Bakas-Bukas Blog

Oktubre 12, 2009

Ang Pagpapiyano sa Ilalim ng Martial Law

Filed under: Bagong Kasaysayan,STR(TalamBuhay),Talambuhay — bakasbukas @ 8:43 hapon

Lumalabas na hindi handa ang kilusan ng aktibista sa pagbaba ng martial law. Hindi ko rin alam kung nakahanda rin o sadyang mapurol ang kukote ng militar sa pag-implement ng martial law.

Sa isang masikip na kwarto, tinatawag na army barrack, mahigit na dalawampung katao ang pinagsama-sama sa loob. Hindi sila magkakakilala. Ang komon lamang sa kanila, sila ay mga dinakip at ikinulong sa nasabing barrack sa ngalan ng martial law. May hinuli dahil mahaba ang buhok, ang isa naman ay pinagbintangan nagnakaw ng riles ng tren, isang dating army naisama sa kulungan dahil sa kasong awol, ang isa naman, dahil napabayaan ang dating nahuli na makatakas, ang isa ay estudyante sa kolehiyo Maynila at ang apelyido ay Olalia, at samut-sari pa ang iba.

Kaming dalawa ni Pericles ay nasa nasabing piitan dahil nakasama ang aming pangalan sa listahan ng mga aktibista sa aming eskwelahan. At sa palagay namin ang source ng listahan ay ilang titser at principal ng aming hayskul. May dalawa kaming kaibigan at kasamahan, sina Alan at Alex, ang nauna ng isang araw sa amin sa barrack. Hindi namin nabatid kung papaano sila nahuli.

Alas dos ng madaling araw, madilim pa ang paligid, may biglang pumasok sa aming barrack. Dinampot sina Alan at Alex. Dinala sa sa main building sa kampo. Lalu kaming hindi makatulog ni Pericles dahil nag-aalala kung ano ang gagawin nila at kung kami naman ang isusunod. Hindi kami nakatulog at ina-abangan namin ang kanilang pagbabalik sa barrack ng malaman namin kung ano ang ginagawa sa kanila.

Inumaga na at hindi pa rin sila lumabas. Alas siyes ng umaga ng ibinalik sila sa aming barrack. Tahimik silang nag-ayos ng mga kanilang damit at gamit. Ilang minuto lamang bumalik ang sundo nila. Pinosas ang kanilang kamay at isinakay sa military truck. Hindi man kami nagkaroon ng pagkakataon makapag-usap.

Ang sambit lang nababasa ko sa bibig ni Alan. “Putang-Ina nila.” Nakakalungkot at nakakatakot makita ang dalawang kaibigang isinasakay sa truck parang mga kriminal. Hindi maitago ang lungkot at kaba sa kanilang mukha. Hindi namin mawari ni pericles kung ano ang mangyayari sa kanila. Ganoon din kaya ang mangyayari sa amin? Magiging katulad kaya kami nina Alan at Alex? Ito na ba ang martial law?

Isang kasamahan namin sa barrack ang lumapit sa amin, “sa YRC dadalhin ang dalawa ninyong kaibigan,” wika niya, “sa Youth Rehabilitation Center sa Camp Olivas.” Dagdag pa niya,”matatagalan na sila duon.” Marahil nagpiyano na sila.

Nagpakilala siya na magdadalawang linggo na siya sa nasabing barrack pero hindi pa siya mapadala sa YRC. Sina Alex at Alan ay nakadalawang araw, pero inilipat kaagad sila sa YRC. Ang maaring pagkakamali daw nina Alan at Alex ay maaring umamin silang miyemrbo ng anumang grupong aktibista tulad ng KM-SDK at tinanggap ng basta ang ilang paratang sa kanila.

“Walang alam ang mga sundalos na mga iyan. Kahit na Martial Law wala namang impormasyon ang militar sa mga tao at maging sa mga aktibista. Ngayon pa lamang nangangalap ng mga datos. Umaasa sila sa mga ‘confession’ ng mga hinuli nila. Manggagaling iyan sa sarili ninyo bibig. Kaya’t kung aaminin mong wala kang alam, wala silang magagawa, wala man silang proof o ebidensiya na mayroon kang alam. Deny everything. You know nothing sa lahat ng pinagsasabi o pinaparatang nila sa inyo.”

Linggo ng gabi, hindi naman ako makatulog. Malakas ang kutob ko na may ahente sa loob ng aming barrack at minamanmanan kami. Nang datingan ako ng antok at nakatulog ng ilang minuto, duon bigla sumulpot ang mga sundalong susundo sa amin para dalhin sa pinagdalhan kina Alan at Alex, sa main building.

Sa aming dalawa ni Pericles ako ang unang kinuha. Dinala sa madalim na kwarto at ang tanging ilaw ay iisa. Anim na sundalo ang nasa loob. Nakataas pa ang paa sa mesa ang dalawa. Lahat ay nagsisigarilyo. Mausok. Iniupo ako sa gitna at nasa taas ng aking ulo ang iisang ilaw. Para itong sa pelikula napapanonod sa pag-interogate ng mga pulis sa mga kriminal.

At isa-isang nagsasabi na kilala ako. Yun’ isa nakasama ko raw sa rali sa Clark sa Angeles. Iyun isa naman alam daw ay nakatabi ko sa malaking pagkilos sa kabayanan. At tinatanong kung kilala ko ang mga pangalang binabanggit nila. Binanggit nila ang mga pangalan nila Alan, Alex, Joe, Boy at Bong.

Consistent ang sagot ko. Wala akong alam. I don’t know them. Narecover ko ang confidence ko ng i-challenge ko sila na kahit hanapin ang mga attendance ko sa eskwela, perfect ang attendance ko at dahil candidate akong maging honor student sa aming graduation. (Alam ko naman talaga na perfect ang attendance ko sa klase!)

Wala silang makuha sa akin, kaya’t tinapos kaagad ang interrogation. Isinunod nila si Pericles. Naging consistent din siya. Ginamit niyang rason sa pagiging aktibo niya sa pagtulung sa akin para tumaas ang extra-curricular naming sa eskwela. Natapos si Pericles. Katulad ko, hindi rin siya nagpiyano, ang tawag kapag kinuha na ang finger prints mo, at hindi rin kami dinala sa YRC.

Dumating ang Lunes at Martes. Naging balita na sa amin ekswela na nakulong kami. May isang titser kaming naglakas loob na dumalaw sa kampo at para hanapin kami. Ganoon din ang ilang mga kamag-anak, may lumapit sa bise-gobernor para ma-advocate na ma-release kami.

Mag-iisang linggo, bago dumating ang Sabado, na-release kaming dalawa ni Pericles. Ang requirement lang –tuwing Sabado ay mag-rereport kami sa kampo. Ilang Sabado din naming ginawa pag-rereport. Minsang Sabado, sampung estudyante ang magkasabay-sabay dumating sa opisina sa kampo para mag-report. Lahat kami ay mga miyembro ng SDK pero nuong itinanong ng clerk kung magkakakilala kami. Ang lahat ay nagsabing hindi. Kaya’t ang clerk pa ang naglakas loob na i-introduce kami sa bawat isa.

Later na lamang nalaman na isang titser ang nagsabmit ng listahan dahil sa natatakot siyang masara ang eskwela dahil sa letter of instruction ng DEC at ng martial law. Hindi naman niya kilala kung sino ang tunay na aktibista at hindi, kung sinu-sino ang mga miyembro ng SDK? Ang listahang ibinigay ng titser sa militar ay listahan ng estudyante nasa honor roll at section one ng bawat year level. Iniisip niya marahil na madali kaming makakakuha ng military clearance. Walang full-timer na SDK ang nahuli, kasi hindi sila kilala ng titser.

Ang dalawang nagpiyano, sina Alan at Alex, ay na-release pagkatapos ng mahigit na anim na buwan nakakulong sa Camp Olivas. Dahil daw nakita kaming nahuli na rin ng umaga ng sabado, kaya’t inako daw nila sa mga interrogator ng silang dalawa ang mga founder ng SDK. Inaakala nila sa pag-amin ng totoo makakalaya sila at kami ay makakalaya rin.

Iba naman ang paliwanag ni Alan pagkalabas niya. Sabi niya: Kahit hindi ako aktibista at sumama lamang ako sa inyo dahil matalik ko kayong kaibigan, pero ng nakaharap ko ang mga interrogator, biglang kumulo ang aking dugo, kilala ko sila dahil sila ang nangingikil sa mga pulkero at tindera sa palengke. Matagal ng galit ang mga tao sa palengke sa kanila, kabilang na ang magulang ko. Kaya’t sa halip na magmaka-awa ako at sabihin kong wala akong kinalaman sa paratang nilang aktibista ako, buong tapang kong sinabi na ako ang founder ng SDK at galit ako sa mga sundalong nangingikil sa mga taong nagsisikap maghanap buhay sa palengke. Hindi ko maiwasang di magalit. Sobra na sila.

Alam ni Alan na nang siya ay tinawag muli para magtimbre ng kanyang sampung daliri sa isang papeles, ‘pagpiyano’ ang tawag nuon, matatagalan siyang makalaya. Wala siyang regret dahil naipamukha niya sa mga interrogators ang kanilang kawalang-hiyaan sa taumbayan.

Mag-iwan ng Puna »

Walang puna.

RSS feed for comments on this post. TrackBack URI

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Lumikha ng libreng website o blog sa WordPress.com.

%d bloggers like this: