Bakas-Bukas Blog

Mayo 17, 2009

Komentaryo ni Prof. Zeus sa posting “Pilantik sa Kolumnistang Ingles…”

Filed under: Este-Poste,Pilantik — bakasbukas @ 10:17 hapon

Ang sasabihin ko rito ay implisito na sa komentaryo ko matagal na. Tama ka na ang “pook” o kontekstong pangwika ng komunikasyon ay iba sa kaso ni Tsao kung ihahambing sa kontekstong Kastila ni Rizal at sa kontekstong Tagalog ni del Pilar.

Mas malapit ang konteksto ni Rizal sa konteksto ni Tsao dahil sa kapwa sila nasa ibabaw ng isang partikular na dambuhalang pagkakahating pangkalinangan — si Tsao bilang Ingleserong Tsino na ang mambabasa ay kapwa niya Inglesero na Tsino at may iba pang nasyonalidad (cf. mga Pinoy na hindi lahat ay “magaling” sa Ingles tulad ng mga aktibista ng mga NGO na laging handang magtanggol sa inaapi) at mga expat na Kanluranin, laluna Ingles, Amerikano, Kanadiano, Australyano, atbp.; at si Rizal bilang napasali sa kultura at diskursong intelektuwal na Kastila at Kanluranin vis-a-vis sa higit na nakararaming Pinoy, partikular na ang mga kapwa niya Tagalog, huwag nang pag-usapan pa ang ibang mga grupong etnolingguwistiko.

Ang pagkakaiba ng dalawa ay ang pangyayaring ang kausap ni Tsao — i.e., sa loob ng mundong sosyo-kultural at pulitikal — ay ang kapwa niya mga sakop ng kamalayang pangkabihasnan ng Kanluran, partikular ang bahagi nitong Anglo-Amerikano, SAMANTALANG ang talagang kausap/kinakausap ni Rizal ay ang mga kapwa niya Propagandista at Ilustrado at ang mga Kastila, may simpatiya man o wala sa adhikain niya. Kung nanunuya o nang-uuyam si Rizal (halimbawa sa klase ng pisika sa Santo Tomas; ang pag-uugali ni Donya Victorina [hindi ang mga nobela ang pang-uuyaw o pang-aaglahi kundi ang ilang bahagi lamang nito]) ang “pinatatamaan” ni Rizal ay klaro — i.e., ang mga Kastila, partikular ang mga monghe; at ito nga naman talaga ang nasaktan at ipinakita nila na nasaktan nga sila, bagamat ang panunudyo o pang-uuyam ni Rizal ay bahagyang may anyong “bato-bato sa langit, ang tamaan huwag magagalit”. Ibig sabihin, hindi direktang pamimilantik ang kanyang isinagawa kundi di gaanong direktang paglatigo sa kaparian.

Sa kaso ni Tsao, malamang nga na ang gobyernong Tsino, partikular siguro ang bahagi ng pamahalaang Hongkong na nakatuon ang pansin sa mga Inglesero “aktibista” ng HK. Sa kontekstong ito, kinukutya nga niya ang opinyong popular sa HK vis-a-vis sa mga Pinoy na nagtatrabaho rito. Nabanggit ko na sa una kong komentaryo na mayroon talagang prejudis sa mga Pinoy sa HK, laluna sa mga manggagawang Pinoy. Sa katunayan, hindi lamang sa HK kundi sa Tsina mismo. Kamakailan nakilala ko ang isang paring Pinoy na naging misyonero sa Tsina. Matindi ang kanyang reaksyon sa tinatawag niyang “rasismo” at “damdaming may mas mataas na kultura” ng mga Tsino — sa wari niya, kasingtindi o mas matindi pa nga kaysa ipinamalas sa atin ng mga Kastila at Amerikano. At talaga namang naramdaman ito hindi lamang ng paring Pinoy kapwa ang pag-aanyo at pagkatao kundi ng mga Tsinoy rin na napuntang Tsina, at pati na ng mga natawag na “peranakan cina” kapwa mulang Malaysia at Indonesia na nagtangkang “umuwi” sa Tsina. Sa katunayan may kilala akong ilang “straits Chinese” na naninirahan ngayon sa Singapore na hindi maatim ang mga Singaporeans at mas minamabuti pang bumalik sa Malaysia. Sa madaling sabi, kumplikado ang paksain ng prejudis sa lahi kapwa sa HK at Tsina mismo, kasama na ang Singapore. Ito ang konteksto ng sinasabi ni Tsao na “satire” o panunuya na kanyang tinangka sa kanyang artikulo at, tulad ng nabanggit ko sa unang komentaryo, may ginawa na rin siya, bago ang tungkol sa mga Pinoy, na artikulo tungkol sa mga Kanluraning expat na namumulubi sa HK at nilalait ng mga taga-HK sa kanilang likod. Siyempre, nagalit din ang mga expat. Ngunit hindi rin maipagkakaila na mayroon ganyang prejudis sa kanila sa HK. Sa katunayan, maaaring ibalik ito sa kasaysayan ng Tsina bilang “Gitnang Kaharian” at sentro ng daigdig. Hindi rin maitatanggi ang paglakas ng nasyonalismong Tsino — laluna ngayon kung kailan natatamo na ng bansang Tsino ang kapangyarihan kapwa sa ekonomiya at sa pulitikang pandaigdig.

May pagkakaibaang pook o kontekstong panlipunan at pangkalinangan ni del Pilar. Nakapook siya sa kalinangang Tagalog at ang kinakausap niya talaga ay ang mga Tagalog. Sa kabila ng pagiging bahagi niya ng Propaganda at pakikilahok niya sa pakikibaka niya, batid niya na may paralel na pakikibaka ang bayan, laluna ang katagalugan sensu stricto, kumpara sa Katagalugan ni Bonifacio ngunit nakapaloob dito. Narito ang panunudyo ni del Pilar at dito siya nauunawaan at may epekto, bagamat naiintindihan din siya ng mga prayle at may epekto rin siya sa mga ito. Kung baga, ang latay ng kanyang pilantik ay sa mga ito. Kumpara kay del Pilar, ang maaaring intensyon ni Tsao ay ipatungkol at magkaepekto ang latay ng pilantik sa goberyong Tsino ng HK at sa mga mamamayang Tsino rito na nakaiintindi ng Ingles, kasama ang mga expat ng iba’t ibang kulay.

Sa kasamaang palad, ang mga Pinoy na marunong mag-Ingles — laluna ang mga Ingleserong elit — ay tinamaan din ng pilantik at nakaramdam din ng latay. Ang grupong ito ng mga Inglesero — i.e., ang mga responsable ng pagpapakalat ng mga Pinoy sa iba’t ibang dako ng daigdig (Ingleserong elit at elitista) at ang mga kumakabaka sa mga ito (Ingleserong “aktibista” at mga elit ng diasporang Pinoy na karamihan ay mga serbidor din talaga ng banyaga dito man sa Pilipinas o sa “abroad”, kasama na ang mga komprador iskolar… Read More at nag-iNgo) ang siyang nagreak (at minsan ay nag-overreak) sa halip na pagtuunan ang dapat talagang pagsumikapan, ang kalagayan ng bansa na pinipilit ng naghaharing uri na magluwas ng mga “serbidor” o alila sa mga lahing iba sa ibayong dagat, dahil sa hindi maisaayos ang bansa dulot ng pagsasamantala at pangungurakot ng mismong Ingleserong naghaharing uri, bukod sa pagiging serbidor at alipin nito sa mga banyagang kapangyarihan. Sa palagay ko, pati na ang mga bungangero ay bahagi rin ng sistemang intinatag ng kolaborasyong banyaga at elit. Mas detalyado ko itong tinalakay, bagamat pahapyaw pa rin, sa aking unang komentaryo.

Tungkol naman sa konsepto ng “satire” sa Ingles, siyempre may alam dito ang ating mga Inglesero, bagamat ang naging (mga) heograpikal, pulitikal at kultural na konteksto ng artikulo ni Tsao ay nagkumplika sa pagbibigay-kahulugan o pagpapakahulugan sa intensyon at implikasyon nito. Kailangan dito ang natawag sa Pantayong Pananaw na seryosong “pagpopook” kapwa kay Tsao at sa mga nagreak sa kanya. Tinangka ko ito rito. Mangyari pa, mayroon din tayong mga konsepto/dalumat na maitutumbas sa “satire”. Natukoy ang ilan sa mga ito sa itaas. Kailangan pang pag-aralan nang masinsinan ang lahat, ngunit sa kontekstong atin. Magagawa lamang ito kapag nabuo na ang isang talastasang pambansa sa wikang atin, kung saan malaki na inaambag ng iyong kolum. Gayumpaman, napupuna ko na marami pa sa dati at kasalukuyang
“aktibista” ang nakakulong sa Ingles at sa mundong konseptuwal na Ingles. Kadalasan, hindi nakakatulong ang paging kasapi nila trivialities o mga kawalang-katuturang kasintuan sa facebook. Kalunus-lunos.

Mag-iwan ng Puna »

Walang puna.

RSS feed for comments on this post. TrackBack URI

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Lumikha ng libreng website o blog sa WordPress.com.

%d bloggers like this: