Bakas-Bukas Blog

Oktubre 12, 2009

Flash Mob Ngayon, Lightning Rally nuong Martial Law (Part 1)

Filed under: Bagong Kasaysayan,STR(TalamBuhay),Talambuhay — bakasbukas @ 8:38 hapon

Bago pa nauso ang Flash Mob sa youtube at Facebook, mayroon ng ginagawang tipong flash mob ang mga tibak nuong mga unang taon ng Martial Law sa Pilipinas. Ang tawag dito ay lightning rally, LR at kilos-protesta.

Ayon sa Wikepedia ang Flash Mob (or flashmob) ay isang “large group of people who assemble suddenly in a public place, perform an unusual action for a brief time, then quickly disperse. The term flash mob is generally applied only to gatherings organized via telecommunications, social media, or viral emails.”

Kung kayo ay napapap-wow sa panonood ng flashmob sa youtube o Facebook, laluna na siguro kung personal ninyong ma-witness o harap-harapan makikita ang ‘mob’; mamamangha ka at sasabihin mong “Papaano kaya nila nagawa iyon?”

Marahil sa mga taong naka-witness ng mga mapangahas na kilos-protesta sa ilalim ng umiiral na mapanupil at mahigpit na batas militar ay namamangha rin pero ang nasasaisip ay “Ang lakas ng loob ng mga batang iyan, bakit kaya ito ginagawa?”

Pareho ang description ng flash mob sa tinatawag na pagkilos o mob ng mga tibak nuong panahon ng martial law. Ang malaking pagkakaiba ng dalawa ay sa layunin o objective. Sa mga tibak ito ay bahagi ng AOM o Arouse-Organize-Mobilize na taktika na ang tunguhin ay ang istratehiyang “pabagsakin ang reaksyonaryong estado” at “dismantle ang martial law regime.”Ito ang long term objective.

Ang short term objective ay ang mapadama sa taumbayan na hindi lahat ng tao ay naging sunud-sunuran, nawalan ng tapang, at sumasang-ayon na sa bagong kaayusan. Nais ipakita ng ‘mob’ na buhay pa rin ang oposisyon ni Marcos at ng kanyang rehimen, at patuloy pa rin ang pakikibaka at pakikilaban para sa bayan. Kasama na rito ang pagbabalik sa ‘democratic space.’

Nuong una ang tawag ng mga tibak ay ‘mob’ rin, ang shortcut ng ‘mobilization.’ Later, magmula nuong mid 70s, binansagan na itong kilos-protesta at “lightning rally” o LR sa Manila Rizal o National Capital Region (NCR). Nakapaloob ang ganitong pagkilos sa tinatawag ng liderato ng MR na istratehiyang “urban insurrection” o “bugso”, na malaking kaibahan sa tinatawag na strategy ng “protracted people’s war” o yung “surround the city from the countryside” ng CPP/NDF/NPA.

Narito ang ilang na-witness at nilahukang kong mob nuong Martial Law. Alam ko marami pang iba, at sana, kahit papaano ma-share ito ng mga kaibigan ang kanilang kakaibang mapangahas na karanasan para sa ating collective memory sa panahon ng rehimeng batas militar.

Late 1972 hanggang mid- 1973. Sa mga kantina sa Molave at Yakal, ang pinakamalaking mob ay naganap sa student cafeteria sa Vinzon’s Hall. Ilang beses din itong ginawa, between 12 to 1 pm, kapag punung-puno ang mga estudyanteng kumakain at nakapila sa pagkain.

Ang instrumento ay kutsara, tinidor at aluminum tray. Sisimulan ng ilang kumakain ang pagkalembang sa mga tray, sa rhythm ng MHDT (Marcos-Hitler-Diktador-Tuta), sa simula ay mahina ang hampas, susunod ang katabing mesa hanggang sa sumabay na rin ang halos lahat ng kumakain at nakapila sa linya ng pagkain sa cafeteria. Ilang beses uulitin at palakas ng palakas, hanggang sa ang malakas na ingay at chanting ay maririnig na rin sa labas ng kantina at maging sa katabing building ng Vinzon’s Hall. Maraming mag-uusyoso at pupunta sa pinanggagalingan ng ‘ingay’, kasama na ang mga pulis. Nang nakaabot na ang mga pulis at security sa kantina. Bulaga, wala silang mahuhuli dahil ang lahat ay walang imik na kumakain lamang, as if nothing happened. Ito ay isang matagumpay na pagkilos.

Magmula ng ibinaba ang martial law hanggang 1976, ang mga buildings sa UP Diliman ay nilagyan ng rehas na bakal, sinara ang mga dating entrance, ang ginamit na lamang ay iilan lang sa gilid at may naka assigned na tanod at security pa. Sa bawat pumapasok na estudyante ay hinahanapan ng ID at tinignan ang laman ng bag. Hindi sila gumagamit ng metal detector tulad sa airport dahil ang hinahanap ay mga ‘subversive materials.” Ang pila sa entrance ay maaring tumagal ang 10 hanggang 30 minuto, laluna sa mga first hours ng pasukan.

Operasyong Masdi (mass distribution) ang tawag. Ang lokasyon ay ang AS building (Palma Hall), ang takdang oras ay between 11 to 2 pm, laganap ito nuong late 972-1973. Ang daring o mapangahas na pagkilos ay ginagawa ng mga tibak sa pamamagitan ng pagpapasok ng mga bawal na polyeto sa building. Madalas sinusuksok at itinatago sa katawan ang mga polyeto, maaring sa loob ng brief, panty, bra o tack-in sa pantalon o damit. Kapag nakapasok na ang tibak iipunin ito sa Fourth Floor, sa itinakdang oras, kapag naglalabasan na sa klase ang maraming estudyante ibubuhos ang mga polyeto pababa sa may stairs ng AS building, at kaagad-kaagad namang dadamputin ng mga estudyante. Pagdating ng security guards at ilang ponjing (ang tawag sa mga ahente) walang bakas o anino kung sino ang may kakagawan. Muli matagumpay na naman ang pagkilos. Ang pinaka mensahe ng mga polyeto, “Tutulan ang martial law, sumali sa kilusang lihim. Makibaka huwag matakot!”

Naulit muli itong masdi nuong 1977. Ang isang special edition ng “revolutionary collegian,sa halip na polyeto, ang ginamit sa masdi. Ang pinaka-mensahe ng propaganda ay “ilantad ang militarisayon sa kampus, patalsikin ang pagpasok ni Imee Marcos sa UP” (Note: sa Facebook ko lang nabatid na ang sumulat ng manifesto ay si Tolits Anonuevo). Ang istilo ng pagmamasdi ay kaiba sa dating ginagawa mula sa AS Fourth Floor at binubuhos pababa.

Sa panahong ito, pinapatupad pa rin ang pagdi-deploy ng mga ahente sa bawat klase. Nakaupo rin sa klase ang mga mole o ahente at sila ang nagsusuplong o kaya nagtuturo kung sinu-sino ang mga kumikilos pang aktibista, habang ilang ponjing ay rumoronda sa mga corridors, lobby at sa mga annexes. Gayun pa man, masinop ang SI (social investigation) ng kilusang lihim, parang panahon ng Hapon, bilang ang mga nagklase sa sa takdang oras, tulad ng alas onse, alam kung saan may nagroronda, at kung ilang ahente ang maaring nasa loob ng klase. Pinaghahati ang masdi teams sa bawat floor, may mga look-out o bantay sa stairs, may nakahabang sa bawat kwarto, at may distributing team na nagdadala ng mga revolutionary collegian sa bawat floor. Bilang ang bawat kilos, ang mga minuto at segundo, pag-ring ng bell, naglalabasan na ang mga estudyante, mabilis at masinop ang pagmamasdi. Sabay palabas ng masdi team sa bulto ng estudyante, kalat na lahat ang propa, walang nahuli ang ahenteng rondo. Months later nabalita na hindi na rin itinuloy ang pag-aaral ni Imee sa U.P. Isang matagumpay na pagkilos ng tibak.

Sundin ang mga susunod na kabanata ng lightning rally at kilos-protesta sa ilalim ng martial law.

Mag-iwan ng Puna »

Walang puna.

RSS feed for comments on this post. TrackBack URI

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Sumulat ng Blog sa WordPress.com.

%d bloggers like this: