Bakas-Bukas Blog

Mayo 26, 2009

Komentaryo ni ZAS sa blog “Katalik na kaibigan, mayroon ba nuon” sa Facebook…

Filed under: Kapilipinuhan,Panayam-Pananaw,Sikolohiyang Pilipino — bakasbukas @ 1:50 umaga

MC, bahagi sana ito ng maaari nating pag-usapan pag masaglit ka uli rito sa Pinas. Ngunit heto na muna ang aking masasabi.

Naipahiwatig ko na sa komentaryo ko sa iyong “LOST” na ang kaisipan dito (laluna iyong kaugnay ng ideya ng pagkakaiba ng bespren at asawa) ay nakapaloob marahil sa hangganan ng kabihasnang Pilipino at ng banyaga at … Read Morematatagpuan siguro sa mga “nakapag-aral” at nakararanas ng proseso ng akulturasyon sa Kanluran (i.e., ang tibak noon sa Pinas at nanatiling ganito sa Amerika vs. ang kabataan sa kasalukuyan sa Pinas na wala o katiting lamang na mayroong ideolohiya). Itong huli (i.e., “nakapag-aral” at akulturado sa Kanluran, laluna sa bahagi nitong Amerikano) ay may iba-iba pa ngang kilos at ugali ngunit pulot pa nga sa Amerika — cf. halimbawa ang konsepto ng “boylet” na maaaring humantong sa kaso at kilos ni Dr. Kho, bagay na tila naroon na noong panahong bata-bata pa si Vilma Santos na naging biktima rin tulad ni Katrina. Sa kabutihang palad, tila hindi maihahalintulad ang penomenong ito sa iyong karanasan, MC. Partikular, dahil sa ipinapasok mo ito sa domeyn ng pagteteorisa at pang-unawa.

Sa palagay ko, hindi naman masasabing di-pangkaraniwan ang iyong karanasan. Mababasa mo ang kahawig nito sa mga nobela at mapapanood sa mga pelikula ng Kanluran. Ang konteksto lamang siguro ng pakikibaka laban sa nakaraang diktadurya ang magbibigay ng kaunting local color sa iyong istorya. Ngunit ganito rin ang konteksto ng isang nasalin kong tula (ni Paul Eluard) mula sa Pranses na tumutukoy sa pakikibaka laban sa mga Nazi:

Curfew

Ano pa nga ba’t may bantay sa pintuan
Ano pa nga ba’t kami’y nakakulong
Ano pa nga ba’t barado ang daan
Ano pa nga ba’t gapi ang lunsod
Ano pa nga ba’t ito’y nagugutom
Ano pa nga ba’t sandata nami’y nasamsam
Ano pa nga ba’t kumagat na ang dilim
Ano pa nga ba’t kami ay nagmahalan.

Hindi pinoproblema rito ang pagtatalik dulot ng kalituan ng isang babae na hahantong sa pag-ibig nito sa lalaki. Wala ring kasunduan. Wala rin ang nakatataas na status ng lalaki ni ang dependensya ng babae sa kanyang asawa (na hinahadlangan ang kabiyak na magpatuloy ng pag-aaral) na ipagpapalit sa dependensya sa nakatalik at patuloy na kinakatalik na lalaki na magbibigay sa babae ng pagkakataon na magtapos ng kanyang kurso. (Biro: kung ako’y peminista… masasabi kong may pagsasamantala rito sa babae na dumaranas ng kalituan o dili kaya ay hindi nalilibugan sa kanyang asawang wala pa sigurong karanasan dahil sa kabataan). May mga kahawig ditong kuwento sa Pinoy Spy erotica. Mabuti na lamang at nasa lebel ng kaisipan kung hindi man pilosopiya ang iyong pagkasalaysay. Gayumpaman, mas naging romantiko at madamdamin (tulad ng makikita sa tula) sana ang istorya kung magkapantay ang dalawang nagkatagpo sa teritoryo ng libog.

Nasa twilight zone ng kabanyagaan at ng kapilipinuhan ang iyong kuwento. Kung baga sa pelikulang Ingles may pagka-“Brief Encounter” ni David Lean (na kinopya naman ng Hollywood sa “Falling In Love” ni Ulu Grosbard) ang nangyari, liban sa pangyayaring sa orihinal na bersyong Ingles hindi itinuloy ang dapat at gustong mangyari ng dalawa samantalang sa bersyong Hollywood natuloy pa rin dahil sa nagkita muli ang dalawa (hindi na nagkita muli ang magsing-irog sa bersyong Ingles dahil nangibang-bansa ang lalaki (tulad mo!!!).
Sa konteksto ng kabihasnang Pilipino, mas “praktikal” ang maaaring solusyon. Maaaring iwanan na lamang ng babae ang kanyang non-performing na bana at sumama na lamang sa lalaki. O kaya pabalik-balik na lamang ang lalaki at ipagpapatuloy ang “relasyon” (Pinoy Spy Erotica). Kung madiskubre, trahedya (sori na lang).

Mas kumplikado ang iba’t ibang solusyon ng Pinoy sa mga problemang duloy ng libog. Pakibasa ang nabanggit kong papel tungkol dito. Ngunit mas romantiko ang konsepto ng “kabiyak” at ang paghahanap ng magkabiyak sa isa’t isa. Ang magkabiyak ang dalawang nilalalang na katulad ng biniyak na niyog na mabubuo lamang kung mahanap at mapag-isa ang dalawang bahagi. May kinalaman din ito sa dalawang nilalang sa loob ng pinagmulan nating lahat na kawayan na tinuka at biniyak ng ibong Timamanukin, simbolo ni Bathala. Heto (na naman!!!???) ang isang tula ko:

Kabiyak

Bihag nga ba tayo ng Panahong walang
Hanggan buhat noong lisanin ang Silid
Na s’yang itinakda ng Ibong lumalang?
Magtatahan na lang ba tayo sa gilid
Bunga ng pagsabog ng ating pag-ibig
Na nagmulang Isa at walang maliw?
Ngunit ang dami ngayong patak ng tubig
Ang hinahanap ay kapwa niya’t saliw
Hiwalay mang kumislap sila sa araw!
Una mang naluto’t at unang babasagin
Ni Bathala akin ang panahong ilaw
Na labi para kita’y muling ibigin
Sa ibayo’t kagitnaan nitong mundo
Na s’atin nagmula’t sa atin din guguho.

Maipapaloob kaya sa dalumat ng Kabiyak ang tatlong anyo ng libog at paggiliw na iyong inilahad? zas

Abril 11, 2009

“Pagka-Pilipino” Seryeng Panayam kay ZAS

Filed under: Bagong Kasaysayan,Panayam-Pananaw — bakasbukas @ 9:16 hapon

 

Akademia Lambat-Kalat: Kumusta po. May tanong lang po: Papaano po nagsimula ang pagtutukoy ng grupong etniko ang kanilang pangalan kaugnay sa kanilang pagkatau o identity tulad ng Taga-Ilog, Tagalog, Kapampangan, Pangasinan? Kaiba sa mga Mangyan, Igorot at Moro, mga dayuhan ang nagbinyag at lumaganap na lamang at inangkin na rin ng grupong etniko ang pangalang pantukoy sa kanila. Nais ko pong lubusang maunawaan itong ating “ethnic identity formation.”

 

Zeus Salazar (ZAS): Ang ethnonym [etnonim] o “pangalan ng (isang) bayan” / grupong etniko / ethnos ay maaaring endonym [endonim], “pangalang panloob / mula sa labas” o autonym [awtonim], “pangalang bigay sa sarili,” o kaya exonym [eksonim], “pangalang bigay ng iba / mula sa labas.” Kadalasan ang pangalang ibinibigay sa sarili ng mga grupong etniko ay “mga tao sa mundo” o “naninirahan sa mundo”, tulad ng Ifugao o “tao/naninirahan sa fugaw” kung saan ang “fugaw” ay cognate ng “pulau” o “pulo” — i.e., isla o para sa mga Ifugaw na naninirahan sa interior ng Luzon, ang daigdig mismo.

 

Patungkol sa nabanggit mong Taga-Ilog, Tagalog, Kapampangan at Pangasinan, mahirap tantiyahin kung mula sa labas o mula sa loob ang mga pangalang ito. Pangasinan ay tumutukoy sa produkto ng isang rehiyon na natawag na Pangasinan, marahil dulot ng pagiging kalakal ng asin; kung kayat maaaring bigay ito kapwa ng tagaloob at tagalabas. Gayundin siguro sa Kapampangan bilang pagtukoy sa mga taong nakatira sa mga pampang ng ilog, bagay na laganap sa buong Pilipinas, bagamat walang kahawig ditong mga pangalan ng grupong etniko. Ang Tausug at Subanun, halimbawa, ay kapwa tumutukoy sa daloy ng ilog. Ang “Taga-Ilog” at “Tagalog” ay may mahabang kasaysayan na siyang paksa ng disertasyon ni Dr. Lars Ubaldo. “Tagalog” ang katawagan sa mga Tagalog nang dumating ang mga Kastila at ito na nga ang nakasulat sa mga kronika ng mga ito. Ngunit maagang nainterpreta ng mga ito na ang pangalan ang nagmula sa pangyayaring nakatira ang mga Tagalog sa mga ilog, partikular sa Pasig, kaya natawag nga silang Taga-Ilog. Ngunit napatunayan ni Dr. Lars Ubaldo na ang etnonim na “Tagalog” ay “Taga-alog” sa simula. Taga (aksent sa uling “a”) at “alog” (aksent sa “a”) kung kayat ang stress ng “Tagalog” ay nasa gitnang “a”, bagay na hindi mangyayari kung “Taga-ilog” ang talagang pinagmulan ng “Tagalog” [kung talagang nagmula ang “Tagalog” sa “Taga-ilog” ang magiging resulta nitong huli ay “Tagaylog” at hindi “Tagalog”. Maraming cognate ang”alor” sa Pilipinas. Pakibasa na lang ang disertasyon ni Dr. Lars Ubaldo.

 

Tungkol sa Mangyan, hindi alam ang etimolohiya nito, ngunit ito na talaga ang etnonim ng mga orihinal na nanirahan sa Mindoro. Magkakaugnay ang kanilang mga wika; ang tanging pagkakaiba ng mga partikular na grupo (anim) ay may kinalaman sa kani-kanilang tinitirahang teritoryo. Dahil may pangalang “Iraya” (sa dakong pinagmumulan ng Ilog) at “Buhid” (bundok) may kinalaman marahil ang mga pangalan ng iba pang grupo sa kanilang pagkakaugnay sa direksyong ilaya-ilawud (direksyon ng ilog mula sa kabundukan tungo sa wawa) ng mga Austronesyano. Hindi ko alam ang eksaktong etimolohiya ng ibang mga etnonim. Hindi ko rin alam kung ang pagpapangalan sa kanila, kasama ang mga Ilaya at Buhid, ay mula sa labas o sa loob; ngunit maaaring mula sila lahat sa loob ng kabuuang konsepto ng “Mangyan” bilang pangalan ng lahat.

 

Tungkol naman sa “Igolot” o “Igorot” (tagabundok) marahil dapat ikontrast ito sa “Iluko” (i.e., “Ilukong” o”taga lukong” (“cuvette” sa Pranses o simpleng “patag”), bagay na maikukumpara sa pagkakaugnay ng “Mandaya” (taga-iraya” o bandang kabundukan) at “Mansaka” (tagapatag) sa Mindanaw. Mahirap malaman sa kaso nitong dalawa kung endonim o exonim sila, o simpleng orihinal na pangalan ng iisang grupong etniko na nakatira sa magkaibang teritoryo o ekolohiya. Magkaugnay ang dalawang wikang Mandaya at Mansaka.

 

Sa mga nabanggit mong etnonim, ang “Moro” lamang ang tiyak na eksonim sa magkakaibang grupong etniko (Maranaw, Magindanaw, Tausug, etc.) ngunit iisa ang relihiyon, kung ikukumpara sa mga Kastila — at sa mga grupong Manuvu / Bagobo. Sa katunayan, ipinapalagay na laht ng mga grupong etniko sa Mindanaw ay Manuvu / Bagobo sa simula, kasama na ang mga Maranaw at Magindanaw, laluna kung ikukumpara sa mga Tausug na ang wika at kalinangan ay mas malapit sa mga grupong Bisaya.

 

Akademia Lambat-Kalat: Available na po ba sa libro ang disertasyon ni Dr. Lars Ubaldo? Kung ang Tagalog ay mula sa “taga-alog” at hindi “taga-ilog” bakit po walang pook na tinaguriang Tagalog?

 

ZAS: Mababasa ninyo ang disertasyon sa aklatan ng U.P. Departamento ng Kasaysayan o kaya sa aklatan ng Graduate School ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya, Bulwagang Palma. Ano ang ibig mong sabihin ng “pook” na tinaguriang Tagalog? Tulad halimbawa ng Pampanga? Isang probinsya ito nabuo noong panahong Kastila; ngunit walang “pook” o kaya “bayan” na may pangalang “Kapampangan”. Wala ring “pook” na “Iloko” o “Ilukong”; may isang rehiyong Ilocos o “Kailukuhan”. Wala ring “pook” na Ifugaw; isang teritoryo ito.

 

Kung teritoryo ang pinag-uusapan, may rehiyon ng Katagalugan, ang pangalang ginamit nina Bonifacio upang tukuyin hindi lamang ang rehiyong pinagbayanan ng mga Tagalog kundi ang buong arkipelago ng Kapilipinuhan.

 

Hindi nanggagaling ang pangalan ng isang grupong etniko o etnonim sa isang pook kundi sa ipinapalagay na katangian ng teritoryo ng mga taong tinutukoy nito [cf. Sugbu (magkasingkahulugan ito ng “Sug” ng Tausug) = Sugbuhanun; gayundin “Subanun+ mula sa “Suba” na may kahawig na kahulugan.]. Tatlong kahulugan ng “alog” o “alor”, “alur” sa ibang wikang Pinoy ay: “tawiran sa ilog” (mababaw ang tubig dito); “daanan ng bangka sa bakawan”; at “lugar na masasakahan sa pampang o sa gitna ng ilog mismo”. Dahil dito, ipinalalagay ni Dr. Ubaldo na ang pinagmulan o etnohenesis ng mga Tagalog ay marahil ang delta ng Pasig. Mayaman ito hindi lamang bilang sakahan (sa mga alog) kundi bilang pinagkukunan ng isda at iba pang mapapakinabangang hayop, bukod sa iba’t ibang uri ng kahoy sa bakawan mismo. Pakikontak na lang si Dr. Ubaldo. Nagtuturo siya sa St. Scholarstica’s.

 

Marso 12, 2009

Bakit Bakas-Bukas?

Filed under: Bagong Kasaysayan,Panayam-Pananaw — bakasbukas @ 3:37 umaga

Mayroon tayong kasabihan,“Ang taong hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makakarating sa paroroonan.”

Madali itong sabihin at gawing paalala sa mga taong sa palagay natin ay nalilihis o nawawala na sa landas, pero sa ating panahon, sa moderno at masalimuot na pamumuhay sa mundo, ang mabigat ay  kung papaano ito maisasagawa.

Wala man lamang na masasabing pagsasanay, pamantayan at pamamaraan sa karunungan sa paglilingon sa nakaraan , gayundin sa pagtatanaw at pagtatahak sa pinupuntahan. 

Kung baga aling lente o salamin sa mata ang nararapat na gamitin sa pagtingin at pagtanaw. Gayun din, kung papaano malaman kung ano ang ginagamit na lente at salamin ng iba sa pagtanaw sa nakaraan.

 Naalala ko ang titik ng kantang “Malayo ang tingin / wala naman tinatanaw/at kapansin-pansin ang kilos niya’t galaw/” Sa nasabing kanta, ang inilalarawan ay isang taong umiibig.  Magagamit din ba ito sa paglalarawan sa ating lider at pulitiko sa Pilipinas?  

Nawawala ng saysay lalo ang matandang kasabihan kung pakikinggan ang mga payo ng ibang tao nag-aastang madudunong, tulad ng mga paalalang “ibaon na ang nakaraang, ang mahalaga ay ang ngayon at ang bukas.”

Muli, naalala ko ang campaign slogan ni Pres. Ferdinand Marcos, “This Nation can be Great again”? Kailan sa kasaysayan naging “Great” ang bansa? bakit “again”?  Naging “Great” ba  ang bansa sa panahon ni Marcos? 

 Ang pag-aaral ng kasaysayan ay inahalintulad sa paglalakbay kung saan ang mga bakas sa lupa ay nagsisilibing mga palatandaan sa ating dinaanan. Kahit malayo na ang ating narating kung ito ay nakabakat pa rin sa lupa magamit itong giya sa pagbabalik sa dinaanan at sa pinanggalingan.

At kung sakali naman na may nagnanais sumunod o dumayo sa pinuntahan malaking tulong ang mga bakas sa lupa.

 Kung sa paglalakbay ang ating mga mata ay nakatanaw at nakatuon lamang sa mga bakas na dinaanan o kaya sinusundan ang mga bakas na dinaanan na ng ibang manlalakbay, maari pa rin tayong maligaw at mapapalayo pa sa ibig nating marating.

Higit na magaling kung mulat at bukas ang ating mga mata at kamalayan. Matatanaw natin ang malayo at malapit,  maging ang ating hinahakbangan mismo at sariling kinalalagyan.

 Sa kasaysayan hindi lahat ng nakaraang bagay ay mahalaga. Ang kailangang maunawaan ay ang saysay ng kasaysayan. Kadalasan sinasagot ng saysay ang katanungang para kanino? Mababatid ang sangkap ng saysay kung mahusay itong nasasalaysay.

Sa pagsasalaysay mahalagang malaman ang nagsasalaysay, kung kanino ibig iparinig ang salaysay, at ang iba pang bagay sa likod at sa labas ng nagsasalaysayan.

 Alalaumbaga, ang salin ng bakas-bukas sa Ingles ay footprints for the future. Ang bakas ay maaring balik-balikan at mabibigyan ng bagong pagkakahulugan tulad ng bagong kasaysayan.

Ang susing kawing sa bagong kasaysayan ay pagkakaroon ng naangkop na bukasan ng mga pananaw sa sarili, maging ito ay pangtayo, pankami, at pangsila. Ang bagong kasaysayan ay  ang tinatawag sa Ingles na new narratives, at ang bukasan ng sarili ay reflective reorientation at self-reflection.

Kaya’t ang blog na ito ay may hangaring maging daanan para sa Bagong Kasaysayan, Bukasan ng Saril, New Narratives, Reflective Reorientations. Ang pamagat ay Bakas-Bukas, ang ating Footprints for the Future.

Tao Po, Tuloy! ang pagbati nating Pilipino sa isa’t isa. Madalas ito ang panimulang bukang-bibig kapag tayo ay nakikituloy o nakikiraan sa looban, bahay man o bakuran, ng ibang tao. Tanda ito ng pakikitungo, pakikiramdaman, pakikipagkapwa-tao at pakikipagpalagayan-loob. At kapag ikaw ay pinatuloy at kusang inanyayang paloob, ang ibig sabihin, itinuturing ka na HINDI IBANG TAO.

Kapag hindi na ibang tao, maaasahan na ang turingan at pakikutungo ng bawat isa ay nag-iiba rin. Nagiging bukas (ang loob), matapat (at nagsasama ng maluwat) at totoo (sa isip, sa salita at sa gawa)!

Ang isa pang mahalagang kahulugan ng Bakas-Bukas ay Bagong Kasaysayan tungo sa pagbuBUklod ng KASambayanan. Nagnanais itong maging tuntungan na mag-uugnay sa kapwa natin Pilipino sa tinubuang lupa o Inang Bayan (homeland) at sa  ibayong bayan na nakakalat sa iba’t ibang lupalop sa mundo ( Filipino diaspora).

Ang tawag ko sa kamalayang panlipunang Pilipino sa tinubuang lupa at ibayong bayan ay KASAMBAYANAN.  

Halina at makibahagi sa talakayang Bakas-Bukas!

Sumulat ng Blog sa WordPress.com.