Bakas-Bukas Blog

Mayo 17, 2009

Komentaryo ni Prof. Zeus sa posting hinggil sa pagsuot ng pabaliktad kapag naliligaw

Filed under: Este-Poste,Kapilipinuhan,Sikolohiyang Pilipino — bakasbukas @ 10:25 hapon

Napakaganda ng maikling papel na ito, laluna ang mensahe ng pagpapakatao, pagpapakatotoo, pagbabalikloob-sa-bayan (hindi lamang pagbabalikbayan na isang pabalik-balik na karanasan at hindi ang tunay na pagbabalikloob at pagpapakatoo: ito ang isang pakahulugan ng pagbabaligtad ng kasuotan — i.e., dapat ipakita mo ang maaari mong itinatago; sa aming mga Bikol ang tagubilin sa ganyang sitwasyon ay maghubad ng puspusan — i.e., pagpapakita ng tunay mong pagkatao, na wala kang ikinukubli o masamang intensyon, na isang tao ka talaga at hindi isang nagbabalatkayo (ibig sabihin nito ay nagsusuot ng “balatkayo” kung saan ang “-kayo” ay metatesis ng “ka-oy” o “kahoy”, ang barkcloth (“tapa” sa Polynesia) bilang damit natin sa simula, bago ang paghahabi (cf. “abel” ng mga Ilokano at “hablon” sa Kabisayaan).

Isang patunay ito ng pagkakaisa ng ating kalinangan — mas maliit kaysa pagkakaugnay-ugnay ng “ili”, “balei”, “balen”, “bayan”, “lungsod”, “bongto”, etc. — ngunit patunay rin — sa simula’t sapul at hanggang sa kasalukuyan, bagay na ayaw paniwalaan natin ng mga rehionalistang Inglesero kasama ng kanilang mga kasabwat na banyaga.

Maiuugnay ang lahat ng ito sa kasabihang “madaling maging tao, mahirap magpakatao”. May papel ako tungkol dito sa isang kumperensyang may pagka-indihenissta na inorganisa ng misis ni Kidlat Tahimik (nagsayaw ito roon ng isang sayaw na Ifugaw!). Titingnan ko kung mahahagilap ko pa ito. Ang gusto kong ipakita sa papel ay madaling ipanganak (biolohikal) ngunit mahirap mahirap maging bahagi ng isang lipunan-at-kalinangan (na siyang konteksto ng iyong pagiging tao — i.e., ang iyong pagpapakatao). Ang sanggol (biolohikal na tao) ay nagiging tao lamang sa pamamagitan ng isang lipunang kanyang gagalawan (pagsasalipunan o “sosyalisasyon” mula sa mag-anak patungo sa kamag-anakan hanggang sa angkan at ang mas malawak na lipunan) at sa pamamagitan ng kalinangang matutunan niya, kung saan ang pinakaimportante pagkatuto ng wika nito.

Ngunit, sa kaso ng ating lipunan ngayon na may dambuhalang pagkakahating pangkalinangan, may pagkakaiba kapwa ang pagsasalipunan at pagkatuto sa kalinangan sa pagitan ng mga Inglesero at ng mga laki at pinalaki sa at ng Bayan. Hindi lamang magkaiba sila sa wika kundi pati na ugali. Kaya napakaimportante ang pagpopook ng sarili sa loob ng ating bansa.

Ito rin ang isang dahilan kung bakit, sa kaso ng “kabulastugan” ni Tsao ng Hongkongl, dapat nating ipook ang mga pagpapakahulugan at reaksyon sa tamang kinatitirikang lugar ng nagbibigay ng kuro-kuro, dahil sa ito ay nasasalalay sa iyong pagiging tao na nasasalalay sa iyong pagpapakatao. Iyong ugali ng lahat ng Pinoy na magpasintabi ay dapat siguro nating ikabit sa espasyong “di pamilyar” sa isang tao, sa mga lugar na iba sa kanyang kinagawiang espasyo sa labas ng kamag-anakan, angkan at ginagalawang lipunan-at-kalinangan. Korolari rito ang alamin, tuklasin ang mga lugar na ito; at ang unang hakbang ay magpasintabi. Kaugnay ito ng “tao po” na binibigkas natin kahit na sa mas kilalang lugar upang humingi ng pahintulot na pumasok na karaniwan namang sinasagot ng mga nasa loob na “tuloy po”. Sa mga di kinagawiang lugar mas matagal bigkasin ito at maaaring ipagkait pa nga. Kaya may pasintabi, kung sakaling may (mga) di masiyahan o di nasisiyahan sa ating pagpaparoon.

Ito ang dahilan kung bakit, sa ibang dagat, ugali na nating magkumpulkumpol bilang mga kakilala, kalahi at kababayan sa mga lugar na nagiging pamilyal o ginagawang pamilyar (cf. ang Termini sa Roma o kayasa Lucky Plaza Mall sa Singapore na pinag-aralan nina Proposer Atoy Navarro at Caloy Tatel) kung saan hindi na kailangan “magpasintabi”.

Tungkol sa pagpapaikot ng plato kung may bisitang aalis [idagdag na natin ang paniniwala na pag may nahulog na kutsara ang darating ay babae at kung tinidor ay lalaki], hindi ko pa nauusisa ang kahulugan nito. Ang plato ay naroon na sa atin simula pa ng panahong porselana (h-k ika-9 na dantaon). Mas kaugnay ito ng matataas na tao sa lilipunan bilang pamana at bilang simbolo ng kapangyarihan, gayundin bilang “grave goods” [sa Calatagan, may araw na dekorasyon ang inilalagay sa bandang pelvis ng yumao upang maprotektahan ang sentro ng kaginhawahan patungong tiyan na namamalagi pa sa kalansay matapos iwanan na ito ng kaluluwa upang maging anito]. Maganda siguro kung sasaliksikin pa ang interpretasyong nabanggit ni MC tungkol sa pag-iwas sa anumang maaaring mangyari sa umaalis sa hapagkainan, laluna dahil pinaghahanguan ng ginhawa ang pagkain.

Iyong tungkol sa tinidor at kutsara, maaaring bago ito dahil para sa atin mas maiuugnay ang kamay sa ginhawa (pagkain, lahat ng ikabubuhay) kaysa mga instrumentong ito ng Kastila at Kanluranin. Mas masarap magkamay kung kumakain. Gayumpaman, punahin ang pagbibigay ng pakahulugang seksuwal sa tinidor (pantusok) at kutsara (anyo ng aring babae); tila hindi na ito gaanong Pinoy dahil dito; baka Europeo pa nga ang simbolismo. Baka import ito ng mga Inglesero o, bago rito, ang mga Ilustrado.

Komentaryo ni Prof. Zeus sa posting “Pilantik sa Kolumnistang Ingles…”

Filed under: Este-Poste,Pilantik — bakasbukas @ 10:17 hapon

Ang sasabihin ko rito ay implisito na sa komentaryo ko matagal na. Tama ka na ang “pook” o kontekstong pangwika ng komunikasyon ay iba sa kaso ni Tsao kung ihahambing sa kontekstong Kastila ni Rizal at sa kontekstong Tagalog ni del Pilar.

Mas malapit ang konteksto ni Rizal sa konteksto ni Tsao dahil sa kapwa sila nasa ibabaw ng isang partikular na dambuhalang pagkakahating pangkalinangan — si Tsao bilang Ingleserong Tsino na ang mambabasa ay kapwa niya Inglesero na Tsino at may iba pang nasyonalidad (cf. mga Pinoy na hindi lahat ay “magaling” sa Ingles tulad ng mga aktibista ng mga NGO na laging handang magtanggol sa inaapi) at mga expat na Kanluranin, laluna Ingles, Amerikano, Kanadiano, Australyano, atbp.; at si Rizal bilang napasali sa kultura at diskursong intelektuwal na Kastila at Kanluranin vis-a-vis sa higit na nakararaming Pinoy, partikular na ang mga kapwa niya Tagalog, huwag nang pag-usapan pa ang ibang mga grupong etnolingguwistiko.

Ang pagkakaiba ng dalawa ay ang pangyayaring ang kausap ni Tsao — i.e., sa loob ng mundong sosyo-kultural at pulitikal — ay ang kapwa niya mga sakop ng kamalayang pangkabihasnan ng Kanluran, partikular ang bahagi nitong Anglo-Amerikano, SAMANTALANG ang talagang kausap/kinakausap ni Rizal ay ang mga kapwa niya Propagandista at Ilustrado at ang mga Kastila, may simpatiya man o wala sa adhikain niya. Kung nanunuya o nang-uuyam si Rizal (halimbawa sa klase ng pisika sa Santo Tomas; ang pag-uugali ni Donya Victorina [hindi ang mga nobela ang pang-uuyaw o pang-aaglahi kundi ang ilang bahagi lamang nito]) ang “pinatatamaan” ni Rizal ay klaro — i.e., ang mga Kastila, partikular ang mga monghe; at ito nga naman talaga ang nasaktan at ipinakita nila na nasaktan nga sila, bagamat ang panunudyo o pang-uuyam ni Rizal ay bahagyang may anyong “bato-bato sa langit, ang tamaan huwag magagalit”. Ibig sabihin, hindi direktang pamimilantik ang kanyang isinagawa kundi di gaanong direktang paglatigo sa kaparian.

Sa kaso ni Tsao, malamang nga na ang gobyernong Tsino, partikular siguro ang bahagi ng pamahalaang Hongkong na nakatuon ang pansin sa mga Inglesero “aktibista” ng HK. Sa kontekstong ito, kinukutya nga niya ang opinyong popular sa HK vis-a-vis sa mga Pinoy na nagtatrabaho rito. Nabanggit ko na sa una kong komentaryo na mayroon talagang prejudis sa mga Pinoy sa HK, laluna sa mga manggagawang Pinoy. Sa katunayan, hindi lamang sa HK kundi sa Tsina mismo. Kamakailan nakilala ko ang isang paring Pinoy na naging misyonero sa Tsina. Matindi ang kanyang reaksyon sa tinatawag niyang “rasismo” at “damdaming may mas mataas na kultura” ng mga Tsino — sa wari niya, kasingtindi o mas matindi pa nga kaysa ipinamalas sa atin ng mga Kastila at Amerikano. At talaga namang naramdaman ito hindi lamang ng paring Pinoy kapwa ang pag-aanyo at pagkatao kundi ng mga Tsinoy rin na napuntang Tsina, at pati na ng mga natawag na “peranakan cina” kapwa mulang Malaysia at Indonesia na nagtangkang “umuwi” sa Tsina. Sa katunayan may kilala akong ilang “straits Chinese” na naninirahan ngayon sa Singapore na hindi maatim ang mga Singaporeans at mas minamabuti pang bumalik sa Malaysia. Sa madaling sabi, kumplikado ang paksain ng prejudis sa lahi kapwa sa HK at Tsina mismo, kasama na ang Singapore. Ito ang konteksto ng sinasabi ni Tsao na “satire” o panunuya na kanyang tinangka sa kanyang artikulo at, tulad ng nabanggit ko sa unang komentaryo, may ginawa na rin siya, bago ang tungkol sa mga Pinoy, na artikulo tungkol sa mga Kanluraning expat na namumulubi sa HK at nilalait ng mga taga-HK sa kanilang likod. Siyempre, nagalit din ang mga expat. Ngunit hindi rin maipagkakaila na mayroon ganyang prejudis sa kanila sa HK. Sa katunayan, maaaring ibalik ito sa kasaysayan ng Tsina bilang “Gitnang Kaharian” at sentro ng daigdig. Hindi rin maitatanggi ang paglakas ng nasyonalismong Tsino — laluna ngayon kung kailan natatamo na ng bansang Tsino ang kapangyarihan kapwa sa ekonomiya at sa pulitikang pandaigdig.

May pagkakaibaang pook o kontekstong panlipunan at pangkalinangan ni del Pilar. Nakapook siya sa kalinangang Tagalog at ang kinakausap niya talaga ay ang mga Tagalog. Sa kabila ng pagiging bahagi niya ng Propaganda at pakikilahok niya sa pakikibaka niya, batid niya na may paralel na pakikibaka ang bayan, laluna ang katagalugan sensu stricto, kumpara sa Katagalugan ni Bonifacio ngunit nakapaloob dito. Narito ang panunudyo ni del Pilar at dito siya nauunawaan at may epekto, bagamat naiintindihan din siya ng mga prayle at may epekto rin siya sa mga ito. Kung baga, ang latay ng kanyang pilantik ay sa mga ito. Kumpara kay del Pilar, ang maaaring intensyon ni Tsao ay ipatungkol at magkaepekto ang latay ng pilantik sa goberyong Tsino ng HK at sa mga mamamayang Tsino rito na nakaiintindi ng Ingles, kasama ang mga expat ng iba’t ibang kulay.

Sa kasamaang palad, ang mga Pinoy na marunong mag-Ingles — laluna ang mga Ingleserong elit — ay tinamaan din ng pilantik at nakaramdam din ng latay. Ang grupong ito ng mga Inglesero — i.e., ang mga responsable ng pagpapakalat ng mga Pinoy sa iba’t ibang dako ng daigdig (Ingleserong elit at elitista) at ang mga kumakabaka sa mga ito (Ingleserong “aktibista” at mga elit ng diasporang Pinoy na karamihan ay mga serbidor din talaga ng banyaga dito man sa Pilipinas o sa “abroad”, kasama na ang mga komprador iskolar… Read More at nag-iNgo) ang siyang nagreak (at minsan ay nag-overreak) sa halip na pagtuunan ang dapat talagang pagsumikapan, ang kalagayan ng bansa na pinipilit ng naghaharing uri na magluwas ng mga “serbidor” o alila sa mga lahing iba sa ibayong dagat, dahil sa hindi maisaayos ang bansa dulot ng pagsasamantala at pangungurakot ng mismong Ingleserong naghaharing uri, bukod sa pagiging serbidor at alipin nito sa mga banyagang kapangyarihan. Sa palagay ko, pati na ang mga bungangero ay bahagi rin ng sistemang intinatag ng kolaborasyong banyaga at elit. Mas detalyado ko itong tinalakay, bagamat pahapyaw pa rin, sa aking unang komentaryo.

Tungkol naman sa konsepto ng “satire” sa Ingles, siyempre may alam dito ang ating mga Inglesero, bagamat ang naging (mga) heograpikal, pulitikal at kultural na konteksto ng artikulo ni Tsao ay nagkumplika sa pagbibigay-kahulugan o pagpapakahulugan sa intensyon at implikasyon nito. Kailangan dito ang natawag sa Pantayong Pananaw na seryosong “pagpopook” kapwa kay Tsao at sa mga nagreak sa kanya. Tinangka ko ito rito. Mangyari pa, mayroon din tayong mga konsepto/dalumat na maitutumbas sa “satire”. Natukoy ang ilan sa mga ito sa itaas. Kailangan pang pag-aralan nang masinsinan ang lahat, ngunit sa kontekstong atin. Magagawa lamang ito kapag nabuo na ang isang talastasang pambansa sa wikang atin, kung saan malaki na inaambag ng iyong kolum. Gayumpaman, napupuna ko na marami pa sa dati at kasalukuyang
“aktibista” ang nakakulong sa Ingles at sa mundong konseptuwal na Ingles. Kadalasan, hindi nakakatulong ang paging kasapi nila trivialities o mga kawalang-katuturang kasintuan sa facebook. Kalunus-lunos.

Pilantik sa Kolumnistang Ingles ang Tamaan Huwag Sanang Magalit

Filed under: Este-Poste,Pilantik — bakasbukas @ 10:15 hapon

Nagtataka ako kung bakit sinasabi ng mga kolumnistang Ingles na may tradisyon tayong Pilipino “satire” at nagtataka sila kung bakit hindi nauunawaan ng mga Pilipino ang sinulat na “satire”ni Chip Tsao sa kanyang kolum (The War at Home, HK Magazine, 27 March 2009).

Nagtataka sila kung bakit ang nasabing “satire” ay nagdulot ng malaking himutok, galit at kilos-protesta sa hanay ng mga Pilipino, kabilang na ang mga opisyales na nasa gobyerno at kongreso. “Satire” lamang daw ito, paalala nila, kaya’t tawanan na lang at huwag dagdagan pa ng masamang pagkakahulugan ang pagbanggit ni Tsao ng “nation of servants.”

Ang hindi nasusundan ng mga kolumnistang nagsusulat sa Ingles kabilang na si Tsao, hindi lubusang tradisyon ng mga Pilipinong ang “satire” sa Ingles. Marahil ito ang satire, kahit na mula’t sapul isinuksok na sa atin ang Ingles sa eskwela hanggang sa kolehiyo, maging sa mga babasahin at print media, hindi pa rin masasabi na may malalim at malawak na tradisyon tayo sa wikang Ingles, at kaya natin matarok ang ibig ipaabot ng isang nagsusulat ng satire sa Ingles.

Hindi magandang halimbawa si Dr. Jose P. Rizal bilang tagapagbandila ng tradisyong satire sa libro niyang Noli Me Tangere. Una, sinulat niya ito sa Spanish, at pangalawa, sa pormang nobela, kung gayun ang libro ay isinulat para sa mambabasa sa Spanish at hindi sa mga pangkaraniwang Pilipino.

Kaiba si Marcelo H. Del Pilar sa kanyang Dasalan at Toksohan, ang wikang ginamit ay Tagalog at ang pormang ginamit ay ang pinalaganap mismo ng mga prayle. Marahil ang kanyang mga “patama” sa mga prayle ay ginagawa niya sa mga kumpulan ng mga tao tulad ng sabungan, sa tabi ng simbahan at palengke, at hindi sa pormang kolum ng pahayagan, libro at polyeto. Walang pinagkaiba ito sa mga “patamang biro”, ang tawag ko rito ay “pilantik”ni Ka Bert Olalia at Willie Nepomuceno nuong panahon ng Martial Law at nina Ninoy Aquino at National Press Club bago idineklara ni Marcos ang 1081.

Sino ang “pinatatamaan” ng satire? Ayun sa mga kolumnistang Ingles na sumasang-ayon sa sinulat ni Tsao ay ang gobyernong Tsino raw. Natamaan o umaabot naman kaya ito sa kinauukulang Tsino? Ang alam natin, at batay na rin sa nabasa ko, sinasadya o hindi man, ang dagok ay sumapul sa kaibuturan ng mga Pilipino, kaya’t hindi maiwasan ang pag-react at malaking himutok at galit ng mga Pilipino sa Hongkong, sa Pilipinas at maging ang mga Pilipino sa ibang bansa.

Sa pilantik nina Dr. Jose Rizal, Marcelo H. Del Pilar, Ka Bert Olalia, Ninoy Aquino at pre-martial law NPC, ang pinatatamaan o pinupuntirya ay ang mga taong nasa poder o mga makapangyarihan. Ang pilantik ay isang sandatang pantapat sa lakas at kapangyahiran ng nasa poder. Ang talab ng pilantik ay palatandaan din ng talagang lakas at itinatagong panghihina ng mga nasa poder.

Naalala ko si Ka Bert Olalia, matagal na siyang nagpapatawa sa kanyang talumpati patama kay Marcos. Hindi siya inaaresto kaya’t patuloy pa rin ang kanyang magaling at kakaibang pilantik sa rehimen. Taong 1982, nasa bingit ang rehimen ni Marcos (isyu ng succession sa loob ng rehimen, polarisasyon ng pwersang pulitikal, at paglakas ng kaliwa kasama na ang armadong pwersa), naaresto si Ka Bert sa kanyang pilantik sa rehimen. Ang pahayag ng rehimen”Ka Bert was arrested on August 13, 1982, on the accusation of inciting to sedition and for conspiracy to commit rebellion.). Nakulong si Ka Bert ng walong buwan, nagkasakit at nanghina ang katawan sa piitan, at namatay nuong December 4, 1983, ilang buwan pagkalipas ng pagpaslang kay Ninoy Aquino.

Iba ang pilantik na patama ay sa mga may kapangyarihan, at iba ang pilantik kapag ang natatamaan ay mga taong matagal ng inaalipusta, pinagsasamantalahan, inaapi at nilalait ng may kapangyarihan. Totoo, matagal ng nilalait at nakakaranas ng diskriminasyon ang mga Pilipino sa Hong Kong at sa ibang bansa, pero hindi ibig sabihin gawin itong “normal” at maging ang mga kolumnistang Ingles ay walang pakundangang maglait at ma-stereotype. Sa kolum ni Tsao na sinulat sa Ingles, maaring maghatid ng “hate crimes” sa hanay ng kapwa niya Tsino na mahina o hindi rin naman kabisado ang tradisyong sinasabi nilang “satire” sa pagsulat sa Ingles. Maaring kunin nila ang hakbang minumungkahi ni Tsao kahit literal o di lubusang nauunawaan. Tandaan natin, mahirap ang kapos sa kaalaman.

May pilantik din ang mga tao sa kapwa nila. Sa tradisyong kinagisnang nating Pilipino, bago namayani ang mga Ingles na konsepto, tayo ay nakikiraan o humihingi ng paumanhin bago ito gagawin. Mayroon tayong kawikaan “Batu-bato sa langit, ang tamaan ay huwag magalit.” Kultura ito ng pakikitungo sa iba, pakikipagkapwa-tao at palagayan ng loob. Ang tuksuhan at biruhan ay totoong matandang kaugalian nating Pilipino. Huwag kang pikon o madaling mapikon, ang paalala ng matatanda.

Ang puna ng ilang kaibigan ko sa US at sa internet, nag“over-reacting” daw ang ginawa ng ilan nating kababayan sa sinulat ni Tsao. Failure daw ito ng educational system sa Pilipinas, hindi daw kasi lubusang bihasa sa pagbasasa ang mga Pilipino. Maaring may katotohanan ang sinasabi nila.

Ang pilantik ko naman sa ating intellectual, kolumnista, print media at lider ng bayan, bakit kayo nagsusulat sa Ingles? Bakit hindi natin sanayan magbasa ang mga kababayan natin sa wikang ginagamit nila sa pang-araw-araw at kapag nagkakatagpo at pakikipagkapwa nating Pilipino?

Hindi ba magaling kung ang mga Pilipinong nasa iba’t ibang bansa ay makakapagsimulang makapagtalastasan at makakapag-usap sa wikang F/Pilipino? Ito ang hamon sa mga bloggers at mga nasa internet.

Abril 7, 2009

Dis-Krimen-Nasyon

Filed under: Este-Poste,Pilantik — bakasbukas @ 11:02 hapon

Nuong una kong buksan at mabasa ang post ni Bong Valencia sa Facebook – “read this latest slit-eyed insult on the filipino. sayang na those canons on the ramparts of intramuros that are directed toward chinatown are no longer working.” – binalewala ko lang. Hindi na bago kasi sa akin ang mga statements na lumalabas sa media (print, tv, radio, internet) na may patamang nakaka-insulto sa ating Pilipino.

Ang tinutukoy ni Bong ay ang sinulat ni Chip Tsao sa kanyang kolum sa Hong-Kong Magazine Online “The War at Home” March 27, 2009. Ilang minuto lamang ang nakalipas, nabasa ko ang koment ni Pete Batangan – “Kawawa talaga tayo! Tingin ko, isang economic boom na ala S. Korea ang kailangan natin para guminhawa o isang political upheaval of cataclysmic proportion!”

At ilang oras pa, nagpost ng koment si Ada Javellana Loredo – “wag dibdibin, journalist siya, yan ang trabaho nya. buti nga meron siyang stats na verifiable. ganun karami ang filipino maids sa kanila, totoo yun. e ano kung nang-i-insulto siya? sino ba siya?…ang importante dito ay yung gobyerno natin, at tayo, na dapat ginagawa rin ang trabaho!”

Sasali na sana ako sa thread at magkokoment nuong oras na iyon; pero ipinagpaliban ko pa. Kinabukasan, sa Yahoo listserve ng pathmembers muli ko itong nabasa – “AKBAYAN Rep. Risa Hontiveros condemned today an article that was published in a lifestyle magazine in Hong Kong that called the Philippines a ‘nation of servants’.”

Binalikan ko ang post ni Bong (Noel) para mabuksan ang kakabit na url; pero wala na. Sa inquirer.net ko napag-alaman- “The feature article of an online magazine in Hong Kong that called the Phlippines ‘a nation of servants’ and criticized the country’s pursuit of its claim to the Spratly islands has been pulled down as of Monday afternoon.”

Ang sinasabi ko sa sarili ko, dapat makisali na rin. Ito ang nakikita kong pagkakataon na maipalaganap at maituwid ang tinatawag kong “Dis-Krimen-Nasyon.” Pansinin ang baybay sa salin ko sa wikang Ingles ng “Discrimination.” Sa wikipedia, “Discrimination toward or against a person or group is the treatment or consideration based on class or category rather than individual merit. It is usually associated with prejudice. It can be behavior promoting a certain group (e.g. affirmative action), or it can be negative behavior directed against a certain group (e.g. redlining). The latter is the more common meaning.”

Sa madaling salita “ang diskriminasyon ay ang paglalait at di mabuting pag-huhusga sa isang tao o grupo ng tao. May iba’t ibang diskriminasyon sa lipunan tulad sa diskriminasyon sa trabaho, diskriminasyon sa mga babae, bakla, taong may kulay, kalipian o lahi, relihiyon at sa bansang pinagmulan,” ayon na rin sa Immigration Story column ni Atty. Jojo Liangco sa Philippines Today na pinamagatan niyang “Diskrimi-Nasyon.”

Sinadya ni Atty. Liangco ang titulo dahil sa “maraming kwento ang mga kababayan natin ng kanilang karanasan sa diskriminasyon, pero bibihira lamang naisusulat at nabibigyan wastong hakbang para hindi na ito maulit. Bilang isang abogado, lubus akong naninindigan sa pagpuksa sa kanser ng diskriminasyon umiiral sa lipunan. Bilang Pilipino, kumukulo ang aking dugo kapag nakakabalita akong pangyayaring diskriminasyon dahil lamang sa pagiging Pilipino o ang bansang pinagmulan ay Pilipinas. Ito ang tinatawag kong DISKRIMI-NASYON o paglalait ng iba batay sa ating nasyon.”

Ang nag-udyok sa kolum ni Atty. Liangco ay ang karanasan ng kanilang staff sa Isabela sa pagpunta sa Hongkong. Bilang mga huwaran at outstanding employees binigyan ng bonus ang tatlo nilang staff ng four-day Hongkong trip (kasama na ang Hongkong Disneyland day-pass at Hongkong tour pass).

“Kahit kumpleto ang kanilang mga papeles at travel documents, hindi kaagad pinapasok ang aming mga empleyado sa Hongkong dahil ‘they were intending to work’ daw sa Hongkong. Ini-stop sila sa port of entry. Dinala sila ng immigration officers sa isang maliit na kwarto at in-interrogate (pinagtatanong ng katakot-takot sa loob ng tatlong oras). Sa pagtatanong ng mga officers, itinuring silang parang mga criminal. Sinikap nilang maging mahinahon at sagutin ang mga tinatanong ng mga officers. Sa tingin nila, kahit ano ang kanilang sabihin ay hindi pa rin nanniniwala ang mga officers sa kanila. Binuksan ang mga dala-dala at luggages nila, kasama na ang mga pitaka at perang dala. Nais pang malaman ng mga officers kung saan nanggaling ang perang panggastos nila sa Hongkong. Kahit sinasabi nilang sinasagot ng kumpanyang pinag-trabahuhan ang kanilang Hongkong trip, hindi pa rin maniwala ang mga officers… Nagbago lamang ang posisyon ng mga immigration officers sa Hongkong ng tumawag mismo ang may-ari ng travel agency sa Hongkong at binigyan ng kaukulang katibayan na sinasagot nga ng kumpanya ang travel reservations, hotel accommodations, at gastos ng mga empleyado.”

Sa kolum ni Atty. Liangco tinatanong niya: “Bakit ‘pinapahirapan’ ang maraming Pilipino sa mga port of entry na tulad ng sa Hongkong? Dahil ba sila ay Pilipino? Dahil ba sila ay Pilipinong nanggaling sa Pilipinas? Dahil ba sila ay may dalang Philippine passport? May ‘alert” na ba sa mga port of entry kapag Philippine passport ang dala ng manlalakbay?”

Nabanggit ni Atty. Liangco ang naging karanasan ko sa London nuong 1988 sa kanyang kolum kahit hindi niya binanggit ang aking pangalan. Ito ang pagkakataon kong maisalaysay muli sa aking Bakas-Bukas blog – ang aking first hand “dis-krimen-nasyon” na karanasan.

Magkasabay kami ni Roy Loredo, asawa ni Ada at matalik na kaibigan ni Bong Valencia, tumungo sa London nuong Hulyo taon 1988. First time ni Roy sa biyahe, third time ko na sa London. Excited kami pareho, at okey naman ang lahat ng travel documents, kaya’t kampante kaming naglalakad pagkatapos sa custom at immigration. Ilang hakbang na lamang makakalabas na kami sa port of entry, biglang tinawag kami ng dalawang security (pulis ng airport). Akala namin SOP lamang iyon sa airport kaya’t pinakita namin kaagad ang mga travel documents. Pinatabi kami sa gilid ng corridor, para marahil hindi kami makaharang sa ibang travelers na naglalakad palabas, at pinabuksan ang aming mga dala-dalang luggages. Sumunod naman kami. Binulatlat ang laman ng aming maleta, parang may hinahanap, habang sinusuri nila ang aming mga Philippine passports.

Ito ang hindi ko makakalimutan na “moment.” Sa pagbuklat ng aking passport ng isang officer na naka-assign sa akin may napansin siyang may nakaipit na plastic card. Agad-agad niyang kinuha at binasa. Tinanong niya “Is this yours?” Ang sagot ko “Yes!” “So you’re a permanent resident of the United States!” Sagot ko uli “Yes!” Nagtaka ako sumunod na action niya; biglang nagbago ang kanyang asta, binalik ng mahusay at maayos ang nabulatlat na laman ng aking maleta, at ng ibinalik niya ang aking passport kasama ang aking greencard, nagwika pa siya ng “Err, I am very sorry!”

Sa aking tabi si Roy, walang pakundangan ang pulis assigned sa kanya, at si Roy na rin ang nagbalik sa mga nabulatlat na laman sa kanyang maleta, at wala kaming narinig na “sorry” man lang. Bakit ganoon? Sa akin may “sorry,” kay Roy wala. Dahil ba na ako ay may “US Green Card” at si Roy ay Philippine passport lang?

Katulad sa palagay ni Atty. Jojo Liangco; May dis-Krimen Nasyon sa mga Pilipinong taga-Pilipinas. Laganap at umiiral ito sa maraming port of entry. Hindi lamang naisusulat at nagiging tampok sa media para mag-generate ng malawakang protesta (indignation) at makapaglunsad ng naangkop na hakbangin para tuluyang mabura ang “dis-krimen-nasyon” ng nating Pilipino.

Simulan natin ang pagsasalaysay. Kayo, ano ang karanasan ninyo sa “dis-krimen-nasyon’?

Sumulat ng Blog sa WordPress.com.