Bakas-Bukas Blog

Enero 4, 2010

Ang Love ni Bulletx (Isang dekada na ang nakaraan)

Enero 4 ang kapanganakan ng ating matalik at mahal na kaibigan na si Violeta Atienza Marasigan na higit na kilala sa pangalang Bulletx, Tita Bullet, at Ate Bullet. Kung hindi siya sumakabilang buhay nuong April 18, 2000, seventy-one sana siya ngayon. Kung ganoon nga ang nangyari, most likely isa siya sa mga organizers ng reunion ng mga tibak ( Ganito Tayo Noon) at gaganapin ito sa kanyang namanang beach resort sa Puerto Galera Mindoro.

Magkalapit kaming magkalapit ni Bulletx nuon hindi lamang dahil magkasambahay kami sa bahay nila sa Templeton, Daly City mula 1996-1999, kundi halos araw-araw kami ay magkasama; siya ang driver, ako ang navigator, siya ang nag-bi-verbalize, ako ang taga-sulat, edit at lay-out (maging ang kanyang taunang newsletter cum holiday card), siya taga-patawa, ako ang taga-tawa ng kanyang maraming jokes, kasamahan sa pagpunta sa mga bulukan (garage sales at thrift stores), magkasama rin kami sa non-profit agencies sa San Francisco at Daly City at sa maraming community works and causes,ika nga sa hirap at ginhawa magkakasama kami nina Luisa Antonio at Atty. Lou Tancinco at marami pang barkada sa SoMa at sa San Francisco.

Naalala ko ang pangarap niya, at halos taun-taon sa araw ng kanyang kapanganakan binibilang ang pagdating ng araw ng kanyang retirement. Ang pangarap at malaking binabalak ni Bulletx ay maidevelop ang kanyang namanang beach resort sa Puerto Galera Mindoro bilang isang seminar center. Heto raw ang magiging retreat house ng mga tibak at ngo workers para mag-enjoy at magkasama-sama, ma-rejuvenate ang “activism” at mapasigla ang katawan at kalusugan (health), paninindigan (commitment), at ang loob (pakikipagkapwa at relasyon). Kasama ako sa malaking balakin ni Bulletx; ako ang kanyang inaasahang mag-develop ng curriculum at popular education strategies para sa life-long learning sa kanyang resort-seminar house. Sarap sana kung natuloy ang balak ni Bulletx.

Isa rin sa hindi ko makakalimutan sa huling Pasko ni Bulletx (1999). Dahil umuwi sila ni Pete sa Pilipinas to celebrate Christmas, New Year and her birthday, hinabilin ni Bulletx ang regalo niyang blue long sleeves para sa akin sa kanyang anak na si Bingo. Nakaligtaang iabot sa akin ni Bingo ang nasabing regalo nuong Pasko, at nuong bumalik siya mula Pilipinas, tinanong niya sa anak kung naibigay ito. Hindi maalala ni Bingo kung saan niya ito nailagay. Hindi na rin tinanong sa akin ni Bulletx kung natanggap ko ang regalo, okey lang at may dala naman siyang pasalubong sa akin mula sa Pilipinas.

Fast forward…Pagkatapos ng libing at memorial service sa City Hall ng San Francisco, nagmadali at nagkakaugaga ang pamilyang Marasigan sa pag-aayos ng kanilang damit at travel documents para sa paglipad nila sa Pilipinas. Magulo, maraming tensions at very chaotic ang sitwasyon sa bahay; naghahanapan ng mga passports at mga mahahalagang bagay na dadalhin sa gagawing memorial service sa Pilipinas. Hanggang sa biglang natahimik ang lahat. Namangha si Mang Pete, sampu ng kanyang anak nang matuklasan niya kung saan nakatago ang box ng mga passports. Pagkabukas ng kahon, ang nasa ibabaw ay ang blue-long sleeves na regalo ni Bulletx na dapat iniabot sa akin ni Bingo. Dalidaling bumaba si Mang Pete at iniabot sa akin ang nakitang regalo. Niyakap niya ako at ibinulong na “mahal na mahal ka talaga ni Bulletx.” Nag-iyakan ang ilang tao sa bahay, marahil naramdaman din nila ang “presence” ni Bulletx ng gabing iyon. Ang hindi kapani-kapaniwala, ang kanina lamang na chaotic, magulo at very tense na paghahanda sa paglipad sa Pilipinas ay bigla naging calm, peaceful and orderly.

Ang Love ni Bulletx ay naisulat ko nuong Abril 21,2000. Sana sa kanyang 10th death anniversary sa Abril 2010 makakalabas tayo ng isang koleksyon ng mga artikulo, essays at poems bilang parangal sa buhay at ambag ni Bulletx bilang isang dakilang Pilipina at kaibigan ng marami. Happy Birthday Bulletx!

Mag-iwan ng Puna »

Walang puna.

RSS feed for comments on this post. TrackBack URI

Mag-iwan ng puna

Lumikha ng libreng website o blog sa WordPress.com.