Bakas-Bukas Blog

Mayo 17, 2009

Bakit nga ba ang bilin ng mga matatanda na “isuot ng paloob ang panlabas/palabas ang panloob na damit kapag ikaw ay naliligaw?

Filed under: Bagong Kasaysayan,Kapilipinuhan,Sikolohiyang Pilipino — bakasbukas @ 10:22 hapon

Kamakailan may isang matandang beteranong Pilipino ang lumapit at nagtanong, “MC, sa palagay mo ba may pag-asa pa bang magbago at sumulong paunlad ang bansang Pilipinas?”

“Oo naman,”ang dagliang tugon ko kahit hindi ko pa lubusang nauunawaan ang konteksto ng tanong. Inabot sa akin ang kalalabas na peryodiko at itinuro ang mga tampok na mga balita; maliban sa balita kay Manny Pacquiao, kalakhan ng mga balita ay patungkol sa presidential election 2010.

Ang tuon ng marami hindi lamang sa Pilipinas kundi maging ang mga Pilipino dito sa Amerika at ibang bansa ay ang nalalapit na presidential election sa 2010. Kung baga ito ang kinokonsider ng marami na magiging “turning point” ng ating kasaysayan bilang isang bansa. Makikita daw kasi sa 2010 kung matatapos na talaga ang “garapalan at nakakasukang” kalakaran ng pulitika sa pangunguna ni Presidente GMA sampu ng mga pulitiko sa senado at kongreso, o magpapatuloy at lalong lalala pa ito.

Ang 2010 ba ay katumbas ng 2008 ng US Presidential Election kung saan ang panalo ni Pres. Barack Obama ay simbolo ng pagbabago at pag-asa sa kabila ng matinding krisis hinaharap ng bansa? Maaring may umaasa na ganoon nga sana ang mangyayari; may lilitaw na katulad ni Obama sa mga tinatawag na “presidentiables” o mga pulitikong naghahangad maging presidente ng bansa.

Marahil sa mga tumataya sa 2010 ang umiiral na pananaw at pag-aakala ay ang kapag – “kapag naging malinis ang pulitika at nagkaroon ng tunay na malasakit ang mga halal na pulitiko, gagaling at gaganda ang maraming bagay sa bansa, ang ekonomiya at pangkabuhayan ng mga tao, ang kultura at edukasyon, ang kalikasan, ang katayuan ng bansa sa mundo, matutugunan ang marami pang suliraning hinaharap ng bayan.”

Maging ang grupong kaliwa ay tumataya na rin sa 2010. Maraming grupo ang nanawagan ng pagbabago tulad ng “MAKABAYAN: Pilipino para sa Pagbabago! Pagbabago para sa Pilipino!”, “UNLAD PILIPINAS: Partido ng Pandaigdigang Bayang Filipino,” “People’s Movement for Change,” at marami pang iba. Pero ano ang klaseng pagbabago?

Pagbabago. Change. Hope. Pag-asa. Makabayan. Kaunlaran. Pilipino. Movement. Bayan. Mga konseptong pamilyar ang mga tao pero hindi tayo nakakatiyak kung lubusan itong nauunawaan. May mga bagay-bagay na maganda sa pandinig, pumapasok sa ating kamalayan, pero salat sa kamalayan kung ano talaga ang kahulugan at saysay sa ating buhay.

Halimbawa, nuong bata pa ako sa aming baryo sa San Fernando, madalas kapag nagpupunta kami sa “marangle” o bukid ang bilin ng matatanda na huwag kaming maliligaw o mawawala at makakarating kami ng matiwasay sa aming pupuntahan at makakabalik kami sa aming baryo sa itinakdang oras. Ang hindi ko nauunawaan nuon sa bilin nila ay ang pagsuot ng pabaliktad ang damit sa katawan – isuot ng paloob ang panlabas at palabas ang panloob – kung kami ay maliligaw. Hindi ko alam kung ito ay isa lamang pamahiin o gintong aral.

Ang dagdag pa sa bilin nila sa aming paglalakbay na huwag na huwag raw naming kalilimutan ang magsabi ng “tabi-tabi po” o “makikiraan po” sa aming dinadaan. Itong bilin na ito ay natatarok ko. Mag-iingat sa paglalakad at makikiraan daw kami sa aming dinadaan ng hindi namin maaapakan at matitisod ang ibang nilalalang tulad ng mga nuno sa punso, tiyanak at “laman labwad.” Tanda raw ito ng paggalang at paghingi ng pahintulot dumaan sa lugar. Kung nasa hapag kainan naman at kumakain at biglang may lilisan sa bahay, ang turo ng matatanda ay paikutin ang mga plato. Ang paliwanag nila kung bakit ginagawa ito ay para raw makaiwas sa disgrasya o aksidente ang taong aalis.

Iniisip ko nuon na ang mga pamahiin, matatandang bilin at salawikain ay bahagi ng pagdidisiplina sa mga batang katulad ko. Nuong lumalaki na ako hindi ko mabilang kung makailang beses kong naririnig ang paaral na “madaling maging tao pero mahirap magpakatao.” Hinuhubog kaming mga bata sa mabuting asal at magaling na pakikipagkapwa-tao. Nagpapasalamat ako sa mayamang karanasan ko sa probinsiya at naging bahagi ito ng aking buhay at pagkatao kahit ng dumayo kami sa Maynila at sa Amerika.

Gayun pa man, ang susing-dunong ng pagsuot ng “paloob ang panlabas at palabas ang panloob” na kasuotan sa katawan kung naliligaw ay sa Amerika ko lamang natanto o lubusang naunawaan. Habang sinusulat ko ang aking librong “SoMa Pilipinas” at ang sanaysay “Cultural Rationality of and Against Gentrification,” nabanggit ko ang ating kinagisnang “tabi-tabi po,” sumagi sa isip ko ang matandang bilin sa kasuotan kapag naliligaw at ang kasabihang “Ang taong hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makakarating sa paroroonan.”

Ngayon ko lamang natanto ang katumpakan at saysay ng bilin ng matatanda. At sa palagay ko napapanahon na para sa lahat ng Pilipino na isuot ng pabaliktad ang damit – ang panloob ay palabas, ang panlabas ay paloob. Bakit?

Una, kinakailangan tanggapin na nating Pilipino na tayo ay “naliligaw” o “nalilihis na ng landas” – kahit bukas at mulat ang ating mga mata hindi natin natatanaw kung saan tayo parorooon at hindi rin natatandaan ang ating pinagmulan at mga dinadaanan, hindi lamang hindi na tayo marunong lumingon, ibang lente (banyagang lente) ang ginagamit natin sa paglingon.

Pangalawa, kapag nagawa natin ‘isuot ng paloob ang panlabas at palabas ang panloob ng ating kasuotan’ nagpaparamdam at nagpapabatid tayo sa mga kaluluwa sa lupa at tao sa kabilang buhay, sa ating mga ninuno na tayo ay talagang “naliligaw.” Na hindi natin abot-kayang kalkalin ang sukal sa masalimuot na landas para maaninag ang daan. Kung baga ang pagsuot ng pabaliktad ay isang senyales tulad ng SOS (save our ship) sa barko sa karagatan.

Pangatlo, ang malalim ng pagkakahulugan ng isuot ng “paloob ang panlabas, palabas ang panloob,” balikan natin ang ating pagkataong Pilipino, ating kaloob-looban, ating puso’t-diwa, ang ating kapilipinuhan. Sa mahabang panahon nasanay na tayo sa gawain-panlabas tulad nga panghihiram o panggagaya ng mga konseptong banyaga, pagsasalita, pagsusulat at maging pag-iisip ng Ingles at kanluranin, paghahangad maging kanluranin. Pinalaganap ito ng mga elite sa pulitika, elite na intelekwal sa akademiya,media, maging ang mga aktibista at ngo workers na naninindigan at nagmamalasakit sa kapwa lalu na sa uring inaapi at pinagsasamantalahan.

Magaling na bilin ang pagsuot ng damit – paloob ang panlabas, palabas ang panloob- hindi lamang bilang senyales sa paghingi ng patnubay sa ating mga ninuno at “kapwa natin sa sanlibutan”- panimulang hakbang ito sa pagmumuni-muni at pagbabalik-loob.

Pang-apat, ang bilin sa “tabi-tabi po”at “makikiraan po” ay pagbibigay-galang sa ating “sinapupunang kapookan,”ang kaluluwang nagbibigay buhay sa kalikasan at kalikasang nagbibigay buhay sa tao. Sa mahabang panahon nilapastangan ng dayuhan at mananakop ang ating kanlungang-bayan, maging ang mga anak-bayan, tayong mga Pilipino, lalu na ang mga elite, ay nakikibahagi sa paglalapastangan at pagwawalang-galang.

Panglima, ang mga bilin ng mga matatanda ay hindi mga utos tulad ng “ang utos ng pari ay hindi nababali,” kundi mga tagubilin at habilin, mga pinagkatiwala sa atin (kaya itinuturo sa pagkabata hanggang sa pagtanda), kayamanan ng lahi na inaasahang pagyayamanin pa ng darating na henerasyon.

Ang buod ng pagsuot paloob ang panlabas at palabas ang panloob ay diwa ng pagtataguyod ng ating KAPILIPINUHAN. Ito ang pagtutuklas at pagbabalik-loob sa sarili, sa bayan, sa bansa at sa kapilipinuhan.

Kapilipinuhan,Pagbabalik-loob, Itaguyod!

Mag-iwan ng Puna »

Walang puna.

RSS feed for comments on this post. TrackBack URI

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Sumulat ng Blog sa WordPress.com.

%d bloggers like this: