Bakas-Bukas Blog

Oktubre 12, 2009

Ang Unang Araw ng Martial Law

Filed under: Bagong Kasaysayan,STR(TalamBuhay),Talambuhay — bakasbukas @ 8:34 hapon

Ilang araw bago ibinaba ang martial law, mayroon nang mga balita ang mga full-timer SDK (Samahang Demokratikong Kabataan) sa aming HQ (headquarter) na ‘any time’ daw idideklara ni Marcos ang Martial Law.

Fourth year hayskul ako nuon at walang kamuwang-muwang kung ano ang sinasabi nilang martial law. Ang masugid na tagubilin sa amin na ‘linisin’ ang HQ; ang ibig nilang sabihin ilikas ang lahat ng mga dokumento at mga papeles, sunugin o itago sa ibang lugal. Binigyan din kaming instruksyon na huwag munang tumuloy, tumambay at matulog sa HQ.

Bagamat naririnig namin sa radyo at napapanood sa TV ang mga balitang nagaganap sa Maynila, sa amin sa San Fernando, Pampanga, na may kalayuan sa siyudad, ay walang nararamdamang pagkabalisa sa mga tao. Normal ang takbo ng buhay sa palengke at sa poblasyon. Maliban sa mga paalala ng ilang nakakatandang SDK, hindi ko ma-imagine ang pagbaba ng Martial Law.

Sa lahat ng araw ng linggo naiiba sa akin ang pagdating ng Sabado; ang Lunes, Martes, Miyerkules, Huwebes at Biyernes ay mga school days, mga araw ng pasukan sa eskwela kaya’t maaga ang gising at pagsimula ng araw. Nagigising kami sa tilaok ng manok, ingay ng tren ng PNR, bagon ng Pasudeco at ng malalakas na balitang umalingawngaw sa radyo.

Bibihira ang may alarm clock sa aming baryo. Kaya’t ang sinusubaybayan at pinaka-inaabangan na programa sa radyo ng mga tao ay ang “EveryReady Balita”ni Johnny De Leon kasama ang patented na pagbigkas ni Ngongo ng “Bataan Matamis” o kaya ang programa ni Paeng Yabut. Ang radyo ang siyang pinakamahalagang appliance nuon sa bawat bahay. Kaya’t pagkagising, hindi maiiwasang di makinig sa radyo; inaaabangan ang mga bagong anunsyo tulad ng signal number ng bagyo, o kaya biglang walang pasok sa eskwela, kahit walang bagyo pero ito ang panawagan.

At dumating ang araw ng Sabado, isang kakaibang Sabado sa lahat ng Sabado. Ang petsa, Setyembre 23, 1972, at napaaga ang aking gising, hindi sa tilaok ng manok, hindi rin sa ingay ng bagon at tren, at lalong hindi sa alingawngaw ng balita sa radyo. Sa katunayan pa nga, walang makuhang istasyon ang aming transistor radyo. Nakapagtataka. Ayos na naman ang radyo at baterya, pero wala talaga kang mapulot na ingay o balita sa am at fm. Nakakapanibago. Hindi normal ang umaga nitong Sabado.

Ang tanging naririning na ingay sa labas ng bahay ay ang mga bunganga ng mga kapitbahay; “Ot mewala ya y Johnny de Leon?” “Nang malalalyari keti,”“Ot alang balita keng radyo? “Ano bang nangyayari sa aking radyo?” “Mayroon ba kayong balita sa Maynila?” Bakit hindi ko marinig sina Johnny de Leon at Paeng Yabut?

Habang nagdadaan ang mga oras, nagiging balisa ang mga tao at magkakapitbahay. Maraming tanong wala naman kasagutan. Damang-dama nila ang kakaibang araw. Parang may kababalaghang di sukat mawari. Ang umaga ay di ang sadyang dati; hindi normal.

Kung walang marinig sa radyo, lalong wala ring mapanood na palabas sa TV. Saan maaring makasagap ng balita? Sa palengke, sa kabayanan ang takbo ng iilan para makapulot ng balita, tsismis o kahit ano mang paliwanag sa kawalan ng radyo sa himpapawid o kung ano talaga ang nagaganap sa bayan?

Kahit papaano ginawa kong normal ang aking Sabado; nagbalot ako ng dadalhing damit paluwas sa Maynila (tuwing Sabado kasi ako umuwi sa aming bahay sa Makati bagamat sa San Fernando ako nag-aaral) at isinama ko na rin sa aking bag ang pinapahalagahang librong – ang Lipunang Rebolusyong Pilipino (LRP). Tumuloy ako sa kabayanan, hindi na ako nakipag-usyoso o nakipaghuntahan sa mga tao, dali-daling akong nag-abang at sumakay ng bus ng Philippine Rabbit patungo Maynila.

Sa bus, wala akong paki sa usap-usapan ng mga nakasakay. Inilabas ko ang pulang LRP, kahit nabasa ko na ito ng makailang beses, binubuklat ko pa ang bawat pahina. Hindi ko alam kung may nakapansin sa hawak kong pulang LRP. (Nuon proud akong may hawak ng LRP at PSR).

Pagdating namin sa istasyon ng Rabbit sa Avenida Rizal, malapit sa Odeon Theater, bumaba ako sa bus at naglakad sa sakayan ng JD Transit papunta sa Makati. Wala naman ako napansing kakaibang takbo ng buhay sa Avenida. Napadaan ako sa dati kong ruta, isang short-cut na kalye sa Recto, sa may Ongpin patungo sa simbahan ng Santa Cruz, kung saan naroon ang isang malaking publishing house (Manila Times?). Dito ko napansin ang kakaibang Sabado. Maraming sundalong may hawak na malalaking baril ang nakabantay sa kilalang publishing house. Sumagi sa isip ko kung may gera o raid.

Biglang nanibago ang kutob ko. Biglang dumapo ang takot. Ano ba ito? Nanumbalik sa akin diwa ang paalala ng mga kasama, at kakaibang naramdaman ng aking katawan; may kutob at hindi palagay sa kakaibang Sabadong ito. May nagbulong sa akin, isang miron katulad kong naglalakad at nag-uusyoso, “Martial Law na, iho. Umuwi ka na. At itago mo ang hawak mong libro. Delikado ka.”

Martial Law? Hindi ko na liningon kung sino ang nagsambit. Mahirap ng masabit. Binilisan ko ang aking paglakad, itinago ang libro sa aking mga damit sa bag, kaagad na sumakay sa jeep patungong Makati. Pagdating ko sa aming bahay ko na lamang napagtugma-tugma ang mga bagay-bagay; Martial Law na nga. Sabado ang unang araw ng martial law.

Mag-iwan ng Puna »

Walang puna.

RSS feed for comments on this post. TrackBack URI

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Lumikha ng libreng website o blog sa WordPress.com.

%d bloggers like this: