Bakas-Bukas Blog

Oktubre 12, 2009

Ilang Linggo Pagkababa ng Martial Law

Filed under: Bagong Kasaysayan,STR(TalamBuhay),Talambuhay — bakasbukas @ 8:36 hapon

Pagkauwi ko sa aming bahay sa Makati at napag-alaman ko na totoong under martial law na ang buong bansa, at isa-isang inaanunsiyo ang mga dinakip at ikinulong na mga oposisyonista ni Marcos, habang patuloy ang pagbabasa ni Kit Tatad ng mga letters of instruction at proclamations ng mga bagong batas para sa bagong kaayusan, kabilang na rito ang indefinite suspension ng mga klase sa lahat ng antas sa buong bansa.

Ipinasya ng aking magulang at kapatid na huwag muna akong bumalik sa San Fernando dahil may pangamba sila na maaring pinaghahanap na rin ako ng militar. Ang isang kaibigan ko, si Pericles, kasamahan ko rin sa SDK ang nagpasya ring ‘magpalamig’ sa Maynila. Magkasama kami sa Maynila habang sinusubaybayan naming ang nagaganap sa martial law.

Nabanggit ni Pericles na ilang araw pagkababa ng martial law may ilang aktibistang SDK ang tumuloy sa aming baryo at pinaghahanap ako. Pinaghahanap ako hindi dahil gusto nila akong isuplong sa militar, ang talaga nilang pakay ay nais nilang mamundok at sumama sa NPA pero hindi nila alam kung papaano.

Inaakala nila dahil nawala ako kaagad, sa unang araw ng martial law sa San Fernando, sumama na akong mamundok. “Nasaan si MC?” ang balisang tanong ni Winston, “Gusto naming sumamang mamundok, bakit iniwan kami?” Naalala nila kasi sa mga pulong namin sa HQ, ang madalas na sinasabi ng mga full-timer SDK “digmaang bayan ang sagot sa martial law.”

Sa pagbaba ng martial, may ilan kaming kasamahan na gustung-gusto at buo ang loob na humawak ng armas at lumaban, pero sa kamalasang palad, walang paghahanda ang SDK, at least ang aming chapter, sa ganitong scenario. Marahil hindi rin handa ang NPA ang tumanggap ng maraming recruit sa hanay ng mga tibak. Kaya’t ilang linggo, pabalik-balik ang ilang tibak sa aming baryo at hinahanap kami ni Pericles at nagtatanong kung saan at papaano sila mauugnayan.

Ilan sa mga kasamahan, matatalik na kaibigan at kababata ang nawala at hindi namin nabalitaan magpahangga ngayon. Tulad nina, Joe, Bong, Boy at Arnel, walang nakapagsabi kung tuluyan silang namundok o namatay sa encounter, o dili kaya nahuli ng militar at pinaslang at walang nakakaalam kung saan ang kanilang bangkay. Sila ang mga unang desaparecido sa ilalim ng martial law.

Nakaabot din sa kaalaman namin ni Pericles, na ilang araw pagkatapos ng martial law, ni-raid ang HQ ng SDK sa harap ng aming eskwelahan. Ang balita rin wala silang nakuhang dokumento at nahuling aktibista.

Halos isang buwan din ang suspensiyon ng klase sa eskwela, kaya’t nang inanunsiyo ng DEC ang pagbubukas muli ng klase sa mga selected schools ay nagbigay ng malaking balisa sa administration ng aming hayskul, ang Jose Abad Santos High School (Pampanga High School ang tawag ngayon).

Malaki rin kasi ang dagok ng ipinahahayag sa radyo ni Kit Tadtad at ng Department of Education ang Letter Instruction Number 5: Ipasasara ang alin man eskwelang nagpapasok at nagtataguyod ng mga aktibistang estudyante. Mahaba na nga ang suspension ng klase, peligro pang masara kung hindi “malinis” ang eskwelahan, ibig sabihin may kumikilos pang aktibistang estudyante.

Kapansin-pansin ang pagbabago sa aming haykul, laluna ang relasyon at pakikitungo ng mga titser sa estudyante, maging sa titser sa kapwa titser. Para bagang ang lahat ay naninimbang. Nawala ang tiwala sa bawat isa. Iniiwasan ang makipag-usap o pag-usapan ang mga nagaganap sa kapaligiran, lalung-lalo na ang nagaganap na hulihan sa Maynila. Hindi maitago ang takot at pag-aaalinlangan sa mukha ng mga tao.

Rumor mongering is punishable by law. Ipinagbabawal ang pagtsitsismis. Ipinagbabawal ang pag-grugrupo kahit na magkakabarkada. Maging ang grupong madyong o larong bingo ay binabantayan. Pero ang malaking sakit ng ulo sa lahat ng aming principal at ilang titser ay ang panawagan –“linisin ang mga eskwela ng mga aktibista.” Kung hindi magagawa, ipasasara ang buong eskwela.

Dati ng alam ng aming prinsipal at titser na malakas ang SDK sa aming eskwela. Kilala din nila ang mga lider, nangunguna na ako dahil sa aking involvement sa student council, school paper at sa pagtatambay namin sa regional HQ ng SDK. Gayun pa man, wala silang napapanghawakan ebidensiya laban sa amin.

Isusuplong ba naman kaya ako, sampu ng mga kasamahan kong aktibista, sa kabila ng pagkakilala nila sa akin bilang consistent honor student at uliran na mag-aaral sa aming eskwela? Para maging safe, idinaan ng prinsipal sa mabuting usapan. Para bagang nag-ala- Pontiyo Pilato sila, naglilinis ng kamay: “Hindi namin kayo patatalsikin sa eskwela, pero kumuha muna kayo ng clearance sa militar, bago namin kayo tanggapin sa klase,” ang instruksyon nila.

Isang Sabado ng umaga muli, sa halip na umuwi ako sa Maynila, inasikaso naming magkakabarkada ang mga clearance sa militar. Lima kaming magkakaibigan tumuloy sa Pampanga Command ng Philippine Army, malapit ito sa Kapitolyo at di kalayuan sa aming eskwelahan

Panatag ang aming loob tumuloy at kumuha ng clearance sa loob ng kampo dahil alam
naming walang dokumentong nakuha sa raid ng HQ. Malinis ang aming record. Nabigla na lamang kami nang tinignan ng clerk ang aming mga pangalan sa hawak niyang listahan; dali-daling dumating ang iba pang sundalo at kaming dalawa ni Pericles ay hinuli right there and there.

Nagtataka kami kung bakit: lima kaming magkakabarkada, ang tatlo ay wala sa listahan? Sino ang source ng listahan? Sino ang nag-submit ng aming mga pangalan?

Sabado ng hapon naiwan kami ni Pericles sa army barrack, ginawang kulungan magmula ng madeklara ang Martial Law. Punung-puno ng mga “nahuli” ang kulungan ng Pampanga Command. Pinagsama-sama kami sa may masikip na barrack, halos kalahati lang laki sa isang kuwarto sa aming eskwela. Wala itong banyo, gripo o toilet. Walang tulugan o katre. Sa malamig na simento kung mahiga; nakipagsisiksikan sa kani-kaniyang puwesto. Sinikap namin ni Pericles, kahit anuman ang mangyari, hindi kami maghihiwalay.

Samut-saring tao ang “inaresto” at nakasama namin sa masikip na barrack ng Pampanga Command: May hinuli dahil sa mahaba ang buhok, nagnakaw ng riles ng tren, nag-awol na sundalo, ang apelyido ay Olalia, ka-apelyido ng pinaghahanap na Olalia sa Cabalantian, umuwing lasing bahay, nakipagsuntukan sa kapit-bahay at iba pang kwento. Hindi lahat ay mga aktibista. Lahat kami ay lalaki, iba’t ibang idad.

Dalawa lamang aming kakilala sa loob ng kulungan. Si Alex at Alan, parehong miyembro ng SDK ng San Fernando, kabarkada din namin. Nauna sila ng isang araw sa amin sa barrack. Hindi naming alam kung papaano sila nahuli. Pero kahit na magkakakilala kami, sinikap namin huwag mag-usap ng hindi mahalatang magkakasama kami dati.

Hindi ako makatulog sa sahig at walang laman ang tiyan. Inaalala ko kung napag-alam na ng aming kamag-anak kung saan kami naroroon. Sabado, walang opisina sa kampo, kayat mahirap ma-trace kung saan kami dinala.

Very uncertain ang aming situation. Hindi namin alam kung ano ang susunod na gagawin. Hindi ako makatulog. Gising pero nagtutulugtulugan. Gusto mong makipag-usap pero wala ka namang maka-usap, marahil ganoon din ang ginagawa ng aming kasamahan sa piitan; tulog o nagtutugtugan. Iniisip kung ano ang mangyayari sa kanilang buhay sa ilalim ng martial law.

Ilang linggo pagkababa ng martial law, naranasan ko ang tunay na dagok ng martial law.

Mag-iwan ng Puna »

Walang puna.

RSS feed for comments on this post. TrackBack URI

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Sumulat ng Blog sa WordPress.com.

%d bloggers like this: