NakakaBAHAla ang naganap na disaster, isang historic proportion ayon sa mga experts.
Kung lalapatan ng titulo ng kanta ang disaster, maaring piliin ang mga sumusunod; “Kay Lupit ng Tadhana” ni Willy Garte, “Di na natuto” ni Danny Javier ng APO , “Saan Ako Nagkamali” ni Tillie Moreno , at “Sayang” ni Claire dela Fuente.
Pero walang biro, nuong Sabado (US time) ko pa gustong magsulat ng notes, pero hindi ako makasimula dahil minomonitor ko ang lahat ng news feed at posting sa Facebook. At nagtatawagan kaming magkakapatid sa LA kasi ang kapatid namin at pamilya niya ay nasa may Cainta, at wala kaming communication sa kanila, kasama ang isa pang kapatid na nagbalikbayan nuong isang linggo lang.
KinakaBAHAn kami kung ano ang nangyari sa kanila. Gayun din ang ilang kaibigan dito sa Bay Area at nagpapatulong how to locate their relatives in the Philippines. Mabuti na lang at may Facebook, at nasusubaybayan ang lahat ng mga pangyayari, hindi lamang ang mga nakakayanig at nakakalungkot na larawan at video (youtube) ng kalamidad, kasama na rin ang nakakatabang pusong bayanihan, volunteerism, resiliency, lakas-loob, pagmamalasakitan at pagtutulungan ng mga tao sa ating bayan.
Nananariwa sa aking diwa ang mga Operasyong Tulong nuong 1972, 1974 at 1976; at aktibo akong kalahok sa tatlong OT. Ang OT nuong 1972 ay malaganap na nilahukan ng mga aktibista, mga beterano sa demo at rali sa kalsada at kilos protesta, pero nasa puso at pananaw rin ang slogan nagmula sa inspirasyon sa Tsina ni Mao – ang Serve the People (STP) at Panglingkuran ang Sambayanan. Sa OT 1974 at 1976 ay sa ilalim ng Martial Law, at least sa UP Diliman, may sariling-kusa ang mga estudyanteng mag-volunteer kahit may kaliitan pa ang hanay ng aktibistang nasa kilusang lihim.
Kaiba sa mabilis na pagbaha o flash flood sa September 26, 2009, ang baha sa 1972 ay dala ng walang hintong pag-ulan, sinasabi nilang tulad sa Bibliyang 40-days-40-nights sa great flood nuong panahon ni Noah, (Bagamat ang paliwanag ni Ed dela Torre, 40 days means very long time). Ang malaking pinsala ay hindi lamang ang Kamaynilahan kundi ang Gitnang Luzon, kasama na ang aming probinsiya ang Pampanga. Ang baha ay mula July 13 hanggang August 4, 1972. (Ang susunod na buwan ay Martial Law naman!)
Tulad ng inaasahan, hindi na umaasa ang mga tao sa gobyerno (ni Marcos), at mabibigo lamang, kaya’t sa sariling-kusa at lakas-loob ng mga tao sa pangunguna ng mga aktibista naitayo ang malaganap na OT sa mahigpit na pakikipag-ugnayan sa ABS-CBN at media. Sa UP Diliman halimbawa ang Physics at Chemistry labs ay ginamit na gawaan ng gamot, ang maraming team ay nagpupunta sa mga mayayamang villages at commercial establishments para mag-solicit ng donation, ang ibang team naman ay gumawa ng mga SI (social investigation) para i-survey ang laki at lawak ng nasalantang baha. Ang malaking bulto ng volunteers ay ang mga sumusulong sa baha para magbigay ng relief goods (pagkain, gamot at tubig) mula sa mga siyudad ng Kamaynilahan hanggang sa mga liblib na baryo sa Central Luzon. Ang mga local chapters ng KM, SDK ang nagtatayo ng mga OT headquarter at relief center.
Sa amin sa San Fernando, Pampanga, hayskul ako nuon, kakaiba ang sitwasyon. Ang mga unang linggo ng baha ay tubig na may taas na six (6) feet, lampas tao ika nga, pero pagkatapos ng tatlong linggo, nagtaka ang mga tao sa aming baryo, halos 4 feet ng baha ay putik, ang mga ilog at estero ay hindi na dinadaan ng tubig, puno na rin ng putik, ang malakas na agos ay sa mga sementong daan rumaragasa. Walang nagbibigay paliwanag sa pangyayari, abala ang mga tao kung papaano sila makaliligtas at mabubuhay sa pagtaas ng baha. May mga taong nakatira na sa mga bubong ng bahay, hindi lamang isa o dalawang araw, may umaabot pang linggo o matagal.
Ang solusyon ng gobyerno para maabutan ng relief goods ang mga sinalanta sa malalayong at liblib na lugal, at sa mga sumilong sa bubong ng bahay, ay helicopter. Dala-dala at hinahagis ang mga naka-plastic bag na nutri-bun, isang klase ng tinapay o pandesal, sa mga nasalanta ng baha. (Marahil ang logic ng nutria-bun- wala rin paglulutuan ng kanin kaya’t ok na ang tinapay na tatagal ng ilang araw, may katigasan nga lang at iba ang lasa.)
