Bakas-Bukas Blog

Abril 11, 2009

“Fuffy Love” ng isang Tibak

Filed under: STR(TalamBuhay),Talambuhay — bakasbukas @ 10:26 hapon

Mahirap talaga ang maagang maging tibak sa buhay, bata ka palang may social consciousness at paninindigan na. May tendensiyang kang pag-isipan ang lahat ng bagay at may palagay na ang lahat ng mga nagaganap sa buhay at kapaligiran ay may kadahilanan at kapaliwanagan, maging ito ay mga damdamin at emotions tulad sa pag-ibig.

Sa panahon na ang mga kamag-aral at kababata ay nasa stage ng tinatawag na puberty at puppy love, ang udyok ng pusong nagbibinata at nagdadalaga, hindi maikakaila at maitatago ang kakaibang kilos at galaw, may patingin-tingin at pagtanaw, palantandaan na may crush o may bukod-tinatanging paghanga sa isang tao. Sa isang haykul na tibak na katulad ko nuong 1970s, sinisikap mong mabura o maiwasan ang magkaroon ng puppy love.

Gayun pa man, hindi rin maikaila na tumitibok din ang puso at may kaba sa dibdib, hindi na kailangang maipaliwanag o malaman pa ng iba. Nagkaron akong crush minsan, tawagin nating siyang Rosalie, pero siya ay may maraming manliligaw, kabilang na ang aking kaibigan. Nahihiya o wala akong lakas-loob na mapabilang sa manliligaw niya pero gusto ko ring maipaabot sa kanya ang aking damdamin.

Minsan, humiram ako ng libro sa kanya. Gumawa ako ng poem, hindi tula, mas romantic daw kasi nuon kung sa Ingles at tinayp sa typewriter sa bond paper, sinunog ng bahagya ang gilid at edges ng papel, tipong antigong liham ang dating. Pagkatapos kinuha ko ang nilanat o nilantang rosas na pinaipit sa libro ng ilang linggo. Sa librong hiniram ko kay Rosalie, inipit ko sa pahina 143 ang ginawa kong poem at lantang rosas. Hindi ko sinulat ang tunay na pangalan ko, ang nilagda ko ay “Blue Sparrow.” Kinabukasan pagkasauli ko ng libro, lumapit si Rosalie sa akin at bumati, “Salamat sa libro, may nakaipit pala pero hindi ko pinansin, hindi ko maintindihan kasi, tinapon ko!” Blog.

Kahit ako lang nakakalam sa klase na ako ay bigo at broken-hearted, nalungkot din naman ako. Iba nga kasi ang tingin sa akin ng mga barkada ko; matalino, romantiko, pero pihikan. Sa ibang kaibigan, ako ang tagasulat ng love letter nila, sinasamahan kong umakyat ng ligaw dahil ako ang inaasahan nilang makikipagkwentuhan at makikipagpalagayan-loob sa mga magulang at nakakatandang kapatid ng nililigawan, at kung minsan nagiging tagapayo kung binasted o nagpaabot ng pag-asa sa matamis na oo.

Kung minsan sasamahan kong magbisikleta ang kaibigan sa baryo ng kanilang crush, kasi masilayan lamang ang bubong ng bahay, tuwang-tuwa na. Ilang ulit daan-daanan ang harapan ng bahay, may inaasam-asam, na sana kahit sandali lang ang kanyang crush ay dumungaw at siya ay matanaw. At kapag ito ay nakamit, made na ang aming araw. Babalik sa barkada mag-si-celebrate.

Ito na nga kaya ang puppy love? Sa early 1970s, sa high school days namin, masarap ma-feel ang puppy love, at pagkakaroon ng crush. Sa kabila ng mga balitang demonstrasyon, rali at protesta sa Maynila, sa aming lalawigan ang pinapakinggan sa radyo ng aming kabataan ay mga music ng Stylistics, Bread, Carpenter, pawang romantic love songs. Ang paboritong sayaw nuon ay slow drag, yun bang magkaakbay habang nagsasayaw. Hindi pa uso ang disco nuon. Nuong early months ng Martial Law, ang dance party ay tinatawag na “stay-in,” dahil sa curfew (binabawalan maglakad o makita sa daan ang mga mamamayan mula alas 10 ng gabi hanggang alas kwatro ng madaling araw.), magdamag mong makakasama ang iyong crush o puppy love kung papayagan ng magulang. Naging papel ko rin nuon ang taga-paggitna ng magulang at ng mga kaibigang babae; ako ang tagahingi ng pahintulot sa magulang at nagbibigay ng garantiya na nasa mabuting kamay ang kanilang anak.

Nitong nakaraang araw, sa panunumbalik ng aking pagsusulat at pagsasalaysay ng aking pagbabalik-tanaw sa mayamang karanasan sa buhay tibak, at sa pagbubuyo ng aking kaibigan, na maibahagi ko rin ang aking pag-ibig at romansa sa Facebook, nabuo sa isip ko ang konsepto ng “fuffy love.” Ito ang bersyon ko ng puppy love ng mga tibak. Lamang, kaiba ito sa puppy love, ang sinasabing na-engkantong pag-ibig, nadadala ng tibok ng puso at emotions, sa feelings, imagining, day dreaming, at infatuation. Kakaiba ang passion at kahit na walang masabing reason ang puppy love.

Ano naman ang fuffy love? Ang ibig sabihin ng fuffy ay light or puffy, magaang, parang bulak o tulad ng sponge. Ito rin ang nabubuo kong termino sa pagtukoy sa puppy love ng isang tibak. Kung ang puppy love ay may ligaw-tingin, at nakikita sa kanyang mata kung isang binata o dalaga ay “in love.”Ang fuffy love ay nasa kamalayan, nasa isip, wala sa kilos at galaw. Maaring sabihin may tibok din ang puso, pero mas matindi ang determinasyon sa isip. Kaiba sa puppy love na may pagka-ispontanyo (spontaneous), ang fuffy love ay naniniwalang napo-programa (programmable) ang usapin ng puso, relasyon at pag-aasawa.

“Love is not looking at each other but looking together in the same direction.” Ito ang famous quotation na pinalaganap ni Fr. Ed dela Torre sa mga tindang pendant gawa ng mga detainee. Wow. Bigat. Pang-aktibista ang mensahe. Angkop ang metaphor ng fuffy love para sa tibak. Pang-STR – short for Sa Tagumpay ng Rebolusyon – na ginagamit pang-ending ng mga sulat ng mga tibak nuon.

Sa aking henerasyon sa kolehiyo, sa panahon na matindi pa ang dagok ng martial law sa rebolusyonaryong kilusan, kakaba-kaba pa ang kilusang lihim sa kanyang lakas at sekuridad, ang takbo ng buhay ng isang tibak ay limitado, laluna sa usapin ng puso. Bagamat hindi ko first hand na nabasa ang memo hinggil sa pakikipag-relasyon at pag-aasawa ng mga kasama, naipaparating ito ng mga kasamahan sa kolektibo. Isa itong patnubay at gumagabay sa mga nagbabalak pumasok sa relasyon.

Wala akong kopya kaya’t hindi ko alam ang mga parameters ng ligawan, pakikipagrelasyon at pinagbabatayan ng pag-aasawa. Ang naririnig ko lamang, at madalas na pinaalala, ang relasyon at pag-iibigan ay hindi ginagawa ng basta-basta, ito ay pino-programa, may batayan at may kaugnayan ito sa kapakanan ng buong kilusan.

Sa UP Diliman circa 1977 ang kilusan bagamat lihim sa marami, lalo na sa mga ahente, ito ay may sariling community, kapatiran ng mga kasamang tibak. Magaganda ang turingan ng bawat isa, daig pa, ang pangkaraniwang pagkakaibigan at magkakapatid. Namamayani ang diwa at prinsipyong “maging bukas, matapat at totoo,” (Open, sincere and true) sa maraming kasama. Sumusunod ang marami sa mga alintuntunin ng kilusan kasama na ang memo sa relasyon. Tinataguyod ang kapakanan ng kilusan.

Nabalitaan ko minsan, na isa sa aking matalik na kaibigan ay may nakapatong na DA (Disciplinary Action). Mayroon siyang karelasyon, at nagmamahalan naman talaga ang dalawa, pero pinagbawalan sila ng HO (higher organ) na ipagpatuloy ang relasyon. Nang inusisa ko kung bakit, ang paliwanag sa akin, may “violation” daw sila. Sabihin natin sina Pops at Martin ay matalik na magkaibigan at magkaklase sa UP, at sabay silang sumapi sa kilusan. Sa kilusan, may nagkagusto kay Pops mula sa ibang kolektibo, sabihin natin si Ogie, at nagpaabot si Ogie sa kinauukulang yunit ng kanyang intensiyon manligaw. Tinanggap naman ng yunit ang pinaabot ni Ogie, sa madaling salita binigyan si Ogie ng pahintulot na maiprograma ang kanyang panliligaw.

(Ang pahintulot sa kilusang lihim ay sinasabing mahalaga dahil sa usapin ng sekuridad ng mga yunit o kolektibo. Iniiwasan sa kilusan ang “cross line” o nagkakaroon ng komunikasyon ang mga yunit na iba ang sentralismo, kaya’t hindi ito pinapahintulutan. Ang kadalasang kalakaran, nagpapaalam muna sa PO (political officer), bago makipag-ugnayan sa ibang yunit.)

Pinaabot ni Ogie sa yunit ni Sharon ang kanyang panliligaw. (Hindi ko nabatid kung papaano nanligaw si Ogie kay Sharon). Nagkataon, nuong time na iyon, nagkaroon ng malakihan ang kampanya sa kampus, at napadalas ang pagsasama nina Pops at Martin, at busy naman si Ogie sa yunit niya. Umabot ang pagkakaibigan nina Pops at Martin sa isang relasyong magboyfriend. Nakaabot ito sa yunit ni Ogie, at pinaki-usapan na patungan ng DA sina Pops at Martin. Ang reason na pinaabot, hindi pa raw tapos ang programang panliligaw ni Ogie kay Pops, bilang kasama rin, wala pa raw karapatan si Martin na manligaw at pumasok sa relasyon kay Pops. Sinasabi daw sa memo na ang panliligaw sa isang kasama ay hindi pupwedeng magsabay-sabay, kinakailangan munang iresolba ang isa bago patulan ang kasunod.

Bakit ganoon? Tanong ko nuon. Kahit tibak ako nuong time na iyon, parang hindi katanggap-tanggap ang patakaran, hindi normal. Gayun pa man, dahil sinisikap kong maging huwarang tibak, hindi ko pinapabayaan magwala ang simbuyo ng aking damdamin. Hindi maalis ang nasabing tanong sa aking isipan hangga sa nagkaroon rin akong personal na karanasan na hindi ko makakalimutan at naging patnubay ko sa pananaw ng pag-ibig at pakikipagrelasyon sa mga sumunod na kabanata ng aking buhay.

Sa isang pag-aaral sa bagong tayong grupo sa Malcolm Hall, nakilala ko si Regine. Bago siyang recruit sa grupong ubod (core group ng kilusan). Ako ang kanilang ED at nagbibigay ng pag-aaral. Walo silang babae at iisang lalaki sa grupo. Kapag may pag-aaral o nat-sit madalas ako ang naiimbitihang mag-ED. Nabanggit ko sa sek (secretary) nila na may- crush ako kay Regine at gusto kong manligaw. Sinabihan ako ng sek na ipapaalam niya muna sa kanilang PO, at hiningi rin niya sa akin na hihingi rin ako ng pahintulot sa PO ng aming yunit para walang cross line. Gayun nga ang aming ginawa.

Dumating ang araw, galak na galak ang sek ng magkita kami, binibigyan na raw ako ng ng basbas; ibig sa sabihin pumapayag na daw ang mga PO, napag-usapan na ng buong kolektibo, at boto silang lahat sa panliligaw ko kay Regine. Pagkatapos ng klase sinundo ko si Regine at nag-usap kaming dalawa. Kami lang dalawa. Nakita ko naman sa kanyang kilos at galaw na excited din siyang makipag-usap sa akin. Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa, at tinanong ko kung nauunawaan niya ang napag-usapan at pasya ng kanilang yunit. Sabi niya oo. Tinanong ko kung tinatanggap niya akong manliligaw sa kanya. Sagot din niya ay oo at may kaunting ngiti pa. Made na ang araw ko, sa isip-isip ko. Naghahanda na kaming lumisan sa Malcolm Hall ng may pahabol na tanong si Regine, “Kapag pumasok ka ba sa kilusan, at mayroon kang boyfriend na hindi kasama, kinakailangan mo bang i-break at tapusin ang relasyon?”

Nagulantang ako sa tanong ni Regine. Hindi ko inaasahan. Ang akala ko ay lubus at buo ang ginawang SI ng grupo kay Regine. Ang kaagad na sagot ko kay sa kanya; “Pasensiya ka na. Hindi ko alam at walang nakapagsabi sa akin. Ikonsider mong wala akong binuksan sa iyo. Ipagpatuloy mo ang iyong dating relasyon. Huwag mo siyang i-break. Don’t worry about me, I can handle myself.” At iyon ang una at huli naming pag-uusap dalawa. Nabantulot ang unang panliligaw ko sa kilusan.

Lumayo ako sa Diliman, at kinailangan ko ang bagong environment, timing naman at magandang pagkakataon ang pagtuturo ko sa UP College Baguio. Sa Baguio, malaking adjustment ko; malayo sa mga kasama at sa buhay tibak sa Diliman, romantic ang City at masarap simoy ng hangin, at iba ang lifestyle ng mga tao. Nagbago rin ang katayuan ko sa buhay; kumikita na ako, malayo sa pamilya, sinikap sumabay sa lifestyle tulad ng pagtambay sa mga folk houses, disco at John Hay. Iba talaga ang Baguio nuong late seventies, usung-uso at feel na feel mo ang Saturday Night Fever at disco fever.

Sa kabilang banda, nawalan na ako ng kontak sa grupo nina Regine ng isang taon at kalahati. Isang araw, hindi ko inaasahan, may nag-abot ng maikling sulat mula sa isang kasama sa Diliman. Ganito ang nakasaad “Magmula ng umalis ka sa Diliman ako ng pumalit sa iyo sa pag-aaral sa grupo, sigurado ako kahit hindi nila sinasabi sa akin, ikaw ang tinutukoy at nirereto kay Regine. Alam mo ba na two weeks pagkatapos ninyong nag-usap dalawa, nakipag-break siya sa dati niyang boyfriend. Balikan mo siya, ligawan mo siya uli.STR”

Nanumbalik ang pag-ibig at pag-asa ko kay Regine. Hindi ako nagka-girlfriend sa Baguio, at si Regine pa rin ang madalas na laman ng aking puso. Hindi na ako nagdalawang-isip pa at humingi ng pahintulot kahit kanino man, bumaba ako sa Maynila at nakipagtagpo kay Regine. Totoo nga ang sinasabi ng kasama, hinihintay din niya ako. Kaiba sa huli namin pag-uusap, hindi lamang tinanggap ang aking panliligaw, sinagot pa ng matamis na oo. Sa wakas may girlfriend na ako!

Binalikan kong muli ang famous quote “Love is not looking at each other but looking together in the same direction.” Okey lang magkalayo kami, sa Diliman siya sa Baguio ako. Okey lang kaming hindi nagkikita araw-araw, kahit once a month lang at kung minsan hindi pa natutuloy. Ang mahalaga may pagtinging kaming dalawa. STR.

In-love na nga ba ako? Napapansin ito ng aking mga kaibigan at fellow teachers sa UP, at inamin ko naman. Sa halip na suporta, kantiyaw ang inabot ko sa mga kaibigan ko sa Baguio.Napaka-unromantic ko daw, nasa Baguio ako, sagana sa rosas, sa strawberry at sa matatamis na jams, wala man lamang daw silang nakikitang pinapadala ko kay Regine. Hindi daw ako thoughtful. Hindi daw ako romantic lover.

Oo nga naman, sa isip-isip ko, kaya’t minsan nagpadala ako ng dalawang dosenang rosas sa isang kasama na bumaba sa Diliman. Siyempre “through channel” kaya nabatid ng ibang kaibigang tibak sa Diliman ang aming relasyon. Kantiyaw din ang inabot ko; burgis na raw ako.

“Love is not looking at each other.” Pinakahihintay-hintay ko ang semestral break, kasi higit na mahaba-haba ang panahon naming dalawa ni Regine. Pagdating ng sem break, pagdalaw ko kay Regine sa bahay nila, nakita ko ang kanyang excitement. Maliban sa akin, excited rin siya sa kanyang rural immersion, pakikipag-integrate sa basic masses sa kanayunan. Of course, excited rin akong makita ang kanyang excitement at sigla sa pupuntahan niya. Pero sa loob-loob ko, hindi kami magkakasamang dalawa sa sem-break, wala rin sa frame of mind ko ang mag-rural work nuong time na iyon. Ano’ng magagawa ko eh di pasensiya. Hihintayin ko na lamang siya. Sa pagdating niya galing sa rural work, after two weeks, ito rin ang huling araw ko sa Maynila, kaya’t kahit papaano nakapag-skedyul kaming mag-date sa Greenhills.Nanood kami ng sineng gusto niyang panoorin, ang Julian Makabayan. Sa loob ng sinehan habang nanood, excited niya sini-share ang experience niya sa kanayunan. Nakapag-relate siya sa Julian Makabayan ni Celso Ad Castillo. Pagkatapos ng sine, hindi na rin kami kumain sa labas, sa bahay na lang daw, para hindi na ako gumasta pa.

Hindi ko malaman kung nalulungkot ako o naguguluhan pagbalik ko sa Baguio. Nakikita ko kay Regine ngayon ang sarili ko nuong masigasig pa ako sa pagiging tibak sa Diliman. Nasa puso at buong pagkatao na niya ang buhay tibak. Ako ang nagbago. Binago ako ng Baguio. Marunong na akong mag-good time- disco, beer house, folk house, bowling, John Hay. Sa mata ng mga tibak sa Diliman naging “burgis” na raw ang lifestyle ko. Nag-i-i-enjoy na sa buhay sa Baguio.(Maging hangga ngayong nasa San Francisco na ako, sinasariwa ko pa rin ang buhay ko sa Baguio, ang samahan naming magkakaibigan, ang pagtuturo ko, pamamasyal at good time.). Iba na nga ba ako?

Pagdating ng December break, umuwi ako sa Maynila at binisita si Regine. Katulad ng mga tibak, inases (assesss), inalisa (analyze) at sinum-up (sum-up) (sa malalim na lenguwahe pangtibak, tinasa at nilagom) naming dalawa ang aming mag-aanim na buwang relasyon. Nagkaroon kaming CSC – criticism at self-criticism. Ang puna niya sa akin; “Hindi na ikaw ang kilala nuon sa Diliman, pa-love-love letter ka pa, nagpapadala pa ng rosas, madalas ka na sa disco at folk houses. Hindi na kita maitatangi sa dati kong boyfriend na burgis sa La Salle.” Wala akong imik sa puna ni Regine sa akin. Inaamin ko ako ang nagkulang. Marahil hindi na nga ako ang dating tibak na kilala niya. Humingi ako ng paumanhin at nagpaalam ng gabing yaon. Hindi merry ang Christmas ko nuong Disyembre 1979.

Sa bagong taon ng 1980, ang new year’s resolution ko ay hindi magbagong buhay kundi pagbabalik ng dati kong buhay, ang buhay tibak. Nais kong i-save pa ang relasyon ko kay Regine. Hindi naman niya sinabing hindi niya ako mahal o wala siyang pag-big o pagtingin sa akin, ang puna niya ay ang nakita niyang pagbabago ko, ang pagiging burgis sa lifestyles.

Sinimulan ko ang taon ng determined sa aking gagawin. Sa buong buwan ng Enero, wala akong goodtime-walang beehouse, folkhouse at disco. Para makaiwas ako nagbuo ako study group pagkatapos ng klase. Marami sa mga barkada sa Baguio ang nanibago sa akin, kapansin-pansin ang hindi ko pagsama sa mga lakaran. Sa sarili ko, sinasabi ko na kakayanin ko ito para sa relasyon namin ni Regine. Gayun pa man, malakas ang hatak ng environment, laluna ng palapit na ang Valentine’s Day, at iba ang atmosphere ng Baguio during this season, it’s lovers’day and romantic night. Halos lahat sa Baguio nag-si-celebrate, nag-di-date at nag-gud-goodtime. At ako magmumukmok sa bahay? I could not hold on. I need to be true and sincere to myself. Nang gabi ng Valentine’s Day I joined a group of students and teachers na walang partners, and we enjoyed ourselves.

Alam ko rin duon magtatapos ang iniisip kong makakapagbalik sa relasyon ko kay Regine.

Natapos ang semester at summer class, nag-resign ako sa teaching job sa UP Baguio, at bumalik sa Maynila. Kahit naging malapit na ang distansiya namin ni Regine, malayo na kami sa isa’t-isa. Naglaho na ang pag-asang magkabalikan. Nagkaroon siya ng bagong boyfriend, later naging asawa niya. Dahil sa nangyari, I learned my lesson in love, ayaw kong mawala muli ang sigla at sigasig ko sa pagiging tibak, sa bago kong trabaho sa isang LO/LI ko lubusang binuhos ang aking sarili, oras at talino. Isinantabi ko muna ang pakikipagrelasyon at paghanap ng aking love.

Ito ang aking fuffy love, ang puppy love ng isang tibak.

Mag-iwan ng Puna »

Walang puna.

RSS feed for comments on this post. TrackBack URI

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Lumikha ng libreng website o blog sa WordPress.com.

%d bloggers like this: