Bakas-Bukas Blog

Hunyo 21, 2009

Para sa Tatay mula kay Junior

Filed under: STR(TalamBuhay),Talambuhay — bakasbukas @ 10:40 hapon

Ang tunay o opisyal kong pangalan ay Mamerto Calalang Canlas, Jr. Tunay ko ring pangalan at palayaw ang MC; ito ang kilalang katawagan sa akin magmula nuong bata ako. Bagamat paminsan-minsan tinatawag ako ng aking mga kapatid na junior.

Malaking karangalan ang mapamanahan ng pangalan ng iyong mahal na ama o tatay. Sa limang lalaki sa walong magkakapatid, ako ang napiling magdala ng junior. Hindi ko nagawang itanong nuong nabubuhay pa aking ama kung bakit ako ang napili gayung pangalawa ako sa bunso. Ano nga kaya ang dahilan kung bakit ako naging junior?

Ayon sa wikipedia, ginagamit daw ang junior para maiba sa ama. “Junior is a nickname used to distinguish a son from his father. It is of recent coinage as a given name, and exists mostly in the United States.” Pero sa katunayan ang kadalasang inaasahan sa isang junior ay maging katulad ng senior o tatay na nagpangalan. “Like father, like son” ika nga.

Sa katunayan din, ang unang “pagrerebelde” ng isang junior, I am speaking from my own experience, ay ang di-paggamit ng pangalan ng tatay. Ayaw ko ngang tawagin ako ng aking mga kaklase, kababata at kaibigan na Mamerto. Pwede ba kay tatay ko iyon, kaya siya si Tatang Mento. Ako si MC, Emcee o Emcy, kahit ano’ng spelling, huwag lang Mamerto. Yayamang may edad na rin ako, at tatay na rin naman, sa San Francisco may ilang malalapit na kaibigan na tumatawag sa akin ng Tito Mertz o Merting.

Mabait at ulirang ama ang aking tatay. Mabuti rin siyang asawa ng aking nanay,at maaasahang kapatid ng kanyang mga kapatid. Mabait siya sa mga tao kaya’t mababait din ang mga tao at kapitbahay sa amin kahit saan man kami lumipat at manirahan. Sa kabaitan niya, kaiba sa ilang tatay ng aking mga kababata na namamalo sa pagdidisiplina, kaming magkakapatid ay lahat ay naging mabubuting anak, walang naging suwail at naging masamang damo.

Marahil nakitaan ako ng aking tatay na sa lahat na magkakapatid ako ang mahilig magbasa at mag-aral kaya’t magmula nuong bata ako dinadalhan niya ako ng mga babasahin tulad ng mga komiks, illustrated classics, magazines tulad ng Free Press at Graphics, at libro tuwing galing siya sa Maynila. Nuong mag-migrate sila ng nanay sa US nuong late 1970s, matindi pa nuon ang martial law, matiyaga niyang kinokolekta ang mga newspaper clippings tungkol sa nagaganap sa Pilipinas. Nuong panahon na iyon kasi higit na mahusay at fair ang coverage ng foreign media sa nagaganap sa bansa kaysa ng mga controlled press ni Marcos. At alam niya dahil nasa IBON Databank ako, mahilig ako sa mga datos. At nuong sumunod na rin kami sa kanila sa US, ang regalo niya sa akin pagdating ay ang kanyang koleksyon ng clippings na mahigit sa pitong album. Masinop ang pagkaka-arrange ng mga balita at petsa sa album.

Nitong nakaraan taon tinatanong ng mga tao kung bakit napaka-passionate ko sa pagpapalaganap ng parol festival at parol making workshops sa San Francisco, maliban sa madalas kong sinasabi na nanggaling ako sa bayan ng San Fernando Pampanga kung saan malakas at masigla ang tradisyon ng ligligang parul, ang sa loob-loob ko, ito ay dahil sa aking tatay. Hindi ko makakalimutan nuong bata pa kaming magkakapatid, ginigising niya kami sa madaling araw para sumakay ng kalesa at nagpupunta sa iba’t ibang baryo para makita namin ang ginagawang malalaking parul na ipaparada sa ligligan sa kabayanan. Gayun din sa gabi, dinadala niya kami sa baryo kapag sinusubukan na ang mga ilaw.

Minsan lamang ako nagkaroon ng hinanakit sa aking tatay, pero hindi ko pinaabot sa kanya. Pagkagradwayt ko ng high school inaasahan ko na makakakuha ako ng mga scholarship tulad ng State, UP Gov at NSDB pero hindi ako na-qualify dahil ang income tax na pinayl (file) ng tatay ko ay sobra-sobra ang taas. Alam ko namang hindi kami mayaman at hindi iyon ang kanyang talagang kinikita. Ayaw kong magtanong, sa isip-isip ko, baka nga ito ang kinikita niya sa taong iyon, at may pinaglalaanan na siya kaya hindi namin ito nakikita sa aming pangkabuhayan sa araw-araw. Later ko lamang nalaman, sa kwento mismo ng Ate Belle ko na nag-abroad; kinailangan niya sa interview sa US Embassy ang mataas na income bracket ng pamilya. Dinaya ng tatay ko ang income tax return para makaalis ang ate ko, at marahil hindi niya alam na gagamitin ko rin naman iyon para sa aking scholarship applications. Pero naiintindihan ko kung bakit niya ginawa iyon.

Nuong 50th wedding anniversary nila ng aking nanay, ako ang naging main speaker sa paglalahad ng love story. Nagpakasal ang dalawa sa gitna ng giyera ng Hapon. Tanong ko sa talumpati ko, “Ano’ng klaseng pagmamahalan at pag-iibigan mayroon sina tatay at nanay, sa kabila ng kasakitan at kawalang-pag-asang giyera ay nagpakasal para magsimula ng bagong pamilya? Hindi ba nakakabilib ang tibay ng kanilang loob at wagas ng kanilang pagmamahalan?”

Sa totoo lang, kabaligtaran ako ng tatay ko pagdating sa pag-ibig at pag-aasawa. Nilagay ko sa aking kukote ang umiwas sa pakikipagrelasyon at lalu na ang pag-aasawa. Wala ito sa aking framework at priority sa buhay. Tinitignan ko ito nuon na malaking sagabal ito sa paglilingkod ko sa sambayanan at sa aking pagkilos. Malaki siguro ang impluwensa sa akin ni Elias sa Noli ni Rizal, sa pag-iwas niya sa pakikipag-ugnayan kay Salome. Ang rationalization ko: nalalapit na ang rebolusyon at ang pagbagsak ni Marcos, higit na palagay ang aking loob kung wala akong wino-worry na karelasyon o pamilya sa panahong darating.

Nagbago ito nuong 1994. Umuwi ako sa Pilipinas para makipagtagpo sa babaing binabalak kong pakasalan. Nagkakilala kami nuong 1990, bumalik ako sa US, at nagkayo kami ng mahigit na tatlong taon. Pagkatapos kaming magkita, nag-set kaming magtagpo sa susunod na linggo para pag-usapan ang binabalak namin, kung kami nga ay para sa isa’isa. Dalawang araw bago ang araw ng pagtatagpo namin, namatay ang kanyang kapatid. So postpone muna. The following week few days before our meeting, nakatanggap naman ako ng overseas call; pinapauwi ako sa Los Angeles kaagad-agad. Ninanais ng aking mga kapatid na ako ang magsasalita sa libing ng aking tatay.

Pagkatapos ng libing napagkasunduan naming magkakapatid na ako ang maiiwanan para may makasama si nanay sa bahay at ipagpaliban ko muna ang pag-uwi sa Pilipinas. Hindi ko binanggit sa kanila ang balak kong magpakasal sa Pilipinas since hindi rin naman kami nagkaroon ng pagkakataon makapag-usap ng girlfriend ko. Sa isip-isip ko na baka signos ang pagyao ni tatay; itinaon ng Tadhana para hindi matuloy ang binabalak kong mag-asawa at maging tatay. At sa kalagayan ni nanay, first time mahiwalay sa tatay, ako na si junior ang magpupuno sa oras na kapiling siya. Ulirang anak at kapatid naman ako kaya’t sinamahan ko ng ilang buwan ang nanay sa bahay.

Ito nga kaya ang papel ng junior kapag nawala na ang senior. Nababasa marahil ng nanay ko, o nakakausap niya ang tatay ko, at minsan binulong niya sa akin “Maari mo na akong iwanan, kaya ko ng mag-isa o kaya titira palipat-lipat sa mga bahay ng mga kapatid mo. Higit na maligaya ang tatay mo kapag nakikita ka niyang maligaya rin sa buhay. Mahal na mahal ka ng tatay mo. Ikaw ang madalas niyang binibilin sa akin. Hanggang sa kanyang huling sandali ikaw ang kinukumusta niya sa akin.” (Buhay pa ang aking nanay, 90 years old siya at nasa kapatid ko sa Los Angeles.)

Tinanggap ko ng bukal sa aking kalooban ang pasya ng aking nanay. Bumalik ako sa Pilipinas at pinakasalan ang babaing minamahal ko. Ilang taon ang nakalipas naging tatay na rin ako, dalawang babae at itong huli ay isang unico hijo. Ang panganay pinangalan naming Emcy Angel, ang aking junior, at ang bunso ay si Sean Emil, ang junior ng aking asawang si Emily.

Happy Father’s Day!

(ni MC Canlas, Hunyo 19,2009)

1 Puna »

  1. Happy fathers day..

    oo nga pressure yan gawin kang Junior.,.

    ibig sabhin ikaw ay inaasahang magdadala ng pangalan,
    magpapasa ng isa pang junior hanggang sa lumago ang angkan nyo..

    Naks… di lang pala para sa tatay mo to

    para din pala sayo..

    HAPPY FATHERS DAY uli..
    masarap ba pakiramdam na batiin ng fathers day??

    Komento ni jason — Hunyo 22, 2009 @ 12:07 umaga | Sagutin


RSS feed for comments on this post. TrackBack URI

Mag-iwan ng puna

Lumikha ng libreng website o blog sa WordPress.com.