Ang ginamit na gobyerno bilang distribution centers o tagapagmudmod ng relief goods ay ang baranggay o barrio captain, mga sinanay na lokal lider ng PACD (Presidential Assistance on Community Development ni Ernesto Maceda). At alam ng lahat, at least malinaw sa karanasan sa aming baryo, kapag hinawakan ng barrio captain maraming kurakot at napupunta lamang sa mga piling tao at kamag-anakan ng kapitan.
Kakaiba ang pagtingin ng mga tao sa mga OT volunteers, na sumusulong sa baha gaano man kalalim o kaliblib ang lugal, gumagamit silang mga bangka na pahiram ng mga magsasaka at mangingisda o lamu sa Kapampaangan (raft), ang mga tibak galing sa Maynila ay nagamit pang Amphibian boat para lumusong sa Pampanga.
Kasapi ako sa SDK nuon, kaya’t inihanda namin ang pagdating ng mga OT volunteers mula sa Maynila ang kanilang matutuluyan at magagamit na center ng OT operation. Kitang-kita ang dedication at tunay na malasakit ng OT Team- hindi lamang ang dala ay mga relief goods at gamot may kasama pa silang mga doctor o paramediko, mga miyembro ng PKM (Pambansang Katipunan ng Mediko) at MASMED (Makabayan Samahang Mediko). (Ang PKM ay affiliate ng KM at ang MASMED ay sa SDK. Nuon wala pa man ang malaking sakuna o disaster may aktibistang samahan na ang mga pre-med at medical students.)
Ano ang papel ng lokal team ng OT? Ang pangunahing papel namin ang maging guide, dahil pamilyar kami sa area, at maging interpreter sa Kapampangan. Binanggit ko sa ilang taga-Maynila, na nakaka-intindi naman ang mga tao ng Tagalog bakit kailangan pa ang interpreter. Sa halip na oo o hindi ang sagot ng team leader ng bisitang OT, binigyan ako ng polyeto, ang pamagat ay “Ang Imperyalismong Kano at ang Baha sa Central Luzon.” Inaasahan kami, mga local team ng OT na pawang high school students, ang siyang magpapaliwanag sa laman ng polyeto habang inaabot ang relief goods at ginagamot ang mga nasalanta ng baha.
Ano ang ugnayan ng imperyalismong kano at baha? Kaya pala umaaagos ng putik sa bahagi ng San Fernando mula sa Angeles, dahil binomba ng mga Kano ang dike na umaapaw patungo sa Clark Field Base at nababahala silang aabot ang baha sa mga eroplano at headquarters sa loob ng base. Kung baga i-save ang base facilities, pabayaan ang tatamaan ng malakas na agos ng tubig, mga taniman, sakahan at mga baryong tinitirhan ng mga tao. Ito ang pinapaliwanag namin sa mga taong dinadayo namin sa gitna ng baha.
Ni minsan hindi ko matandaan na pinaliwanag namin sa tao na ang baha ay kaloob ng kalikasan o likha ng Diyos. Kaiba ang flash flood sa bagyong Ondoy. Binuhos ang mga tubig sa umaapaw na dike, kaya’t rumagasa sa ilog at lumubog o binaha ang mga kalapit na bayan. Pero hindi lamang ito ang dahilan, malaking bahagi kawalan ng concern ang nasa kinauukulan (gobyernong national at lokal), hinggil sa paghahanda para hindi sumapit o maiwasan ang malaking kalamidad tulad ng September 26, 2009. Malaki rin kakulangan sa disaster alertness at readiness, quick response team, at comprehensive strategy – rescue-relief-rehabilitation-rebuilding-renewal- sa mga nasalanta ng baha.
Pero sa pagbabalik-tanaw sa 1972, gayun din sa 1974 at 1976, iba ang Operasyon Tulong ng mamamayan, may tunay na malasakit, kagandahang-loob, pagkukusa, diwang bayanihan, at may gawaing pagmumulat pa. (Marahil kung nuon naipaliwanag namin ang ugnayan ng imperyalismong kano at ang pagbaha sa Central Luzon, sa ngayon kung utak- tibak pa rin ang mga volunteers sa maraming relief at disaster centers at operation Ondoy, ipapaliwanag nila ang ugnayan ng burukrata-kapitalismo at ang bahang Ondoy!
Gayun pa man, maging ang tibak ay nagbabago rin. Sila ang mga aktibo sa mga Facebook, Twitter, at media centers sa pagpapalaganap ng kabatiran hinggil sa disaster, pagpapalaganap ng mga Operasyon Tulong, at pagbibigay ng mga analysis sa nagaganap sa bayan. May nagpapasalamat pa kay Ondoy, dahil sa tingin nila binuksan at nanunumbalik muli ang tunay na pagmamalasakit sa kapwa, sa bayan, sa kalikasan at sa Poong Maykapal.
Nanalig ang maraming tao na ito na, sadyang napapanahon na, pagbabangon ng kapilipinuhan, pagkakapit-bisig ng mga nasa loob at labas ng bayan, para sa kaligtasan at kaunlaran ng sambayanan at ng tinubuang bayan at kalikasan.
BAHAla na. MakiBAHAgi tayo paglikha ng bagong kasaysayan ng Inang Bayan.