Bakas-Bukas Blog

Mayo 17, 2009

Komentaryo ni Prof. Zeus sa posting hinggil sa pagsuot ng pabaliktad kapag naliligaw

Filed under: Este-Poste,Kapilipinuhan,Sikolohiyang Pilipino — bakasbukas @ 10:25 hapon

Napakaganda ng maikling papel na ito, laluna ang mensahe ng pagpapakatao, pagpapakatotoo, pagbabalikloob-sa-bayan (hindi lamang pagbabalikbayan na isang pabalik-balik na karanasan at hindi ang tunay na pagbabalikloob at pagpapakatoo: ito ang isang pakahulugan ng pagbabaligtad ng kasuotan — i.e., dapat ipakita mo ang maaari mong itinatago; sa aming mga Bikol ang tagubilin sa ganyang sitwasyon ay maghubad ng puspusan — i.e., pagpapakita ng tunay mong pagkatao, na wala kang ikinukubli o masamang intensyon, na isang tao ka talaga at hindi isang nagbabalatkayo (ibig sabihin nito ay nagsusuot ng “balatkayo” kung saan ang “-kayo” ay metatesis ng “ka-oy” o “kahoy”, ang barkcloth (“tapa” sa Polynesia) bilang damit natin sa simula, bago ang paghahabi (cf. “abel” ng mga Ilokano at “hablon” sa Kabisayaan).

Isang patunay ito ng pagkakaisa ng ating kalinangan — mas maliit kaysa pagkakaugnay-ugnay ng “ili”, “balei”, “balen”, “bayan”, “lungsod”, “bongto”, etc. — ngunit patunay rin — sa simula’t sapul at hanggang sa kasalukuyan, bagay na ayaw paniwalaan natin ng mga rehionalistang Inglesero kasama ng kanilang mga kasabwat na banyaga.

Maiuugnay ang lahat ng ito sa kasabihang “madaling maging tao, mahirap magpakatao”. May papel ako tungkol dito sa isang kumperensyang may pagka-indihenissta na inorganisa ng misis ni Kidlat Tahimik (nagsayaw ito roon ng isang sayaw na Ifugaw!). Titingnan ko kung mahahagilap ko pa ito. Ang gusto kong ipakita sa papel ay madaling ipanganak (biolohikal) ngunit mahirap mahirap maging bahagi ng isang lipunan-at-kalinangan (na siyang konteksto ng iyong pagiging tao — i.e., ang iyong pagpapakatao). Ang sanggol (biolohikal na tao) ay nagiging tao lamang sa pamamagitan ng isang lipunang kanyang gagalawan (pagsasalipunan o “sosyalisasyon” mula sa mag-anak patungo sa kamag-anakan hanggang sa angkan at ang mas malawak na lipunan) at sa pamamagitan ng kalinangang matutunan niya, kung saan ang pinakaimportante pagkatuto ng wika nito.

Ngunit, sa kaso ng ating lipunan ngayon na may dambuhalang pagkakahating pangkalinangan, may pagkakaiba kapwa ang pagsasalipunan at pagkatuto sa kalinangan sa pagitan ng mga Inglesero at ng mga laki at pinalaki sa at ng Bayan. Hindi lamang magkaiba sila sa wika kundi pati na ugali. Kaya napakaimportante ang pagpopook ng sarili sa loob ng ating bansa.

Ito rin ang isang dahilan kung bakit, sa kaso ng “kabulastugan” ni Tsao ng Hongkongl, dapat nating ipook ang mga pagpapakahulugan at reaksyon sa tamang kinatitirikang lugar ng nagbibigay ng kuro-kuro, dahil sa ito ay nasasalalay sa iyong pagiging tao na nasasalalay sa iyong pagpapakatao. Iyong ugali ng lahat ng Pinoy na magpasintabi ay dapat siguro nating ikabit sa espasyong “di pamilyar” sa isang tao, sa mga lugar na iba sa kanyang kinagawiang espasyo sa labas ng kamag-anakan, angkan at ginagalawang lipunan-at-kalinangan. Korolari rito ang alamin, tuklasin ang mga lugar na ito; at ang unang hakbang ay magpasintabi. Kaugnay ito ng “tao po” na binibigkas natin kahit na sa mas kilalang lugar upang humingi ng pahintulot na pumasok na karaniwan namang sinasagot ng mga nasa loob na “tuloy po”. Sa mga di kinagawiang lugar mas matagal bigkasin ito at maaaring ipagkait pa nga. Kaya may pasintabi, kung sakaling may (mga) di masiyahan o di nasisiyahan sa ating pagpaparoon.

Ito ang dahilan kung bakit, sa ibang dagat, ugali na nating magkumpulkumpol bilang mga kakilala, kalahi at kababayan sa mga lugar na nagiging pamilyal o ginagawang pamilyar (cf. ang Termini sa Roma o kayasa Lucky Plaza Mall sa Singapore na pinag-aralan nina Proposer Atoy Navarro at Caloy Tatel) kung saan hindi na kailangan “magpasintabi”.

Tungkol sa pagpapaikot ng plato kung may bisitang aalis [idagdag na natin ang paniniwala na pag may nahulog na kutsara ang darating ay babae at kung tinidor ay lalaki], hindi ko pa nauusisa ang kahulugan nito. Ang plato ay naroon na sa atin simula pa ng panahong porselana (h-k ika-9 na dantaon). Mas kaugnay ito ng matataas na tao sa lilipunan bilang pamana at bilang simbolo ng kapangyarihan, gayundin bilang “grave goods” [sa Calatagan, may araw na dekorasyon ang inilalagay sa bandang pelvis ng yumao upang maprotektahan ang sentro ng kaginhawahan patungong tiyan na namamalagi pa sa kalansay matapos iwanan na ito ng kaluluwa upang maging anito]. Maganda siguro kung sasaliksikin pa ang interpretasyong nabanggit ni MC tungkol sa pag-iwas sa anumang maaaring mangyari sa umaalis sa hapagkainan, laluna dahil pinaghahanguan ng ginhawa ang pagkain.

Iyong tungkol sa tinidor at kutsara, maaaring bago ito dahil para sa atin mas maiuugnay ang kamay sa ginhawa (pagkain, lahat ng ikabubuhay) kaysa mga instrumentong ito ng Kastila at Kanluranin. Mas masarap magkamay kung kumakain. Gayumpaman, punahin ang pagbibigay ng pakahulugang seksuwal sa tinidor (pantusok) at kutsara (anyo ng aring babae); tila hindi na ito gaanong Pinoy dahil dito; baka Europeo pa nga ang simbolismo. Baka import ito ng mga Inglesero o, bago rito, ang mga Ilustrado.

Mag-iwan ng Puna »

Walang puna.

RSS feed for comments on this post. TrackBack URI

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Sumulat ng Blog sa WordPress.com.

%d bloggers like this: