Bakas-Bukas Blog

Enero 4, 2010

Ang Love ni Bulletx (Isang dekada na ang nakaraan)

Enero 4 ang kapanganakan ng ating matalik at mahal na kaibigan na si Violeta Atienza Marasigan na higit na kilala sa pangalang Bulletx, Tita Bullet, at Ate Bullet. Kung hindi siya sumakabilang buhay nuong April 18, 2000, seventy-one sana siya ngayon. Kung ganoon nga ang nangyari, most likely isa siya sa mga organizers ng reunion ng mga tibak ( Ganito Tayo Noon) at gaganapin ito sa kanyang namanang beach resort sa Puerto Galera Mindoro.

Magkalapit kaming magkalapit ni Bulletx nuon hindi lamang dahil magkasambahay kami sa bahay nila sa Templeton, Daly City mula 1996-1999, kundi halos araw-araw kami ay magkasama; siya ang driver, ako ang navigator, siya ang nag-bi-verbalize, ako ang taga-sulat, edit at lay-out (maging ang kanyang taunang newsletter cum holiday card), siya taga-patawa, ako ang taga-tawa ng kanyang maraming jokes, kasamahan sa pagpunta sa mga bulukan (garage sales at thrift stores), magkasama rin kami sa non-profit agencies sa San Francisco at Daly City at sa maraming community works and causes,ika nga sa hirap at ginhawa magkakasama kami nina Luisa Antonio at Atty. Lou Tancinco at marami pang barkada sa SoMa at sa San Francisco.

Naalala ko ang pangarap niya, at halos taun-taon sa araw ng kanyang kapanganakan binibilang ang pagdating ng araw ng kanyang retirement. Ang pangarap at malaking binabalak ni Bulletx ay maidevelop ang kanyang namanang beach resort sa Puerto Galera Mindoro bilang isang seminar center. Heto raw ang magiging retreat house ng mga tibak at ngo workers para mag-enjoy at magkasama-sama, ma-rejuvenate ang “activism” at mapasigla ang katawan at kalusugan (health), paninindigan (commitment), at ang loob (pakikipagkapwa at relasyon). Kasama ako sa malaking balakin ni Bulletx; ako ang kanyang inaasahang mag-develop ng curriculum at popular education strategies para sa life-long learning sa kanyang resort-seminar house. Sarap sana kung natuloy ang balak ni Bulletx.

Isa rin sa hindi ko makakalimutan sa huling Pasko ni Bulletx (1999). Dahil umuwi sila ni Pete sa Pilipinas to celebrate Christmas, New Year and her birthday, hinabilin ni Bulletx ang regalo niyang blue long sleeves para sa akin sa kanyang anak na si Bingo. Nakaligtaang iabot sa akin ni Bingo ang nasabing regalo nuong Pasko, at nuong bumalik siya mula Pilipinas, tinanong niya sa anak kung naibigay ito. Hindi maalala ni Bingo kung saan niya ito nailagay. Hindi na rin tinanong sa akin ni Bulletx kung natanggap ko ang regalo, okey lang at may dala naman siyang pasalubong sa akin mula sa Pilipinas.

Fast forward…Pagkatapos ng libing at memorial service sa City Hall ng San Francisco, nagmadali at nagkakaugaga ang pamilyang Marasigan sa pag-aayos ng kanilang damit at travel documents para sa paglipad nila sa Pilipinas. Magulo, maraming tensions at very chaotic ang sitwasyon sa bahay; naghahanapan ng mga passports at mga mahahalagang bagay na dadalhin sa gagawing memorial service sa Pilipinas. Hanggang sa biglang natahimik ang lahat. Namangha si Mang Pete, sampu ng kanyang anak nang matuklasan niya kung saan nakatago ang box ng mga passports. Pagkabukas ng kahon, ang nasa ibabaw ay ang blue-long sleeves na regalo ni Bulletx na dapat iniabot sa akin ni Bingo. Dalidaling bumaba si Mang Pete at iniabot sa akin ang nakitang regalo. Niyakap niya ako at ibinulong na “mahal na mahal ka talaga ni Bulletx.” Nag-iyakan ang ilang tao sa bahay, marahil naramdaman din nila ang “presence” ni Bulletx ng gabing iyon. Ang hindi kapani-kapaniwala, ang kanina lamang na chaotic, magulo at very tense na paghahanda sa paglipad sa Pilipinas ay bigla naging calm, peaceful and orderly.

Ang Love ni Bulletx ay naisulat ko nuong Abril 21,2000. Sana sa kanyang 10th death anniversary sa Abril 2010 makakalabas tayo ng isang koleksyon ng mga artikulo, essays at poems bilang parangal sa buhay at ambag ni Bulletx bilang isang dakilang Pilipina at kaibigan ng marami. Happy Birthday Bulletx!

Agosto 30, 2009

“Marxistang Soulmates”

Nuong nabubuhay pa si Bulletx, may pagkakaunawaan kaming dalawa na kami nga ay magka-soulmates, marxistang soulmates. May palagay kami kasi na nuon sa aming past life o nakaraang buhay na kaming dalawa ay nagkatagpo na hindi bilang magkasintahan kundi bilang magkasama sa isang rebolusyong internasyonal, believe it or not.

Papaano kami ni Bulletx nagkaroon ng palagay na kami nga ay marxistang soulmates?

Magkasambahay kami nuon ni Bulletx. Nangungupahan ako ng isang kwarto sa bahay nila sa Templeton, Daly City. Halos araw-araw ay sabay kaming pumapasok sa trabaho sa South of Market. Dahil pareho kaming nagtratrabaho sa non-profit halos magkakasama kami ng mga lakaran at magkakakilala ang mga kaibigan at kasamahan sa gawain sa komunidad. Ganoon din sa mga kaibigan at kasama sa kilusan sa Pilipinas. At kung may panauhin kami mula sa Pilipinas, kaming dalawa ang madalas magkasamang nag-i-entertain sa kanila. Sa pamamasyal ng magagandang tanawin sa San Francisco, siya ang driver at ang madaldal magkwento, ako naman ang navigator, tagapagbigay ng rutang dadaanan at nagsasabi ng liko sa kanan o kaliwa o diretso lang. Magkasama kaming nag-i-i-scrabble magdamagan. Minsan, bisita namin si Sr. Mary John, nag-iscrabble kami mula alas-sais ng gabi hanggang 2 ng madaling- araw, lumabas pa kami sa Lingnam para mag-almusal, tapos bumalik sa bahay at nagpatuloy ng isang round na scrabble bago siya inihatid sa kanyang tinutuluyang kamag-anak.

Sa madaling salita marami kaming pinagsamahan ni Bulletx. Pero hindi dahil dito kami nagkaroon ng palagay na kami ay magka-soulmates. Nagganap ito nuong 1997, mga buwan ng Agosto. Ito ang gabi ng pagbisita ng pamilya ni Piwi sa bahay nila Bulletx. Nakisuyo ang asawa ni Piwi, isang matalik na kaibigan ni Bulletx sa Pilipinas, na magpalipas muna sila ng gabi sa Daly City dahil mas malapit ito sa San Francisco Airport. Ito ang huling yugto ng bakasyong-pasyalan ng mag-anak ni Piwi sa Amerika. Pauwi na sila sa Pilipinas at ang pinakamalapit na kamag-anakan ay nasa Sacramento pa nakatira. Malaking kombinyente ang Daly City sa pagpunta nila sa airport.

Nasa kwarto ako noon nang marinig ko ang ingay ng mga bisita ni Bulletx. Hindi ako makatulog dahil kakausap ko lang sa misis ko sa Pilipinas. Inaalala ko ang pagbubuntis niya. Ayon sa kanyang doctor, hindi pangkaraniwan ang pagbubuntis, delikado dulot ng kanyang sakit na multiple sclerosis. Baka daw hindi makayanan ng kanyang katawan. Madalas ang overseas call naming mag-asawa ay nagsisimula sa kumustahan at nauuwi sa iyakan. Inihahanda ng doctor ang aking asawa sa extreme scenario: “Sa iyong panganganak maaring isa lamang ang mailigtas at mabuhay, ikaw o ang bata. Kailangan kang pumili at ihanda ang sarili.”

Habang palapit ng palapit ang araw ng panganganak lalong lumalakas ang aming pangamba sa maaring mangyari. Masakit gawin ang pagpili. Bagamat pinalalakas ko ang loob ng aking asawa, na makakayanan niya ito, ako rin ay nanghihina. Pinaaalalahanan ko na lamang siya; “Huwag na huwag kang magdadalawang isip. Piliin mo ang iyong sarili. Ikaw ang mahal ko. Tayong dalawa ang magsasama ng maluwat.”

Biglang natahimik ang bahay nina Bulletx. Lumabas ako sa kwarto at nakita ko si Piwi, pangalawang pagtatagpo namin ito, nagkasama na kami minsan sa isang lakaran sa Bulacan. Sinamahan naman ni Bulletx ang asawa ni Piwi at dalawang anak sa isang laundry express. Ang plano ng mga bisita ay walang tulugan dahil marami pa silang aayusing balikbayan boxes at luggage.

“Alam mo bang ispiritista ako,” ang panimulang bati ni Piwi sa akin, “nakakausap ko ang mga ispiritu. Kung gusto mo, magdamagan rin lang naman kami rito, kausapin natin ang mga ispiritu mo?”

Nabigla ako nasambit na tanong ni Piwi. At napansin niya ito kaya’t hinabol niya kaagad ng paliwanag: “Ang mga ispiritu mong kakausapin ko ay ang mga ispiritu ng iyong mga mahal sa buhay na yumao, maari ang ispiritu ng iyong ama, lolo, tiyahin. Nariyan sila sa ating tabi-tabi. Ako bilang medium kaya ko silang paabutan ng mga mensahe.”

Taimtim akong nakikinig sa paliwanag ni Piwi. Sa isip-isip ko wala namang mawawala sa akin kung makikipag-usap siya sa aking mga ispiritu. “May mga bagay na alam ng mga ispiritu tungkol sa iyong buhay na hindi mo alam,” dagdag na paliwanag ni Piwi, “Mayroon din naman mga bagay-bagay na alam mo sa iyong buhay na maaring hindi alam ng mga ispiritu.”

Hindi ko maitago ang aking excitement sa aking naririnig. Lumapit pa ako sa inuupuhan ni Piwi para lubusan kong maunawaan ang kanyang sinasabi. Nagpatuloy si Piwi: “Ang sasabihin ko sa iyo ay hindi nanggaling sa akin, ito ay mga parating o mensahe ng iyong mga ispiritu. Maaring tama sila. Maari ring mali sila. Ikaw lamang makakapagsabi sa katuturan ng sinasabii dahil ito ay patungkol sa buhay mo.”

Ilang saglit lang kumbinsido na ako. “Isipin mong mabuti ang pinakamalubhang pinoproblema mo sa kasalukuyan. Sabihin mo sa akin. Pagkatapos isulat mo sa papel ang pangalan at birthday ninyong mag-asawa,” ang instruksyon ni Piwi sa akin.

Ginawa ko ang pinagagawa ni Piwi. Ang tanong ko ay iisa lang: “Makakayanan ba ng aking asawa ang kanyang panganganak?” Pagkasambit ko sa tanong. Tumahimik si Piwi. Hawak-hawak niya ang sinulatan kong papel at paminsan-minsan siya ay tumutingala sa kisame ng bahay. Mga sampung minuto rin tinagal ng kanyang pagmuni-muni o taimtim na pag-iisip, hindi ko siyang nakitang nagdarasal o nagsasalita ng Latin.

Pagkatapos biglang sigla ang dating ng kanyang ngiti at pagmumukha. Buo ang kanyang tinig sa pagbalita. “Makakayanan ng iyong mag-ina ang panganganak! Mabubuhay sila pareho. Nagsama-sama ang dalawang panig ng iyong mga ispiritu. Sinisikap nila na magiging matagumpay ang panganganak ng isyong asawa. Ibalita mo ito sa kanya.”

Parang naalisan ako ng malaking tinik akin narinig. Ito na marahil ang pinakamagandang balita aking natanggap sa araw na iyon. Tinanong ni Piwi kung mayroon pa akong mga tanong nais isangguni sa mga ispiritu. “Wala na. Sa pagtugon mo sa unang tanong ko, solve na lahat ang ibang bagay,” ang sagot ko sa kanya.

Panatag na ang loob ko at tatayo na sana ako at titignan kung ano na ang nangyari kina Bulletx at sa kaibigan niyang nagpunta sa sa Clean Express. Gabi na nga naman.

“Baka gusto mong malaman kung bakit kayong dalawa ng misis ang nagkatuluyan?” ang pahabol ni Piwi.

“Bakit? Pati ba ang tanong na iyan ay nasasagot ng mga ispiritu.” Biglang bumalik ako sa aking inuupuhan. Ang tugon ni Beto:“ Bakit hindi?”

Tumahimik na naman ang paligid. Nagko-concentrate muli tulad nuong una si Piwi. Tumagal lamang siya ng limang minuto,humigat-kumulang. Pagtapos, niyaya niya akong lumapit pa sa kanya para lubusan kong marinig ng kanyang sasabihin.

“Alam mo ba, ayon sa mga ispiritu, kayong dalawa ng misis mo ay magka-anim na beses kayong ikinasal. Sa maraming generation, kayo pa rin ang nagtatagpo. Soul mates kayo. Ang last o huli ninyong pagsasama bago sa kasalukuyang buhay ninyo ay nuong 1920 sa Germany.”

Hindi ako makapaniwala sa aking naririnig. Pero hindi maitago ang tibok ng aking dibdib.Excited din naman talaga akong marinig ang paabot pa ng mga ispiritu.

“Sa Germany nga nuong bago mag-1920s,” patuloy ni Piwi, “ikaw ay isang hardcore at devoted na communist, ang asawa mo ay isang pangkaraniwang babae lamang. Dumarating siya sa buhay mo kasi sa pagiging komunista mo, nakakalimutan mo na ang iyong sarili o personal aspects of your life.Napapabayaan mo ang iyong kapakanan dahil buhos na buhos ang atensyon mo sa iyong pinaglalabang rebolusyon at paglilingkod sa mga kapwa mo manggagawa. Siya ang nagbubukas sa iyo ng bagong pinto sa iyong buhay. Binibigyan ka niya ng kakaiba at panibagong pananaw sa buhay. Palagi na lang siyang dumarating at nagkakasama kayo sa inyong past lives.”

Marami pa sana akong gustong isangguni sa mga ispiritu kay Piwi pero hindi namin namalayan dumating na sina Bulletx at asawa ni Piwi sa bahay. Nang mabatid ni Bulletx na nagkaroon kaming “session” sa mga ispiritu ni Piwi, ni-request din gawin nilang dalawa. Ganoon nga ang nangyari, tumuloy sa kusina sina Piwi at Bulletx para magkaroon ng session sa mga ispiritu. Hindi na ako sumama, at bumalik na ako sa aking kwarto para magmuni-muni sa mga natutuhan ko sa session, at makatulog ng sa susunod na araw ay mababalita ko ito sa aking asawa.

Kinaumagahan, lumisan na ang pamilya ni Piwi patungo sa airport. Pagkatapos katulad ng ibang araw, kami namang dalawa ni Bulletx lumisan ng bahay patungo sa aming trabaho sa South of Market. Sa daan, ikinuwento niya ang session nila Piwi. Nabanggit daw ng mga ispiritu kay Piwi na may tatlong past lives siya. Ang isa ay mula sa royal family sa Scotland, ang pangalawa ay mula sa religious leader ng native American o Indian, at ang pangatlo ay ang pagiging komunista niya sa Rusya nuong bago mag-1920s.

As usual, Bulletx na Bulletx ang excitement sa pagkukwento at sa palagay niya na posibleng may katotohanan ang mga sinabi ni Piwi sa kanya. Sa una, “kaya pala,” mangha ni Bulletx, “tuwing napapadaan tayo sa mga Victorian Houses, parang may-pakiramdam ako at sumasagi sa isip ko na dati na akong nakatira sa ganitong bahay. Hindi ko lang nararanasan iyan minsan, kundi madalas.Wow… biro mo galing pa ako sa royal family” Sabay tawa si Bulletx.

Sa pangalawa naman, ang interpretasyon ni Bulletx ay patungkol sa kanyang angking kakayahang sa panggagamot. “Ito kaya ang dahilan kung bakit ako naging healer. May kaluluwa akong native American. Kaya ba tuwing nag-ri-ritwal ako panatag akong loob ko kapag nagsimula ako sa pagdarasal sa pagharap sa apat na sulok ng hangin – kanluran, silangan,hilaga at timog?… Gusto ko pang malaman ang source ng soul ko sa mga Indians…”

Nakikinig lang ako sa mga kwento at sharing ni Bulletx. Hindi pa naririnig ni Bulletx ang aking kwento. At kitang-kita ko sa kanya ang excitement sa pangatlong source ng kanyang kaluluwa. “Alam mo ba?,” bati niya, “ Ako raw, sabi ni Piwi, ay isang Russian communist, nuong bago mag-1920s. Bilib ka roon. Hindi sinabi ni Piwi kung kasama ko sina Lenin o Stalin. Pahapyaw lang niyang nabanggit na aktibo ako sa women’s brigade. Hindi ba panahon ito ni Rosa Luxemburg?”

Nakarating na kami sa South of Market at hindi ako nagkaroon ng pagkakataon maikwento naman ang aking session kay Piwi.

Kinagabihan, sa bahay sa Templeton, excited na binalita sa akin ni Bulletx na tama raw ang kanyang hinala; nandoon siya sa Rusya nuong kapanahunan ni Rosa Luxemburg, tinignan at binasa raw niya ito sa mga libro. “Tang-ina… biro mo… kumunista na pala ako nuon pa… hehehe..” Ang sabat ko naman “Ako rin.” At na-i-share ko ang session namin ni Piwi. Comrades pala kami ni Bulletx sa Europe.

Magmula nuon ang naging turingan namin ni Bulletx ay hindi na lamang magkasama sa kilusan sa Pilipinas at sa Amerika kundi maging sa aming nakaraang buhay (past lives ) sa Europa kami ay mag-comrade din. Sa maniwala kayo o hindi, believe it or not, kaming dalawa ay marxistang soulmates!

May ethnicity ba ang mga multo?

Filed under: kwentong kababalaghan,Sikolohiyang Pilipino,Talambuhay — bakasbukas @ 11:36 hapon

Kilalang-kilala ang yumaong Bulletx Marasigan sa kanyang panggamot at pagtulong sa ating mga kababayan. Sari-sari ang problemang dinudulog sa kanyang mga kliyente. Mayroon siyang kliyenteng hindi niya makakalimutan pero hindi niya itinago ang record. Iba kasi ang kaso ng kliyente.

Bilang case manager ng Asian American Communities Against AIDS, tumutulong si Bulletx sa mga tao, lalu ang mga teen-ager, sa usapin sa sex. Minsan may isang batang pinoy nag-aaral sa Galileo High School ang lumapit at humingi ng tulong sa kanya. Ang tulong na hinihingi ay hindi para sa kanya kundi para sa kanyang Ate.

Ayon sa bata ang kanyang kapatid ay nirere-“rape” sa kanilang bahay. Nakatira ang magkapatid sa Treasure Island, isang gawang-taong isla sa San Francisco na dating ginagamit na naval base.

Hindi sukat mailarawan ni Bulletx ang kwento ng bata kaya’t gumawa ng appointment si Bulletx para makausap niya ang Ate sa opisina nila sa 965 Mission Street. Dumating naman ang Ate Lucy (hindi ito ang tunay niyang pangalan). At ikinuwento ang kanyang karanasan.

Mga isang buwan na raw niyang napapansin, at hindi lubusang nauunawaan, tuwing natutulog siya sa kanilang bahay may kakaiba siyang nararamdaman. Parang may naglilis sa kanyang suot na damit, hinahaplos ang kanyang katawan, at may nararamdaman siyang gumagamit sa kanyang katawan. Nakikipagtalik pero hindi passionate bayolente (violent). Napapasigaw siya kaya’t ginigising siya ng kanyang kasambahay.

Hindi naman bangungot. Ang masama; nauulit ang kanyang karanasan sa kapag natutulog ng maraming beses. Kung minsan, pagkagising niya parang nararamdaman niyang ginahasa siya. Wala naman ibang tao sa kanyang kwarto o taong pumasok sa kanilang bahay.

Hindi niya malabanan ang lagim sa kanyang pagtulog kaya’t sinisikap niyang huwag matulog. Bumaba ang kanyang katawan. Puyat at parang maysakit kaya’t nabahala ang kanyang kapatid at magulang. Dinala siya sa doctor sa base, pero wala ring nangyari. Binigyan lamang siyang gamot pampatulog at vitamins.

Iba ang reading ni Bulletx sa isinalaysay ni Lucy. Kinausap niya si Maria, isa ring case worker ng West Bay Pilipino Multi-service Center, na dalawin (home visit) nila si Lucy sa Treasure Island. Kinausap din ni Bulletx na samahan sila ni Mang Ben, isang bihasang espiritista.

Sa unang schedule nilang pagpunta sa Treasure Island nasira ang sasakyan sa daan. Sa pangalawang lakaran nila, isang linggo ang nakalipas, naligaw sila sa pagpunta. Paikot-ikot sila sa munti isla hindi sila makarating sa bahay nina Lucy. Mahigit sa dalawang oras ang kanilang paghahanap ng walang katuturan.

Sa pangatlo pagtangka nila, sa sasakyan gumawa ng kakaibang dasal ang ispiritista, at isinama pa ni Bulletx si Beth Marcelino (Protacio-de-Castro na ngayon), isang Ph.D. sa Psychology sa U.P. Sa unang pagkakataon, naging matagumpay ang pagbisita sa bahay nina Lucy.

Iba ang dating ng bahay. Madilim at hindi maaliwalas. Dadalawang kulay lamang ang matingkad sa bahay – itim at puti. Mabigat ang dating ng simoy ng hangin. Para bagang may ibang namamahay.

Sa halip, na mag-exorcist o gumawa ng kontra-pangkulam si Mang Ben, nagwika na lang siyang ayusin ang buong bahay. Pinatapon ang mga bagay na kulay itim. Pinabuksan ang mga bintana, para masikatan ng araw at pumasok ang hanggin mula sa dagat. Pinalagyan din ng buhay na halaman ang loob ng bahay. Hindi na kinausap ni Mang Ben si Lucy. Nagpaalam na lamang sila pagkatapos.

Nang nakabalik na sa downtown San Francisco sina Bulletx, Maria, Beth at Mang Ben, duon nagpaliwanag si Mang Ben sa kanyang nasagip at ginawa sa bahay.

“Tutoo ang sinasabi ni Lucy,” aniya, “Ginagahasa siya ng isang ispiritu, hindi tao.”

Sumabat si Bulletx sa pagpapaliwanag ni Mang Ben. “Sabi ko na nga ba. Pero bakit hindi ninyo kinontra ang nasa katawan ni Lucy?”

“Hindi ko kaya, mga anak” ang mabagal na sagot ni Mang Ben, “Hindi natin kasi kalahi ang ispiritu sumasanib sa katawan ni Lucy. Isa siyang native Indian. Iba ang power nila.”

Ang ibig bang sabihin may ethnicity ang mga multo. Kung hindi siya Pinoy, mahirap daw mag-communicate sa knaila kasi iba ang sikolohiya, hindi sikolohiyang Pilipino. Isang malaking kababalaghan ito, pero ito ay batay sa tunay na pangyayari, ng mga kilalang tao, sa kilalang lugar dito sa San Francisco.

Hunyo 20, 2009

Nuno sa punso nagpunta sa Amerika: Totoo o Gawa-gawa lang?

Filed under: kwentong kababalaghan,Sikolohiyang Pilipino,Talambuhay — bakasbukas @ 9:10 hapon

Ito ang aking kontribusyon sa request ni Leny Strobel na “Ghost Story” sa Facebook.

Lumaki ako sa bukid sa San Fernando (Pampanga) tanaw ang bundok Arayat. Ang mga kwento tungkol sa mga nuno sa punso, tiyanak, mariang sinukuan, dwende, kapre, aswang, mangkukulam` at multo ay tinuturing kong pangkaraniwan na lamang.

Naniniwala ako sa mga kwento. Sino ba namang batang matino ang isip ang magdududa sa mga kwento at pangaral ng mga matatanda? Kaya nga kung napapadayo kami sa bukid, naglalakad sa tabi ng ilog at pilapil, hindi kami nagdadalawang-isip sa pagsabi ng “makikiraan po” o “tabi-tabi po.” Mahirap na.

Mahirap nang “mapagkatuwaan” ka ng mga nuno sa punso. Kapag nangyari iyon, “namatanda” ang tawag ng mga tao sa aming baryo. Hindi basta-basta maalis ang bisa sa katawan ng “namatanda.” Tanging mga bihasang ispiritista o erbolaryo, hindi pari o duktor, ang maaring gumamot sa “maysakit” o “mapawalang bisa ang sakit sa katawan.”

Sa dami ng mga kwentong “namatanda” o “menuno” sa aming bayan hindi mo maiiwasang sumunod sa mga kinagisnan tradisyon sa pakikitungo sa tao, kaluluwa at sa kalikasan. Ang mundo ika nga ay binubuo ng mga iba’t ibang nilalang, kasama na ang mga tao. May mga nilalang katumbas ng tao – may puso’t damdamin, isip at kamalayan pero ang kanilang katawan ay di-katulad ng tao.

Ito ang pagkakaalam ko nuong bata pa ako sa Pampanga. Ngayong magsisingkwenta’t mahigit na ang anyos ko at naninirahan pa sa modernong siyudad ng San Francisco, hindi ko mawari makakasagap ako ng kwento tungkol sa ibang nilalang. Ang aking kwento ay dito mismo sa San Francisco nangyari, summer ng 1993, sa bahay ng aking kaibigang si Bulletx (Marasigan) sa Templeton Avenue (sa may boundary ng Daly City at San Francisco).

Isang araw nagkasabay ang dating ng mga bisita sa matandang bahay nina Bulletx. Isang kaibigan ni Bulletx na taga-New York ang sinamahan ko sa bahay dahil first time niya sa San Francisco, at ang nadatnan naming bisita sa bahay ay ang kanyang matalik na kaibigang si Jovita kasama ang isang ispirista na ang pangalan ay Belen.

Katulad ng dating gawi ni Bulletx, buong lugod nitong ipinapasyal sa kanyang pamamahay ang mga first time visitors. Dinala niya ang mga bisita sa gazebo o munting bahay-bahayan sa hardin kung saan naroroon ang abo ng yumaong anak ni Bulletx.

Humingi ng pahintulot si Belen, ang bisitang ispiritista, kung maari siyang magdasal mag-isa sa gazebo. Pumayag naman si Bulletx. Mahigit sa sampung minuto ang lumipas, lumabas si Belen sa Gazebo at binulong niya kay Bulletx, “Nakausap ko ang inyong anak.”

Kinilabutan si Bulletx ng marinig niya kay Belen ang mga habilin ng kanyang yumaong anak. Sa isip-isip niya; Papaano mababanggit ni Belen ang mga pangalan ng taong malalapit sa puso ng kanyang anak at mga habilin nito sa kanila, eh, ngayon lang naka-akyat sa kanyang pamamahay ang ispiritista?

Kinagabihan, nakaalis na ang mga bisita, naikuwento ni Bulletx sa kanyang mga anak at asawa ang kanyang kakaibang karanasan sa pakikipag-usap niya sa ispiritista. Hiniling ng buong mag-anak na imbitahan uli si Belen para makausap ang kanilang ate na nasa kabilang buhay.

Dalawang linggo ang nakalipas dumating si Belen, kasama isa pang ispiritista, si Mang Ben. Pagkatapos nilang magkaroong ng séance o “pakikipag-usap” sa kaluluwang nasa kabilang buhay, hiniling ni Bingo, ang pangalawang bunsong anak ni Bulletx, na kung maaring gamutin ang sumasakit sa kanyang likod.

Tumuloy si Mang Ben at Bingo sa isang kuwarto, habang ang buong mag-anak at si Belen ay nagkukwentuhan sa hapag-kainan.

Ang unang ginawa ni Mang Ben ay salatin o hipuin ng kanyang kamay ang pisngi ni Bingo. Nagtataka si Mang Ben kahit anong lakas ang gawin niya hindi nakakaabot sa pisngi ang kanyang kamay. At tuwing itinatapat niya ang kanyang kamay sa mukha ni Bingo sumisigaw kaagad ito ng malakas na aray.

Nakaabot ang daing sa labas. Tuloy, nabahala ang mga nasa hapag-kainan at nagtakbuhan kaagad patungo sa kuwarto ni Bingo.

“Sino ka? Bakit ka pumasok sa katawan ni Bingo?” ang tanong na pasigaw ni Mang Ben.

“Ako po si Bingo. Tutuong-tutoo po,”ang naririnig na lumalabas sa bunganga ni Bingo. Kinikilabutan ang mga kasambahay sa panonood sa sagutan nina Bingo at ni Mang Ben. Nagtataas na ng boses si Mang Ben, at tipong nawawalan na siyang pasensiya sa kausap.

“Kung hindi ka magpapakilala, bahala ka, may mangyayari sa iyo, at pagsisihan mo?, pasigaw na tanong ni Mang Ben, “Sino ka ba talaga?”

Biglang natahimik ang lahat, habang inaabangan ang tugon ni Bingo.

“Hindi nga po ako, si Bingo.”

“Sino ka?” Ang sabay at malakas na sigaw ng lahat ng tao sa nasabing kwarto.

“Ako po si Monina?”

“Monina!” Nagtaas ang balahibo at buhok ng mga kasambahay nakakakilala sa pangalang Monina.

Sumabat si Bulletx. “Hindi ba ikaw ang kalaro ni Mark (batang anak rin ni Bulletx) sa may Ragang (Bahay nina Bulletx sa Quezon City, Pilipinas). Ikaw yun’nuno sa punso?”

“Hindi po. Ako po ang anak ng kalaro ng inyong anak sa Ragang.”

“Papaano ka naparito sa Amerika?” pahabol na tanong ni Bulletx.

“Pumasok po ako sa katawan ni Bingo,”paliwanag ni Monina sa boses at sa bibig ni Bingo,“sumabay po ako nuong nag-migrate siya sa Amerika.”

Pinaliwanag din ni Monina na kaya sumasakit ang likod ni Bingo dahil kung minsan kinakagat niya. “Nanggigil po kasi ako sa kanya, eh.”

Marami pa ang bagay-bagay na nalaman kay Monina. Sa kabutihang-palad napakiusapan ni Mang Ben na umalis o lumabas na siya sa katawan ni Bingo. At yaon nga nangyari. Itinuro ni Mang Ben kay Monina ang ibang katulad niya dito sa Amerika.

Magmula nuon sa bahay ni Bulletx naglalagay sila ng atang, isang tradisyong Ilokano na naglalaan ng pagkain sa harap ng altar o sa malapit sa pintuan ng bahay. Ang paliwanag nila yaon ay nakalaan para kay Monina tuwing napapasyal siyang muli sa kanilang bahay.

Sa maniwala kayo o hindi; ito ay tutoong nangyari. Nandoon ako. At marami pang kabanata ang naganap pagkatapos sa bahay at sa buhay nina Bulletx. Abangan.

-ni MC Canlas (2009)

The Rubric Theme. Sumulat ng Blog sa WordPress.com.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.