Bakas-Bukas Blog

Mayo 24, 2009

I am LOST. At gusto kong i-share sa inyo.

Filed under: Kapilipinuhan,Sikolohiyang Pilipino,STR(TalamBuhay),Talambuhay — bakasbukas @ 4:27 umaga

Tulad ng naisulat ko, ako ang may bertdey ako dapat ang mamimigay at magpapakain. Birthday ko, blow-out ko ika nga. Hindi lamang iyon, ika-14 wedding anniversary ko kahapon (May 21). Sa tradisyon ng kasalan, kayo naman ang magre-regalo sa amin. Patas lang di ba?

Gusto ko mang magpakain, pero hindi ko magawa, ayaw ko naman magpadala ng virtual food, kaya’t i-si-share ko na lamang sa inyo ang aking “food for thought”sa buhay dahil itinuturing ko kayong hindi iba na sa akin.

Katulad sa nabanggit ni Ada (Javellana-Loredo) sa kanyang posting, ang matagal na patnubay ko sa buhay ay ang pagiging “OPEN SINCERE and TRUE”, ang pagiging BUKAS, MATAPAT at TOTOO.

Bakit OST?

Una, ako ay BUKAS. Sa mga magulang ko natutuhan ang pagiging bukas; kung bukas ka daw, magiging bukas din sa iyo ang ibang tao. Gayun din kung sarado ka raw, huwag mong asahan ang iba maging bukas sa iyo. Di ba parang ‘golden rule’ din. Ang pagiging bukas ay ang diwa ng pakikipagkapwa-tao at pakikipag-palagayang-loob. Kaugnay ito sa pagbati sa labas ng bahay ng “Tao Po,” at ang taumbahay ay tutugon naman ng “tuloy po.” Ang aktitud ng bukas ay ang maging magaan ang loob at madaling kapalagayang-loob.

Sa aking pagtanda, sa paghahanap at pagharap ko sa samut-saring pananaw at pilosopiya sa buhay, ang pagiging bukas o open ay katumbas ng pagiging liberal sa Ingles mula sa salitang Latin na “liber” o “free” (tulad ng liberty). Sa ating Pilipino, ito ang laya at layaw. Maging malaya at malayaw ay mabuti. At sa aking pagiging aktibista natutuhunan ko, at naging paniniwala na rin, na ang mga bagay-bagay ay hindi GANAP, TAPOS at YARI, at ang lahat ng bagay sa mundo ay NAGBABAGO. (Hindi ba magaling na katangian ng isang aktibista ang pagiging bukas at liberal?) . Ang pagiging bukas ay handang tumanggap sa pagbabago, maging sa pagbabago ng sarili at paniniwala.

Pero hindi sapat ang maging bukas lamang; maluluwa ka kung bukas na bukas ka, at magiging pasukan-labasan ka na lamang, daan-daanan, wala itong salaan, pini-pinipili at paninindigan, kaya’t kailangan sa pagiging bukas ay ang pagpasok-ng-loob, marating ang looban o niloloob na sa sikolohiyang Pilipino ito ay ang pakiramdam o damdamin. Mahirap dayain ang damdamin at niloloob. Karugtong ng pagiging bukas ay pagiging TAPAT o matapat. Sa Ingles ito ang katumbas ng pagiging SINCERE, mula sa Latin na sincerus, pure and genuine, tunay at tapat. Ito pangalawang patnubay, ang pagiging SINCERE, tiwala sa loob.

Kung ang tapat at tunay ay nasa larangan ng damdamin at pandamdam, mga subjective, papaano mababatid kung ang kilos at galaw ay tama o mali, wasto o di-wasto, angkop at taliwas? Dito mahalaga ang susunod na patnubay, ang paggamit ng unawa at isip, at ito ay ang pagiging TOTOO, ang pangatlong patnubay. Ang pagiging totoo ay naaayon o nakabatay sa realidad at kinaiiralan o sa Ingles, “agreement with fact or reality.” Sa aking karanasan, para maging TOTOO kailangan maging objective, gamitin ang pagsusuri at pag-analisa (napapaghiwalay o napapagsama-sama), ginagamit ang pag-iisip at hindi lang nadadala sa simboyo ng damdamin. Sa mga Marxista maari itong ihalintulad sa “concrete analysis on concrete condition.”

Naalala ni Ada ang mga nabanggit ko nuon, “dapat BUO ang ‘I’ para magkaroon ng ‘WE’ na healthy.” Sa pagkakaroon ng patnubay sa buhay na OST o bukas-tapat-totoo, magiging buo ka sa maraming larangan tulad ng pakikipagkaibigan, sa trabaho at hanap-buhay, sa propesyon o karera, sa gawaing aktibista, pag-handle ng mga workshop o pagtuturo sa klase, sa pakikipagrelasyon, boyfriend-girlfriend, at maging sa pag-aasawa at pagpapamilya. Sinisikap maigpawan ng OST/BTT ang anumang “insecurities,” kakulangan at alalahanin sa buhay. Susi ang OST sa pagkakaroon ng “peace of mind” o kapanatagang loob, ginhawa at kaligayahan sa buhay. At least masasabi ko sa aking karanasan.

May kasaysayan din kung bakit naging LOST ang dating OST. Sabihin na natin bagamat nasa loob ko ang pagiging OST, pagdating sa pag-ibig at pakikipagrelasyon ay hindi ko magawa nuon, ‘alang biro’ (Bilang katibayan basahin ninyo ang blog at posting kong “Ang fuffy love ng isang tibak”). Hindi naman ako torpe o natyo-tyope sa harap ng mga kababaihan. Nauuna lang siguro ang aking utak sa puso –“love is not looking at each other but looking together in the same direction.”

Marahil pihikan ako nuon; ang hinahanap kong maging “ka-relasyon” ay katulad kong mayroong OST pananaw din. At maaring ayaw ko lang tanggapin sa aking sarili na sadyang may takot ako sa isang komitment dahil ang komitment ko nuon sa loob-loob ko ay ang “paglilingkod sa sambayanang Pilipino, buhay ko man ay iaalay,”(wow, bigat!) at natatakot akong malihis o ma-distract dahilan sa tendensiya ng love ay nagiging “self-centered.”

Nagpapasalamat ako kay Roy, ang asawa ni Ada, na siyang nagbigay daan sa aking OST sa larangan ng pakikipagrelasyon o pag-ibig. Minsan, mayroon nagkagusto sa akin nuong nasa IBON pa ako. Sa mata ng kasamahan ko siya ay isang burgis o galing sa pamilyang burgis, isang kolehiyala sa Maryknoll College, at hindi siya tibak. Nagkalapit kami dahil bukal akong tumulong sa kanyang ginagawang research sa kanyang term paper sa klase. Nagdi-date kami nuon pero patago. Tandang-tanda ko ang reaksyon ni Roy ng nalaman niya na may dini-date ako, pero hindi buo ang loob. “MC, ipagpatuloy mo ang pakiki-pag-date mo sa kanya, huwag alalahanin ang sasabihin ng grupo (kolektib) natin, pasukin mo ang relasyon, kung sadyang kayo ay okey, at kung mabibigo ka naman, at least dagdag iyan sa iyong karanasan, lalu kang titibay bilang ikaw.” Sinunod ko ang payo at naging girlfriend ko siya ng mahigit sa tatlong taon. (Nagsurvey ako sa kolektib namin nuon 8-1 ang iskor, si Roy lang sumasang-ayon makipagrelasyon ako sa nasabing “college girl”!)

Naging LOST ang OST nang dumating ang babae sa buhay ko, ang asawa ko ngayon at ina ng mga anak ko. Simula pa lamang kaming magkita nararamdaman ko, o namin, na kami ay para sa isa’t-isa. Kung susundin ko ang payo ng mga matatalik kong kaibigan, sina Chuchi at Clark, hindi dapat kaming nagkatuluyan. Maraming balakid. May nagtataka pa nga at nangungutya, katulad ni yumaong Bulletx (Marasigan). “MC, iba ka rin, para kang si Balagtas,” ang madalas na biro ni Bulletx sa akin, “O’ pag-ibig na sakdal makapangyarihan kapag napasok sa puso ng ninuman, katulad ng aking kaibigan, nagiging tanga kahit matalino naman!”

Pag-ibig. Pagmamahal. Love. Loving. Passion. Ito ang una sa LOST pero huling natanto na likas pala ito sa akin at nasa kaibuturan ng aking pagkatao. Ito ang matagal na binabanggit sa akin ng aking mga kaibigan at kakilala, ang galing o epektibo ko raw sa pop-ed /pagtuturo ay hindi lamang sa skills o knowledge, kundi ang pagbibigay ko ng aking sarili na buong-buo at makabagbag-puso. Nakikita daw ang pagmamahal ko sa aking ginagawa at sa buhay na aking pinili. Sa aking pagmuni-muni, totoo nga sinasabi ng aking mga kaibigan.

Nang natagpuan ko ang aking soulmate, si Emily, (sa iba posting/blog ko ito tatalakayin), at ng narinig ko ang lyric sa awit ni Michael Feinstein “Friend”- “Love is rare, life is strange, nothing last, people change” (Ang pag-ibig ay sadyang bibihira, ang buhay ay matalinghaga, walang tumatagal, tao’y nagbabago)– ako ay hindi lang in-love, ako ay LOST. Naging patnubay naming mag-asawa ang LOST. Loving-Open-Sincere-True. Ito ang pagkakaroon ng kaluluwa (soul) at tiwala sa sarili, sa bawat isa, sa buhay, sa kapwa at sa ibang tao, at sa Poong Maykapal, diyos ng kalikasan.

Sa aking bertdey at anibersaryo ng aming kasal, hinahandog ko sa inyo ang patnubay LOST sa buhay. Sana ikatataba rin ito ng iyong mga puso. Maraming salamat sa pagbati.

Mag-iwan ng Puna »

Walang puna.

RSS feed for comments on this post. TrackBack URI

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Sumulat ng Blog sa WordPress.com.

%d bloggers like this: