Bakas-Bukas Blog

Agosto 30, 2009

“Marxistang Soulmates”

Nuong nabubuhay pa si Bulletx, may pagkakaunawaan kaming dalawa na kami nga ay magka-soulmates, marxistang soulmates. May palagay kami kasi na nuon sa aming past life o nakaraang buhay na kaming dalawa ay nagkatagpo na hindi bilang magkasintahan kundi bilang magkasama sa isang rebolusyong internasyonal, believe it or not.

Papaano kami ni Bulletx nagkaroon ng palagay na kami nga ay marxistang soulmates?

Magkasambahay kami nuon ni Bulletx. Nangungupahan ako ng isang kwarto sa bahay nila sa Templeton, Daly City. Halos araw-araw ay sabay kaming pumapasok sa trabaho sa South of Market. Dahil pareho kaming nagtratrabaho sa non-profit halos magkakasama kami ng mga lakaran at magkakakilala ang mga kaibigan at kasamahan sa gawain sa komunidad. Ganoon din sa mga kaibigan at kasama sa kilusan sa Pilipinas. At kung may panauhin kami mula sa Pilipinas, kaming dalawa ang madalas magkasamang nag-i-entertain sa kanila. Sa pamamasyal ng magagandang tanawin sa San Francisco, siya ang driver at ang madaldal magkwento, ako naman ang navigator, tagapagbigay ng rutang dadaanan at nagsasabi ng liko sa kanan o kaliwa o diretso lang. Magkasama kaming nag-i-i-scrabble magdamagan. Minsan, bisita namin si Sr. Mary John, nag-iscrabble kami mula alas-sais ng gabi hanggang 2 ng madaling- araw, lumabas pa kami sa Lingnam para mag-almusal, tapos bumalik sa bahay at nagpatuloy ng isang round na scrabble bago siya inihatid sa kanyang tinutuluyang kamag-anak.

Sa madaling salita marami kaming pinagsamahan ni Bulletx. Pero hindi dahil dito kami nagkaroon ng palagay na kami ay magka-soulmates. Nagganap ito nuong 1997, mga buwan ng Agosto. Ito ang gabi ng pagbisita ng pamilya ni Piwi sa bahay nila Bulletx. Nakisuyo ang asawa ni Piwi, isang matalik na kaibigan ni Bulletx sa Pilipinas, na magpalipas muna sila ng gabi sa Daly City dahil mas malapit ito sa San Francisco Airport. Ito ang huling yugto ng bakasyong-pasyalan ng mag-anak ni Piwi sa Amerika. Pauwi na sila sa Pilipinas at ang pinakamalapit na kamag-anakan ay nasa Sacramento pa nakatira. Malaking kombinyente ang Daly City sa pagpunta nila sa airport.

Nasa kwarto ako noon nang marinig ko ang ingay ng mga bisita ni Bulletx. Hindi ako makatulog dahil kakausap ko lang sa misis ko sa Pilipinas. Inaalala ko ang pagbubuntis niya. Ayon sa kanyang doctor, hindi pangkaraniwan ang pagbubuntis, delikado dulot ng kanyang sakit na multiple sclerosis. Baka daw hindi makayanan ng kanyang katawan. Madalas ang overseas call naming mag-asawa ay nagsisimula sa kumustahan at nauuwi sa iyakan. Inihahanda ng doctor ang aking asawa sa extreme scenario: “Sa iyong panganganak maaring isa lamang ang mailigtas at mabuhay, ikaw o ang bata. Kailangan kang pumili at ihanda ang sarili.”

Habang palapit ng palapit ang araw ng panganganak lalong lumalakas ang aming pangamba sa maaring mangyari. Masakit gawin ang pagpili. Bagamat pinalalakas ko ang loob ng aking asawa, na makakayanan niya ito, ako rin ay nanghihina. Pinaaalalahanan ko na lamang siya; “Huwag na huwag kang magdadalawang isip. Piliin mo ang iyong sarili. Ikaw ang mahal ko. Tayong dalawa ang magsasama ng maluwat.”

Biglang natahimik ang bahay nina Bulletx. Lumabas ako sa kwarto at nakita ko si Piwi, pangalawang pagtatagpo namin ito, nagkasama na kami minsan sa isang lakaran sa Bulacan. Sinamahan naman ni Bulletx ang asawa ni Piwi at dalawang anak sa isang laundry express. Ang plano ng mga bisita ay walang tulugan dahil marami pa silang aayusing balikbayan boxes at luggage.

“Alam mo bang ispiritista ako,” ang panimulang bati ni Piwi sa akin, “nakakausap ko ang mga ispiritu. Kung gusto mo, magdamagan rin lang naman kami rito, kausapin natin ang mga ispiritu mo?”

Nabigla ako nasambit na tanong ni Piwi. At napansin niya ito kaya’t hinabol niya kaagad ng paliwanag: “Ang mga ispiritu mong kakausapin ko ay ang mga ispiritu ng iyong mga mahal sa buhay na yumao, maari ang ispiritu ng iyong ama, lolo, tiyahin. Nariyan sila sa ating tabi-tabi. Ako bilang medium kaya ko silang paabutan ng mga mensahe.”

Taimtim akong nakikinig sa paliwanag ni Piwi. Sa isip-isip ko wala namang mawawala sa akin kung makikipag-usap siya sa aking mga ispiritu. “May mga bagay na alam ng mga ispiritu tungkol sa iyong buhay na hindi mo alam,” dagdag na paliwanag ni Piwi, “Mayroon din naman mga bagay-bagay na alam mo sa iyong buhay na maaring hindi alam ng mga ispiritu.”

Hindi ko maitago ang aking excitement sa aking naririnig. Lumapit pa ako sa inuupuhan ni Piwi para lubusan kong maunawaan ang kanyang sinasabi. Nagpatuloy si Piwi: “Ang sasabihin ko sa iyo ay hindi nanggaling sa akin, ito ay mga parating o mensahe ng iyong mga ispiritu. Maaring tama sila. Maari ring mali sila. Ikaw lamang makakapagsabi sa katuturan ng sinasabii dahil ito ay patungkol sa buhay mo.”

Ilang saglit lang kumbinsido na ako. “Isipin mong mabuti ang pinakamalubhang pinoproblema mo sa kasalukuyan. Sabihin mo sa akin. Pagkatapos isulat mo sa papel ang pangalan at birthday ninyong mag-asawa,” ang instruksyon ni Piwi sa akin.

Ginawa ko ang pinagagawa ni Piwi. Ang tanong ko ay iisa lang: “Makakayanan ba ng aking asawa ang kanyang panganganak?” Pagkasambit ko sa tanong. Tumahimik si Piwi. Hawak-hawak niya ang sinulatan kong papel at paminsan-minsan siya ay tumutingala sa kisame ng bahay. Mga sampung minuto rin tinagal ng kanyang pagmuni-muni o taimtim na pag-iisip, hindi ko siyang nakitang nagdarasal o nagsasalita ng Latin.

Pagkatapos biglang sigla ang dating ng kanyang ngiti at pagmumukha. Buo ang kanyang tinig sa pagbalita. “Makakayanan ng iyong mag-ina ang panganganak! Mabubuhay sila pareho. Nagsama-sama ang dalawang panig ng iyong mga ispiritu. Sinisikap nila na magiging matagumpay ang panganganak ng isyong asawa. Ibalita mo ito sa kanya.”

Parang naalisan ako ng malaking tinik akin narinig. Ito na marahil ang pinakamagandang balita aking natanggap sa araw na iyon. Tinanong ni Piwi kung mayroon pa akong mga tanong nais isangguni sa mga ispiritu. “Wala na. Sa pagtugon mo sa unang tanong ko, solve na lahat ang ibang bagay,” ang sagot ko sa kanya.

Panatag na ang loob ko at tatayo na sana ako at titignan kung ano na ang nangyari kina Bulletx at sa kaibigan niyang nagpunta sa sa Clean Express. Gabi na nga naman.

“Baka gusto mong malaman kung bakit kayong dalawa ng misis ang nagkatuluyan?” ang pahabol ni Piwi.

“Bakit? Pati ba ang tanong na iyan ay nasasagot ng mga ispiritu.” Biglang bumalik ako sa aking inuupuhan. Ang tugon ni Beto:“ Bakit hindi?”

Tumahimik na naman ang paligid. Nagko-concentrate muli tulad nuong una si Piwi. Tumagal lamang siya ng limang minuto,humigat-kumulang. Pagtapos, niyaya niya akong lumapit pa sa kanya para lubusan kong marinig ng kanyang sasabihin.

“Alam mo ba, ayon sa mga ispiritu, kayong dalawa ng misis mo ay magka-anim na beses kayong ikinasal. Sa maraming generation, kayo pa rin ang nagtatagpo. Soul mates kayo. Ang last o huli ninyong pagsasama bago sa kasalukuyang buhay ninyo ay nuong 1920 sa Germany.”

Hindi ako makapaniwala sa aking naririnig. Pero hindi maitago ang tibok ng aking dibdib.Excited din naman talaga akong marinig ang paabot pa ng mga ispiritu.

“Sa Germany nga nuong bago mag-1920s,” patuloy ni Piwi, “ikaw ay isang hardcore at devoted na communist, ang asawa mo ay isang pangkaraniwang babae lamang. Dumarating siya sa buhay mo kasi sa pagiging komunista mo, nakakalimutan mo na ang iyong sarili o personal aspects of your life.Napapabayaan mo ang iyong kapakanan dahil buhos na buhos ang atensyon mo sa iyong pinaglalabang rebolusyon at paglilingkod sa mga kapwa mo manggagawa. Siya ang nagbubukas sa iyo ng bagong pinto sa iyong buhay. Binibigyan ka niya ng kakaiba at panibagong pananaw sa buhay. Palagi na lang siyang dumarating at nagkakasama kayo sa inyong past lives.”

Marami pa sana akong gustong isangguni sa mga ispiritu kay Piwi pero hindi namin namalayan dumating na sina Bulletx at asawa ni Piwi sa bahay. Nang mabatid ni Bulletx na nagkaroon kaming “session” sa mga ispiritu ni Piwi, ni-request din gawin nilang dalawa. Ganoon nga ang nangyari, tumuloy sa kusina sina Piwi at Bulletx para magkaroon ng session sa mga ispiritu. Hindi na ako sumama, at bumalik na ako sa aking kwarto para magmuni-muni sa mga natutuhan ko sa session, at makatulog ng sa susunod na araw ay mababalita ko ito sa aking asawa.

Kinaumagahan, lumisan na ang pamilya ni Piwi patungo sa airport. Pagkatapos katulad ng ibang araw, kami namang dalawa ni Bulletx lumisan ng bahay patungo sa aming trabaho sa South of Market. Sa daan, ikinuwento niya ang session nila Piwi. Nabanggit daw ng mga ispiritu kay Piwi na may tatlong past lives siya. Ang isa ay mula sa royal family sa Scotland, ang pangalawa ay mula sa religious leader ng native American o Indian, at ang pangatlo ay ang pagiging komunista niya sa Rusya nuong bago mag-1920s.

As usual, Bulletx na Bulletx ang excitement sa pagkukwento at sa palagay niya na posibleng may katotohanan ang mga sinabi ni Piwi sa kanya. Sa una, “kaya pala,” mangha ni Bulletx, “tuwing napapadaan tayo sa mga Victorian Houses, parang may-pakiramdam ako at sumasagi sa isip ko na dati na akong nakatira sa ganitong bahay. Hindi ko lang nararanasan iyan minsan, kundi madalas.Wow… biro mo galing pa ako sa royal family” Sabay tawa si Bulletx.

Sa pangalawa naman, ang interpretasyon ni Bulletx ay patungkol sa kanyang angking kakayahang sa panggagamot. “Ito kaya ang dahilan kung bakit ako naging healer. May kaluluwa akong native American. Kaya ba tuwing nag-ri-ritwal ako panatag akong loob ko kapag nagsimula ako sa pagdarasal sa pagharap sa apat na sulok ng hangin – kanluran, silangan,hilaga at timog?… Gusto ko pang malaman ang source ng soul ko sa mga Indians…”

Nakikinig lang ako sa mga kwento at sharing ni Bulletx. Hindi pa naririnig ni Bulletx ang aking kwento. At kitang-kita ko sa kanya ang excitement sa pangatlong source ng kanyang kaluluwa. “Alam mo ba?,” bati niya, “ Ako raw, sabi ni Piwi, ay isang Russian communist, nuong bago mag-1920s. Bilib ka roon. Hindi sinabi ni Piwi kung kasama ko sina Lenin o Stalin. Pahapyaw lang niyang nabanggit na aktibo ako sa women’s brigade. Hindi ba panahon ito ni Rosa Luxemburg?”

Nakarating na kami sa South of Market at hindi ako nagkaroon ng pagkakataon maikwento naman ang aking session kay Piwi.

Kinagabihan, sa bahay sa Templeton, excited na binalita sa akin ni Bulletx na tama raw ang kanyang hinala; nandoon siya sa Rusya nuong kapanahunan ni Rosa Luxemburg, tinignan at binasa raw niya ito sa mga libro. “Tang-ina… biro mo… kumunista na pala ako nuon pa… hehehe..” Ang sabat ko naman “Ako rin.” At na-i-share ko ang session namin ni Piwi. Comrades pala kami ni Bulletx sa Europe.

Magmula nuon ang naging turingan namin ni Bulletx ay hindi na lamang magkasama sa kilusan sa Pilipinas at sa Amerika kundi maging sa aming nakaraang buhay (past lives ) sa Europa kami ay mag-comrade din. Sa maniwala kayo o hindi, believe it or not, kaming dalawa ay marxistang soulmates!

Mag-iwan ng Puna »

Walang puna.

RSS feed for comments on this post. TrackBack URI

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Lumikha ng libreng website o blog sa WordPress.com.

%d bloggers like this: