Bakas-Bukas Blog

Agosto 17, 2009

Paalam, Batman (aka Arnel De Guzman September 26, 1956 – August 8, 2009)

Filed under: Bagong Kasaysayan,STR(TalamBuhay),Talambuhay — bakasbukas @ 8:45 hapon

Akala ko bumuhos at nasaid na ang luhang pagdadalamhati at pasasalamat sa lakarang-paghahatid kay Tita Cory sa paglalakbay niya sa kabilang-buhay, gayun din kay Susan Fernandez Magno nuon lamang nakaraang buwan.

At ngayon naman, si Arnel de Guzman, ang kinilalang Batman ng mga tibak sa peyups na may student number 1973-1978. Ito rin ang batch ni Susan. Ito ang henerasyon ng tibak na natatangi sa lahat ang karanasan; kaiba sa mga aktibistang FQS (First Quarter Storm) at sa Jaja-Cord (yellow at red) nuong 1983-1986. Ito ang batch ng unang Iskolar ng Bayan (mula sa tula-dula ni Pete Lacaba, Ang Kagilagilalas na Pakikipagsapalaran ni Juan Dela Cruz ng UP Repertory)

Si Arnel, si Susan, sampu ng aming mga ka-batch ay nabahiran rin ng bugso at militanteng FQS kahit kami ay mga hayskul pa lamang. Kami naman ang tinamaan ng lintek ng madeklara ang Martial law – bawal na ang mahaba ang buhok, mini-skirts, stay-in na ang mga party para hindi ma-curfew, hinuhuli ang mga aktibista at nagpoprotesta, babad na lamang sa pagmumukha ni Tatad sa TV, at sa nakakapunding patalastas “Sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan” at “Pulung-pulong sa kaunlaran.”

Sa panahon namin ni Batman, banned at nilusaw ang mga MO (mass organization) tulad ng KM at SDK (Kabataang Makabayan. Samahang Demokratikong Kabataan). Maging ang UP Student Council ay nawala rin. Para sa amin nina Arnel at Susan ang FOP ay malaking pagkilos na. Ang FOP, ang Freshmen Orientation Program, ay ang ginagawa naming tuntungan sa pagmumulat, pagpupukaw ng diwa ng FQS na hindi kapansin-pansin sa mga pon-jing (ahente) at sa pagrecruit sa mga “recognized student organizations” ng Student Affairs sa Vinzon’s Hall.

Hangga’t maari gusto namin sa mga bagong peyups sa Diliman ay maging miyembro ng mga student organizations na may grupong ubod. At kapag ang miyembro ay hinog na, ibig sabihin katanggap-tanggap na ang paglahok sa iba pang pagkilos, at siya ay iniimbitahang maging kasapi sa kilusang lihim.

Katulad ni Arnel, naipapakita ng tibak na peyups ang mapanlikhang pamumuno at pagsasagawa ng AOM – arouse, organize at mobilize. Halimbawa ang taunang sports fest at palakasan ng mga Student Orgs sa campus ay ginagawang martsa at pagwawagayway ng mga placards at banners. Maging si EVP Soriano ay nangangamba tuwing may mobilisasyon kahit na Palakasan, Lantern Parade at pag-welcome sa mga freshmen sa UP, dahil madalas na-transform ito sa isang protesta. At kapag dumating na ang mga pulis at ponjing, patay-walang-malisyang nagsasayahan lamang ang mga estudyante.

Ito ang kagalingan ni Arnel. Isa siyang magaling na tactician sa mga pagkilos nuong panahong pinakamatindi ang paghihigpit ng UP Admin, paglaganap ng militarisasyon sa loob ng kampus, at pagpapairal ng repression ng Martial Law. Nuong naagaw ng mga pro-admin at moderate ang Philippine Collegian, inilunsad ang “revolutionary collegian” na sa tuwi-tuwina ay dini-distribute sa mga klase. Naglulunsad din ng mga OP-OD (Operasyon Pinta-Operasyong Dikit), Room-to-Room (RTR), silent marches at lightning rallies.

Maging ang ordinaryong forum sa AS (Arts and Science) Theater ay nagagawa ni Arnel na malakihang pagkilos. Ang bentahe ni Arnel ay ang pagiging Alpha Sigma niya, nagawa nilang madeklara ang Second Floor ng AS na “Second Floor Republic” ibig sabihin pupwedeng ilabas ang forum sa Theater sa second floor lobby, at kapag sapat na ang bilang ng mga kalahok sa pagkilos, ibaba ito sa first floor at ilalabas sa AS Steps, at kung kakayanin, imamartsa pa tungo sa UP Admin. (Ang Second Floor Republic ay tambayan ng Alpha Sigma, Sigma Kappa Pi, Kalilayan, Freshmen Service Group at Asylum, dalawa sa mga kwarto ay naging opisina ng AS Council). Sa katunayan magkatabi ang tambayan ng Alpha Sigma at FSG, kaya’t napalapit si Arnel kay Joy.

Sa kagalingan ng mga taktika sa pagkilos dumating sa punto na idineklara ng gobyerno ang mga malaking kalsada sa loob na UP Diliman, tulad ng kalsadang sa harap ng AS, na mga “national road.” Sa madaling salita, hindi na lamang UP Security ang may jurisdiction kundi ang PC at Army, at maari na silang manghuli sa mga “lumalabag sa batas” kahit sa loob ng kampus.

Hindi lamang academic freedom, student rights and welfare (STRAW) at democratic reforms ang mga ipinaglalaban ng mga estudyante, sinisikap din naming kumilos tungo sa paglilingkod sa sambayanan sa labas ng pamantasan. Isa sa mga malaking pagkilos pinangunahan ni Arnel, at dito siya nakilalang Batman, ay ang Operasyon Tulong. Malala ang baha sa Metro Manila nuong 1974 at 1976. Ang CoMSA (Committee for Student Affairs) at iba’t-ibang Student Orgs ay nagbuo ng Operasyon Tulong, at ang Women’s Center sa may Vinzon’s ang ginawang headquarter.

Malawak ang sinaklawan ng OT; lumulusong ang mga volunteer students sa mga komunidad na binaha tulad sa Navotas, Malabon, Kalookan, Tondo at sa Quezon City nagbibigay ng pagkain, gamot, at damit. Ang iba naman ay nangangalap ng mga donasyon mula sa mga mayayaman villages at projects, business districts at simbahan.

Sadyang kahanga-hanga ang pamumuno at pangunguna ni Arnel sa OT kaya’t maging sa ibang pagkilos tulad ng Alyansa Laban sa Pagtaas ng Tuition Fee ay inaasahan siyang maging team leader o central command. Hindi siya sumisigaw o gumagamit ng megapon, papel iyon ng mga student leaders at speakers/agitators; ang sinusubaybayan sa kanya ang senyas ng kanyang kamay at sa tingin. Sa kanyang balingkinitang pangangatawan, hindi mo sukat akalain siya ang nagbibigay ng command.

Habang lumalakas at dumarami ang lumalahok sa mga pagkilos sa loob at sa labas ng campus, lalong dumadalas ang mga pagkilos. Ang masigasig at mapangahas na pagkilos ng mga peyups ay kinikilalang susing kawing sa pagluluwag ng dating makitid na “democratic space” hindi lamang sa loob ng campus kundi maging sa buong bansa.

Kabilang si Arnel sa mga tibak na makailang beses na nagpalit-palit ng kanilang major, mula sa BS engineering tungo sa mga social sciences. Madalas kasi hindi na rin nakapasok sa klase dahil sa pagkilos. Katulad ni Susan, sociology ang tinapos ni Arnel, AB History naman ako nuong 1978.

Pagkagraduate, naging pagtuturo naman ang aming pinasukan. Si Arnel ay sa St. Scholastica’s High School sa Maynila, ako naman sa UP College Baguio. Ang kagalingan at creativity sa taktika sa pagkilos ay ginamit sa loob ng klase. Ang magandang ang tayming ng aming pagtuturo; ito rin ang panahon na naghahanap ng makabagong teaching method at content ang mga eskwela lalung-laluna sa mga Catholic schools. Ito rin kasi ang panahon ng labanan sa Education Act of 1980. Sa mga eskwelahang kabilang sa AMRSP Task Force on Education, ang henerasyon namin nina Arnel ang nagsimulang magpasok at magpalaganap sa classroom teaching ng “liberating versus domesticating/banking method” ni Paolo Freire at ang structural-conjunctural analysis sa “concientization work” ng mga progresibong pari at madre sa pagtuturo ng history at social studies.

Nuong unang taon ng 1980 umusbong ang mga institusyong legal (LI) at legal organizations (LO). Later tinawag itong mga NGO at civil society . Ang batch rin naming tibak ang nanguna at namuno sa mga bagong tayong LO/LI. Si Arnel sa EMJP (Ecumenical Movement for Justice and Peace) at KAIBIGAN, ako naman sa IBON Databank at Education Forum. Sa pagkilos at pambansang usapin magkakasama at nagkikita pa rin kami. Sa mga exposure programs ng mga taga-labas ng bansa, mga funders at solidarity groups, isa si Arnel sa mga nagiging “tour guides” at nagbibigay ng NatSit.

Marahil ang huli naming pagkikita ni Arnel ay nuong mid-1980s. Naging aktibo si Arnel sa isyu ng mga migrante at OFWs, pioneering si Arnel sa kampanyang ito, habang ako naman ay nag-migrate sa Amerika. Nitong Facebook ko lamang siya uli naugnayan at nababalitaan sa tulong ni Niva. At nito ngang huli ang malungkot na balita ay ang ipinaabot ni Niva.

Kamakailan hinikayat ko ang mga ka-batch namin ni Arnel sa peyups at sa buhay tibak na sumali sa Facebook. Kabilang na rito si Bobby Halili ng Los Angeles, kasamahan nina Niva at Arnel sa UPSCA. Pinaalala ko kay Bobby na habang may panahon pa maki-pag-ugnayan siya kay Arnel kahit through Niva. Naalala ko kasi nuong yumao si Evic, isa ring UPSCAN at matalik rin kaibigang tibak, hindi man kami napaabutan ng balita at nakipagdalamhati sa kanyang mga iniwanan.

Katulad sa pagdadalamhati ng marami kay Susan, at ni Tita Cory, kaloob nito ay ang wagas na pagsasalamat sa ambag ni Arnel ng kanyang buhay at sarili sa kilusang nagpapabuti sa kalagayan nating nabubuhay pa dito sa lupa, sa partikular sa kalayaan, katarungan, demokrasya, at kapakanan ng Inang bayan at ng mga anak ng bayan.

Hindi ko maalala kung bakit tinawagan si Arnel na Batman, mula sa comics hero o ang bayani ng naaapi at kilalang Dark Knight sa pelikula. (Ayon sa mga nakaalala, dahil daw mukhang batmobile ang kotse nuon ni Arnel!) Sa pagkakilala ko kay Arnel siya ay isang tunay na “Alagad ng Kaliwanagan.” Kasamang Arnel, ang liwanag na iniwan mo sa amin ay patuloy nakasindi at ipapasa pa namin sa susunod na henerasyon hangga sa mamayani ng lubusan ang Kaliwanagan sa kadilimang umiiral pa sa ating bayan.

Ang panghuling kahilingan nina Niva at sampu ng mga ka-batch mo sa peyups sa pagkadeploy mo sa kabilang-buhay; huwag na huwag mo araw turuan sina San Pedro at mga angel sa kagalingan mo sa pag-recruit at pagmobilisa. Pakisabi kay San Pedro na kung may-reunion o regrouping kayo diyan nina Susan at Tita Cory, mayroon din namang taunang reunion ang mga tibak sa Disyembre dito sa Antipolo. Kahit wala ka na sa aming piling, kabilang ka pa rin namin, mga tibak, mga peyups, mga iskolar ng bayan, mga anak ng bayan ng Inang Bayan.

Salamat Arnel. Sumalangit Nawa.

Mag-iwan ng Puna »

Walang puna.

RSS feed for comments on this post. TrackBack URI

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Lumikha ng libreng website o blog sa WordPress.com.

%d bloggers like this: