country’s pursuit of its claim to the Spratly islands has been pulled down as of Monday afternoon.”

Ang sinasabi ko sa sarili ko, dapat makisali na rin. Ito ang nakikita kong pagkakataon na maipalaganap at maituwid ang tinatawag kong “Dis-Krimen-Nasyon.” Pansinin ang baybay sa salin ko sa wikang Ingles ng “Discrimination.” Sa wikipedia, “Discrimination toward or against a person or group is the treatment or consideration based on class or category rather than individual merit. It is usually associated with prejudice. It can be behavior promoting a certain group (e.g. affirmative action), or it can be negative behavior directed against a certain group (e.g. redlining). The latter is the more common meaning.”

Sa madaling salita “ang diskriminasyon ay ang paglalait at di mabuting pag-huhusga sa isang tao o grupo ng tao. May iba’t ibang diskriminasyon sa lipunan tulad sa diskriminasyon sa trabaho, diskriminasyon sa mga babae, bakla, taong may kulay, kalipian o lahi, relihiyon at sa bansang pinagmulan,” ayon na rin sa Immigration Story column ni Atty. Jojo Liangco sa Philippines Today na pinamagatan niyang “Diskrimi-Nasyon.”

Sinadya ni Atty. Liangco ang titulo dahil sa “maraming kwento ang mga kababayan natin ng kanilang karanasan sa diskriminasyon, pero bibihira lamang naisusulat at nabibigyan wastong hakbang para hindi na ito maulit. Bilang isang abogado, lubus akong naninindigan sa pagpuksa sa kanser ng diskriminasyon umiiral sa lipunan. Bilang Pilipino, kumukulo ang aking dugo kapag nakakabalita akong pangyayaring diskriminasyon dahil lamang sa pagiging Pilipino o ang bansang pinagmulan ay Pilipinas. Ito ang tinatawag kong DISKRIMI-NASYON o paglalait ng iba batay sa ating nasyon.”

Ang nag-udyok sa kolum ni Atty. Liangco ay ang karanasan ng kanilang staff sa Isabela sa pagpunta sa Hongkong. Bilang mga huwaran at outstanding employees binigyan ng bonus ang tatlo nilang staff ng four-day Hongkong trip (kasama na ang Hongkong Disneyland day-pass at Hongkong tour pass).

“Kahit kumpleto ang kanilang mga papeles at travel documents, hindi kaagad pinapasok ang aming mga empleyado sa Hongkong dahil ‘they were intending to work’ daw sa Hongkong. Ini-stop sila sa port of entry. Dinala sila ng immigration officers sa isang maliit na kwarto at in-interrogate (pinagtatanong ng katakot-takot sa loob ng tatlong oras). Sa pagtatanong ng mga officers, itinuring silang parang mga criminal. Sinikap nilang maging mahinahon at sagutin ang mga tinatanong ng mga officers. Sa tingin nila, kahit ano ang kanilang sabihin ay hindi pa rin nanniniwala ang mga officers sa kanila. Binuksan ang mga dala-dala at luggages nila, kasama na ang mga pitaka at perang dala. Nais pang malaman ng mga officers kung saan nanggaling ang perang panggastos nila sa Hongkong. Kahit sinasabi nilang sinasagot ng kumpanyang pinag-trabahuhan ang kanilang Hongkong trip, hindi pa rin maniwala ang mga officers… Nagbago lamang ang posisyon ng mga immigration officers sa Hongkong ng tumawag mismo ang may-ari ng travel agency sa Hongkong at binigyan ng kaukulang katibayan na sinasagot nga ng kumpanya ang travel reservations, hotel accommodations, at gastos ng mga empleyado.”

Sa kolum ni Atty. Liangco tinatanong niya: “Bakit ‘pinapahirapan’ ang maraming Pilipino sa mga port of entry na tulad ng sa Hongkong? Dahil ba sila ay Pilipino? Dahil ba sila ay Pilipinong nanggaling sa Pilipinas? Dahil ba sila ay may dalang Philippine passport? May ‘alert” na ba sa mga port of entry kapag Philippine passport ang dala ng manlalakbay?”

Nabanggit ni Atty. Liangco ang naging karanasan ko sa London nuong 1988 sa kanyang kolum kahit hindi niya binanggit ang aking pangalan. Ito ang pagkakataon kong maisalaysay muli sa aking Bakas-Bukas blog – ang aking first hand “dis-krimen-nasyon” na karanasan.

Magkasabay kami ni Roy Loredo, asawa ni Ada at matalik na kaibigan ni Bong Valencia, tumungo sa London nuong Hulyo taon 1988. First time ni Roy sa biyahe, third time ko na sa London. Excited kami pareho, at okey naman ang lahat ng travel documents, kaya’t kampante kaming naglalakad pagkatapos sa custom at immigration. Ilang hakbang na lamang makakalabas na kami sa port of entry, biglang tinawag kami ng dalawang security (pulis ng airport). Akala namin SOP lamang iyon sa airport kaya’t pinakita namin kaagad ang mga travel documents. Pinatabi kami sa gilid ng corridor, para marahil hindi kami makaharang sa ibang travelers na naglalakad palabas, at pinabuksan ang aming mga dala-dalang luggages. Sumunod naman kami. Binulatlat ang laman ng aming maleta, parang may hinahanap, habang sinusuri nila ang aming mga Philippine passports.

Ito ang hindi ko makakalimutan na “moment.” Sa pagbuklat ng aking passport ng isang officer na naka-assign sa akin may napansin siyang may nakaipit na plastic card. Agad-agad niyang kinuha at binasa. Tinanong niya “Is this yours?” Ang sagot ko “Yes!” “So you’re a permanent resident of the United States!” Sagot ko uli “Yes!” Nagtaka ako sumunod na action niya; biglang nagbago ang kanyang asta, binalik ng mahusay at maayos ang nabulatlat na laman ng aking maleta, at ng ibinalik niya ang aking passport kasama ang aking greencard, nagwika pa siya ng “Err, I am very sorry!”

Sa aking tabi si Roy, walang pakundangan ang pulis assigned sa kanya, at si Roy na rin ang nagbalik sa mga nabulatlat na laman sa kanyang maleta, at wala kaming narinig na “sorry” man lang. Bakit ganoon? Sa akin may “sorry,” kay Roy wala. Dahil ba na ako ay may “US Green Card” at si Roy ay Philippine passport lang?

Katulad sa palagay ni Atty. Jojo Liangco; May dis-Krimen Nasyon sa mga Pilipinong taga-Pilipinas. Laganap at umiiral ito sa maraming port of entry. Hindi lamang naisusulat at nagiging tampok sa media para mag-generate ng malawakang protesta (indignation) at makapaglunsad ng naangkop na hakbangin para tuluyang mabura ang “dis-krimen-nasyon” ng nating Pilipino.

Simulan natin ang pagsasalaysay. Kayo, ano ang karanasan ninyo sa “dis-krimen-nasyon’?

Mag-iwan ng Puna »

Walang puna.

RSS feed for comments on this post. TrackBack URI

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Sumulat ng Blog sa WordPress.com.

%d bloggers like this: