Bakas-Bukas Blog

Oktubre 12, 2009

Flash Mob Ngayon, Lightning Rally nuong Martial Law (Part 2)

Filed under: Bagong Kasaysayan,STR(TalamBuhay),Talambuhay — bakasbukas @ 8:40 hapon

Ang komon sa mga flashmob sa ngayon ay ang pagiging well documented nito, sa katunayan pa nga maraming video at digital camera ang ginagamit nang sa ganoon ang nagawang flashmob ay maipapalabas sa youtube, Facebook at sa marami pang behikulo sa internet at multi-media. Napapaabot ito sa worldwide audience sa cyberspace. Galing.

Ito ang malaking kaibahan sa mga kilos-protesta at lightning rally nuong panahon ng martial law. Ito ay dahil sa inyu ng sekuridad, hindi lamang ng mga kalahok kundi maging ang buong kilusang lihim. Hangga’t maari wala makukuhang katibayan o dokumentasyon na nagpapatunay sa paglahok sa mga kilos-protesta. Nag-iingat din ang kilusan. Mahirap na, kaya’t lubus na iniiwasan ang “magkasunugan” (ang kabit-kabit na hulihan ng mga tibak).

Of course, ang isang dahilan kung bakit walang dokumentasyon, ito ang kawalan ng press freedom at ‘democratic space.’ Hawak at kontrol ni Marcos ang buong media establishment. Gaano man kalaki o katingkad ang gagawing pagkilos ng oposisyon, hindi ito lalabas ng media, hindi ito mababasa o mapapanood. Kung sakali man makakarating sa ibang tao, ito ay sa pamamagitan ng pagkukwento at balitaan ng mga nakakita sa pagkilos. Pati ito ay sinikap supilin ng martial law regime kaya’t mahigpit na pinagbabawal ang tinatawag nilang ‘rumor-mongering’ o ‘pagtsitsismis’

Papaano na ilulunsad ang pagtuligsa sa rehimen kung ang mga organisasyon o paggrugrupo ng mga tao, laluna ng mga kabataan, ay ban o bawal na? Ito ang mga unang sinupil ng rehimen, ang mga national at regional centers of command ng mga mass organizations, trade unions at political parties. Kung pilay ang mga dating MO, tulad ng KM, SDK, MDP, STAND, NUSP, Lakas-Diwa, MPKP, Chi-Rho at marami pang iba, papaano maisasagawa ang demonstrasyon at rali?

Sa UP Diliman, sa mga unang araw ng pagbaba ng martial law, sinikap nitong maglunsad ng mobilisasyon tulad ng dati. Malaki ang papel ng DZUP, ang radyong hawak ng mga estudyante, sa kanilang ginawang panawagan at walang hintong pagpapatutog ng mga rebolusyonaryo at makabayang awitin. Nagkaroon ng candle light vigil sa loob ng kampus. Tulad ng inaasahan, kabilang din ang DZUP sa niraid ng mga militar kasabay ng mga putukan sa katabing headquarters ng Iglesia ni Cristo.

Sa pag-resume ng klase (remember na nasuspinde ng klase ng halos isang buwan pagkababa ng martial law) ang ilang aktibista ay manaka-nakang nagdaraos ng mga candle light vigil, para maiparating na may natitira pang liwanag sa kabila ng kadiliman dulot ng batas militar. Hindi rin ito nasustain, laluna ng nagsitago o hindi na bumalik sa kampus ang mga dating aktibista, maari ang ilan ay namundok, nag-underground o nahuli ng militar.

Sa first batch ng martial law, school year 1973-74, marami ng pagbabago sa kaayusan sa UP. Matingkad na militarisasyon sa kampus, hindi lamang ang mga lantad na security guards, pulis at mga ponjing na naglalakihang tiyan, mayroon ding mga inilagay na mga ahente na nag-aastang estudyante, maari rin sa hanay mismo ng estudyante ang mga ahente. Namayani ang paranoia o takot sa hanay ng UP Faculty at sa mga estudyante. Katulad marahil nuong panahon ng hapon, mayroong mga MAKAPILI (mga taong nagsusuplong sa militar) na nagmaman sa ginagawang pagtuturo at pagkilos sa klase at sa kampus. Marami ang mga check points at laganap ang mga spot checks.

Ang kalakhan ng mga Peyups na may student number 73-xxxxx ay walang kamalayan at kamuwang-muwang sa pre-martial law progressive at militant tradition sa Diliman. Sa iilan na natitirang FQS activists, ito ang malaking challenge: Papaano maisalin ang kilos-protesta sa mga bagong estudyante sa UP?

Isang paraan ay pagmumulat at magbabahagi ng kamalayang-pangkasaysayan (historical consciousness) sa pamamagitan ng Freshmen Orientation Program. Kasama sa pagbibigay ng guide tour sa loob ng kampus at familiarization sa university system ang pagbanggit kung saan naganap ang mga kilos-protesta at encounters ng estudyante at militar. Naglunsad rin ng ‘acquaintance party’ sa Vinzon’s Hall para sa mga bagong estudyante at dating estudyante.

Ang exposure ng mga estudyante sa mga masdi (mass distribution) at sabay-sabay na pag-iingay (sa beat ng Marcos-Hitler-Diktador-Tuta), ay nagbigay ng paghahanda sa tinatawag na silent march, isang tipo ng flashmod o lightning rally. Ganito ang paglalarawan ng silent marches.

Isang hapon, mga alas tres ng hapon, ang naglalabasang estudyante sa gate ng Palma Hall sa side ng BA building ay bigla na lamang walang imikan, basta na lamang naglalakad, sa isang direksyon patungo sa mainroad (Roxas Avenue ang pangalan ngayon), patuloy ang paglakad nila sa sidewalk o walkway, habang ang mga estudyante naman na nanggaling sa UP Library, Engineering at Law ay sasalubong sa kabilang kalsada at patuloy na maglalakad na walang imikan sa parehong direksyon patungo sa Vinzon’s Hall. Sa kahabaan ng kalsada mula AS hanggang Vinzon’s at dulo ng Sunken Garden, daan-daan ding ang estudyante kalahok sa silent march. Kapansin-pansin ang malakihang pagmamartsang walang imik, kahit ang mga nakasakay na bus, ikot o kotse at ang maraming tao sa paligid ng Sunken Garden ay mamangha. Tumagal ang pagkilos ng mga 5 to 10 minutes, tapos lahat ay nag-disperse at nagkanya-kanyang lakad at grupo at sa iba’t ibang direksyon. Isang kilos-protesta o lightning rally na naman ang nailunsad ng mga estudyante.

Naulit pa ganitong pagkilos ng ilang beses. Ang isa ay mula rin sa Palma Hall patungo sa UP Admin. Pero katulad ng candle vigil, hindi rin ito nasustain. Ibang tipong pagkilos ang kailangan.

Kung nakasali kayo sa mga ginawang silent march nuong 1973-74, magaling kung ma-share rin ang account ninyo.

Abangan ang susunod na kabanata…

Mag-iwan ng Puna »

Walang puna.

RSS feed for comments on this post. TrackBack URI

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Sumulat ng Blog sa WordPress.com.

%d bloggers like this: