Bakas-Bukas Blog

Hunyo 20, 2009

Nuno sa punso nagpunta sa Amerika: Totoo o Gawa-gawa lang?

Filed under: kwentong kababalaghan,Sikolohiyang Pilipino,Talambuhay — bakasbukas @ 9:10 hapon

Ito ang aking kontribusyon sa request ni Leny Strobel na “Ghost Story” sa Facebook.

Lumaki ako sa bukid sa San Fernando (Pampanga) tanaw ang bundok Arayat. Ang mga kwento tungkol sa mga nuno sa punso, tiyanak, mariang sinukuan, dwende, kapre, aswang, mangkukulam` at multo ay tinuturing kong pangkaraniwan na lamang.

Naniniwala ako sa mga kwento. Sino ba namang batang matino ang isip ang magdududa sa mga kwento at pangaral ng mga matatanda? Kaya nga kung napapadayo kami sa bukid, naglalakad sa tabi ng ilog at pilapil, hindi kami nagdadalawang-isip sa pagsabi ng “makikiraan po” o “tabi-tabi po.” Mahirap na.

Mahirap nang “mapagkatuwaan” ka ng mga nuno sa punso. Kapag nangyari iyon, “namatanda” ang tawag ng mga tao sa aming baryo. Hindi basta-basta maalis ang bisa sa katawan ng “namatanda.” Tanging mga bihasang ispiritista o erbolaryo, hindi pari o duktor, ang maaring gumamot sa “maysakit” o “mapawalang bisa ang sakit sa katawan.”

Sa dami ng mga kwentong “namatanda” o “menuno” sa aming bayan hindi mo maiiwasang sumunod sa mga kinagisnan tradisyon sa pakikitungo sa tao, kaluluwa at sa kalikasan. Ang mundo ika nga ay binubuo ng mga iba’t ibang nilalang, kasama na ang mga tao. May mga nilalang katumbas ng tao – may puso’t damdamin, isip at kamalayan pero ang kanilang katawan ay di-katulad ng tao.

Ito ang pagkakaalam ko nuong bata pa ako sa Pampanga. Ngayong magsisingkwenta’t mahigit na ang anyos ko at naninirahan pa sa modernong siyudad ng San Francisco, hindi ko mawari makakasagap ako ng kwento tungkol sa ibang nilalang. Ang aking kwento ay dito mismo sa San Francisco nangyari, summer ng 1993, sa bahay ng aking kaibigang si Bulletx (Marasigan) sa Templeton Avenue (sa may boundary ng Daly City at San Francisco).

Isang araw nagkasabay ang dating ng mga bisita sa matandang bahay nina Bulletx. Isang kaibigan ni Bulletx na taga-New York ang sinamahan ko sa bahay dahil first time niya sa San Francisco, at ang nadatnan naming bisita sa bahay ay ang kanyang matalik na kaibigang si Jovita kasama ang isang ispirista na ang pangalan ay Belen.

Katulad ng dating gawi ni Bulletx, buong lugod nitong ipinapasyal sa kanyang pamamahay ang mga first time visitors. Dinala niya ang mga bisita sa gazebo o munting bahay-bahayan sa hardin kung saan naroroon ang abo ng yumaong anak ni Bulletx.

Humingi ng pahintulot si Belen, ang bisitang ispiritista, kung maari siyang magdasal mag-isa sa gazebo. Pumayag naman si Bulletx. Mahigit sa sampung minuto ang lumipas, lumabas si Belen sa Gazebo at binulong niya kay Bulletx, “Nakausap ko ang inyong anak.”

Kinilabutan si Bulletx ng marinig niya kay Belen ang mga habilin ng kanyang yumaong anak. Sa isip-isip niya; Papaano mababanggit ni Belen ang mga pangalan ng taong malalapit sa puso ng kanyang anak at mga habilin nito sa kanila, eh, ngayon lang naka-akyat sa kanyang pamamahay ang ispiritista?

Kinagabihan, nakaalis na ang mga bisita, naikuwento ni Bulletx sa kanyang mga anak at asawa ang kanyang kakaibang karanasan sa pakikipag-usap niya sa ispiritista. Hiniling ng buong mag-anak na imbitahan uli si Belen para makausap ang kanilang ate na nasa kabilang buhay.

Dalawang linggo ang nakalipas dumating si Belen, kasama isa pang ispiritista, si Mang Ben. Pagkatapos nilang magkaroong ng séance o “pakikipag-usap” sa kaluluwang nasa kabilang buhay, hiniling ni Bingo, ang pangalawang bunsong anak ni Bulletx, na kung maaring gamutin ang sumasakit sa kanyang likod.

Tumuloy si Mang Ben at Bingo sa isang kuwarto, habang ang buong mag-anak at si Belen ay nagkukwentuhan sa hapag-kainan.

Ang unang ginawa ni Mang Ben ay salatin o hipuin ng kanyang kamay ang pisngi ni Bingo. Nagtataka si Mang Ben kahit anong lakas ang gawin niya hindi nakakaabot sa pisngi ang kanyang kamay. At tuwing itinatapat niya ang kanyang kamay sa mukha ni Bingo sumisigaw kaagad ito ng malakas na aray.

Nakaabot ang daing sa labas. Tuloy, nabahala ang mga nasa hapag-kainan at nagtakbuhan kaagad patungo sa kuwarto ni Bingo.

“Sino ka? Bakit ka pumasok sa katawan ni Bingo?” ang tanong na pasigaw ni Mang Ben.

“Ako po si Bingo. Tutuong-tutoo po,”ang naririnig na lumalabas sa bunganga ni Bingo. Kinikilabutan ang mga kasambahay sa panonood sa sagutan nina Bingo at ni Mang Ben. Nagtataas na ng boses si Mang Ben, at tipong nawawalan na siyang pasensiya sa kausap.

“Kung hindi ka magpapakilala, bahala ka, may mangyayari sa iyo, at pagsisihan mo?, pasigaw na tanong ni Mang Ben, “Sino ka ba talaga?”

Biglang natahimik ang lahat, habang inaabangan ang tugon ni Bingo.

“Hindi nga po ako, si Bingo.”

“Sino ka?” Ang sabay at malakas na sigaw ng lahat ng tao sa nasabing kwarto.

“Ako po si Monina?”

“Monina!” Nagtaas ang balahibo at buhok ng mga kasambahay nakakakilala sa pangalang Monina.

Sumabat si Bulletx. “Hindi ba ikaw ang kalaro ni Mark (batang anak rin ni Bulletx) sa may Ragang (Bahay nina Bulletx sa Quezon City, Pilipinas). Ikaw yun’nuno sa punso?”

“Hindi po. Ako po ang anak ng kalaro ng inyong anak sa Ragang.”

“Papaano ka naparito sa Amerika?” pahabol na tanong ni Bulletx.

“Pumasok po ako sa katawan ni Bingo,”paliwanag ni Monina sa boses at sa bibig ni Bingo,“sumabay po ako nuong nag-migrate siya sa Amerika.”

Pinaliwanag din ni Monina na kaya sumasakit ang likod ni Bingo dahil kung minsan kinakagat niya. “Nanggigil po kasi ako sa kanya, eh.”

Marami pa ang bagay-bagay na nalaman kay Monina. Sa kabutihang-palad napakiusapan ni Mang Ben na umalis o lumabas na siya sa katawan ni Bingo. At yaon nga nangyari. Itinuro ni Mang Ben kay Monina ang ibang katulad niya dito sa Amerika.

Magmula nuon sa bahay ni Bulletx naglalagay sila ng atang, isang tradisyong Ilokano na naglalaan ng pagkain sa harap ng altar o sa malapit sa pintuan ng bahay. Ang paliwanag nila yaon ay nakalaan para kay Monina tuwing napapasyal siyang muli sa kanilang bahay.

Sa maniwala kayo o hindi; ito ay tutoong nangyari. Nandoon ako. At marami pang kabanata ang naganap pagkatapos sa bahay at sa buhay nina Bulletx. Abangan.

-ni MC Canlas (2009)

1 Puna »

  1. MC – sana translate me keng inglis ini ba yang ma-publish keng fb group. sige na!

    Komento ni Leny Strobel — Hunyo 22, 2009 @ 3:27 umaga | Tugon


RSS feed for comments on this post. TrackBack URI

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Sumulat ng Blog sa WordPress.com.

%d bloggers like this: