Bakas-Bukas Blog

Enero 4, 2010

Ang Love ni Bulletx (Isang dekada na ang nakaraan)

Enero 4 ang kapanganakan ng ating matalik at mahal na kaibigan na si Violeta Atienza Marasigan na higit na kilala sa pangalang Bulletx, Tita Bullet, at Ate Bullet. Kung hindi siya sumakabilang buhay nuong April 18, 2000, seventy-one sana siya ngayon. Kung ganoon nga ang nangyari, most likely isa siya sa mga organizers ng reunion ng mga tibak ( Ganito Tayo Noon) at gaganapin ito sa kanyang namanang beach resort sa Puerto Galera Mindoro.

Magkalapit kaming magkalapit ni Bulletx nuon hindi lamang dahil magkasambahay kami sa bahay nila sa Templeton, Daly City mula 1996-1999, kundi halos araw-araw kami ay magkasama; siya ang driver, ako ang navigator, siya ang nag-bi-verbalize, ako ang taga-sulat, edit at lay-out (maging ang kanyang taunang newsletter cum holiday card), siya taga-patawa, ako ang taga-tawa ng kanyang maraming jokes, kasamahan sa pagpunta sa mga bulukan (garage sales at thrift stores), magkasama rin kami sa non-profit agencies sa San Francisco at Daly City at sa maraming community works and causes,ika nga sa hirap at ginhawa magkakasama kami nina Luisa Antonio at Atty. Lou Tancinco at marami pang barkada sa SoMa at sa San Francisco.

Naalala ko ang pangarap niya, at halos taun-taon sa araw ng kanyang kapanganakan binibilang ang pagdating ng araw ng kanyang retirement. Ang pangarap at malaking binabalak ni Bulletx ay maidevelop ang kanyang namanang beach resort sa Puerto Galera Mindoro bilang isang seminar center. Heto raw ang magiging retreat house ng mga tibak at ngo workers para mag-enjoy at magkasama-sama, ma-rejuvenate ang “activism” at mapasigla ang katawan at kalusugan (health), paninindigan (commitment), at ang loob (pakikipagkapwa at relasyon). Kasama ako sa malaking balakin ni Bulletx; ako ang kanyang inaasahang mag-develop ng curriculum at popular education strategies para sa life-long learning sa kanyang resort-seminar house. Sarap sana kung natuloy ang balak ni Bulletx.

Isa rin sa hindi ko makakalimutan sa huling Pasko ni Bulletx (1999). Dahil umuwi sila ni Pete sa Pilipinas to celebrate Christmas, New Year and her birthday, hinabilin ni Bulletx ang regalo niyang blue long sleeves para sa akin sa kanyang anak na si Bingo. Nakaligtaang iabot sa akin ni Bingo ang nasabing regalo nuong Pasko, at nuong bumalik siya mula Pilipinas, tinanong niya sa anak kung naibigay ito. Hindi maalala ni Bingo kung saan niya ito nailagay. Hindi na rin tinanong sa akin ni Bulletx kung natanggap ko ang regalo, okey lang at may dala naman siyang pasalubong sa akin mula sa Pilipinas.

Fast forward…Pagkatapos ng libing at memorial service sa City Hall ng San Francisco, nagmadali at nagkakaugaga ang pamilyang Marasigan sa pag-aayos ng kanilang damit at travel documents para sa paglipad nila sa Pilipinas. Magulo, maraming tensions at very chaotic ang sitwasyon sa bahay; naghahanapan ng mga passports at mga mahahalagang bagay na dadalhin sa gagawing memorial service sa Pilipinas. Hanggang sa biglang natahimik ang lahat. Namangha si Mang Pete, sampu ng kanyang anak nang matuklasan niya kung saan nakatago ang box ng mga passports. Pagkabukas ng kahon, ang nasa ibabaw ay ang blue-long sleeves na regalo ni Bulletx na dapat iniabot sa akin ni Bingo. Dalidaling bumaba si Mang Pete at iniabot sa akin ang nakitang regalo. Niyakap niya ako at ibinulong na “mahal na mahal ka talaga ni Bulletx.” Nag-iyakan ang ilang tao sa bahay, marahil naramdaman din nila ang “presence” ni Bulletx ng gabing iyon. Ang hindi kapani-kapaniwala, ang kanina lamang na chaotic, magulo at very tense na paghahanda sa paglipad sa Pilipinas ay bigla naging calm, peaceful and orderly.

Ang Love ni Bulletx ay naisulat ko nuong Abril 21,2000. Sana sa kanyang 10th death anniversary sa Abril 2010 makakalabas tayo ng isang koleksyon ng mga artikulo, essays at poems bilang parangal sa buhay at ambag ni Bulletx bilang isang dakilang Pilipina at kaibigan ng marami. Happy Birthday Bulletx!

Ang Love ni Bulletx

Filed under: 1,Kapilipinuhan,Sikolohiyang Pilipino,STR(TalamBuhay) — bakasbukas @ 1:35 umaga

Ang Love ni Bulletx

Ang love ni Bulletx ay si Pete.
Si Marielle, Marlet, Dame, Bingo at Mark.
Kanyang apong sina Jay-jay, Shuntog, Adriel,
Mookie, Andre, at Iraya Diwa.
Mga sons-in-law, Joshua, Gilbert, Joey at kanilang pamilya
Ang kamag-anakan ng Marasigan, Atienza at Aguila

Ang alab ni Bulletx ay katatagan ng pamilya.
May pagmamahalan, pagkakaunawaan at paggalang.
Ng magulang sa anak.
Ng anak sa magulang.
Pagpapahalaga sa mga lolo’t lola.
Pag-aaruga ng mga bata at bagong silang.
Pakikiisa ng mga Tito, Tita, in-laws, pinsan, pamangkin,
Kamag-anakan man sa dugo o sa harap ng bayan.
Umaalab ang dugo ni Bulletx kapag:
Pinaghihiwalay ang pamilya tulad ng mga Cervania.
May pagsasamantala, pananakit at pang-aapi.
Niyuyurakan ang karapatan pang-tao.
Umiiral ang kawalang-hiyaan.
Kapayapaan ay ginugulo.
Kalayaan ay sinisiil.
Kapakanan ay pinagkakait.
Tulad ng equity bill ng World War II veterans.International Hotel. FEC. Dazo.
Martial Law. US imperialism.

Ang alab ni Bulletx ay pakikibaka.
“Dare to Struggle, Dare to Win!”
Ang alab ni Bulletx ay paglilingkod sa kapwa.
“Our Community, Our Responsibility.”
I-Hotel. NCCP. PEIP. West Bay. PBRC.PRC. JCYC. AARS. DCYHC.Canon Kip.VEC.

Kung minsan tinatanong ni Bulletx ang sarili:
“Bakit pa ako naririto sa Amerika?”
Dahil sa kanyang Love.
Dahil sa kanyang mga alab.
Dahil sa kanyang paniniwala at paninindigan.
Dahil sa kanyang mga pinaglalaban.
Dahil kailangan pang makibaka.
Dahil kay Pete, mga anak at apo, mga kaibigan
Dahil sa atin, sa iyo, ikaw, ako, tayo.
Tayong lahat. Pilipinong Kapwa.

Kung kay Bulletx,
Ang love niya ay simple lang.
Makisalamuha sa tao.
Makisalamuha sa kalikasan sa Puerto Galera.
Manggamot. Manghilot.
Mangolekta ng bato at paru-paro.
Maglaro ng Scrabble.
Mamili sa Goodwill, thrift stores, estate sales
Mag-handle ng workshops.
Magbigay ng jokes, kahit ulit-ulit hindi nakakasawa.
Magsalu-salo at mamasyal.
Kumain ng durian at luto ni Mang Pete.
Kumain ng mga pinagbabawal.
Tumugtog ng piano, gitara, accordion, tambuli, kulintang, minus one.
Awitin ang mga kantang may pananagutan, makabayan,
romantic memories, broadway musicals. OPMs.
Manukso ng mga kaibigan, hoping, sila’y magkakatuluyan.

Mahal na mahal ni Bulletx ang kanyang mga kaibigan.
Siya ay bukas, matapat, malapit at totoo.
Mahal na mahal siya ng kanyang mga kaibigan.
Sa iba’t ibang dako ng mundo.

Ang love ni Bulletx ay buhay.
Ang buhay ni Bulletx ay love.
Ang saysay: “Alab ng puso
Sa dibdib mo’y buhay.”
Pamanang walang hangganan.

4/21/2000

Pasko sa facebook

Filed under: 1,Bagong Kasaysayan,Kapilipinuhan,Sikolohiyang Pilipino,Talambuhay — bakasbukas @ 1:33 umaga

Ito ang unang Pasko ko sa facebook. Sa katunayan, nahatak akong magbukas ng facebook account dahil sa winika ng isang kaibigan sa isang reunion na hindi ko nadaluhan- “Dati REDBOOK, Ngayon FACEBOOK.”

Hindi ko nakagawian ang magpadala ng Christmas cards, at lalung hindi ko naging tradisyon ang magbalot at mag-abot ng regalo. Madalas nga sa pagsapit ng Pasko, malayo ako sa aking mga mahal sa buhay. Tulad ngayong Pasko, ang asawa’t anak ko ay nasa Pilipinas, ako ay nasa US. Mabuti na lamang nakalipad ako sa Los Angeles, nakasama ko ang 92 years old na nanay ko nitong Pasko.

Mabuti na lang may Facebook, nakapag-greet ako sa lahat ng Friends ko, at naiparating (extend) ang pagbati ko sa mga walang facebook pero nagkaroon ng pagkakataong mag-get-together. Kahit papaano maisasali ako sa balitaan, at sasabihin nagkita na kami ni MC sa facebook, nalaman ko na ang pinaggagawa niya, kung nasaan siya, at ang kanyang pamilya. Nasa mabuti naman siyang kalagayan.

Matagal-tagal na rin akong hindi nakakauwi sa Pilipinas. 1994 ang huling Pasko ko sa Pinas, 1990 naman ang huling pagdalo ko sa aming taunang hayskul reunion sa San Fernando, Pampanga, 1979 ang huling Pasko sa mga barkada ko sa Baguio, at 1971 ang huling Pasko ko sa baryong kapanganakan at tinubuan ko. Marahil matatagalan pa, o maari rin hindi na magkakaroon ng pagkakataon na mabalikan ko ang mga ito.

Gayun pa man, hindi ako nalulungkot at nakakaramdam ng pagkukulang o dis-appointments. Saan man ako naroroon sa Pasko, nuon man at ngayon, ginugunita ko ang halos lahat ng mga taong malapit sa aking puso, kahit hindi ko naipaparating sa kanila. Matalas ang memory bank ko, kaya kong balikan in almost complete details ang pinagsamahan namin sa Pasko, kahit na mahabang panahon na ang nagdaan. Malakas akong manariwa ng mga nakaraan, marahil iyon ang dahilan kung bakit ako naging historian at hindi engineer mula sa UP. Kaloob ito ng Diyos, at lubos akong nagpapasalamat.

Hindi tayo nabubuhay sa nakaraan. Hindi natin tinatahak ang kasalukuyang buhay at ang hinaharap na palaging nakatanaw sa nakaraan. Bawat sandali ay mahalaga. Ika nga every moment counts. (Ang pangalan ng consulting business ko ay MC for Moment Counts).

Nitong Disyembre, naging friend ko sa Facebook si Rommel Pangan, isang matalik na kaibigan sa hayskul, at huli ko siyang nakita nuong 1973. At nawalan kami ng balita sa kanya magmula nuon. Nag-alala kaming magbabarkda kung ano ang nangyari sa kanya. Nawala o nagtago siya ng walang paalam. (Kung minsan, mahirap mawari o matanggap, bigla na lamang maglalaho isang matalik na kaibigan). Hindi alam ni Rommel, sa maraming lecture at pagbibigay ko ng payo sa mga tao, ginagawa ko siyang halimbawa. Nuong hasykul kami nina Rommel sa isang periodic exam o pagsusulit na sunud-sunod mababa ang score niya sa maraming subjects. Ang malaking pagkakamali ni Rommel, laman ni Rommel ng kanyang isip ang nakaraan at katatapos na exam habang sinasagot ang exam sa kanyang harapan. Sa pag-alala niya sa wrong answers o misteps niya sa previous exam, ang resulta ng mga sumunod na exams ay mababa din.

Saan man tayo sa Pasko, at magmuni-muni man tayo sa nakaraan, eksaktong isang linggo lang, bagong taon na. Kaya nga madalas ang greetings ay “Merry Christmas and a Happy New Year! Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon”

Ang magaling ng facebook magagawa natin ang Kahapon, Ngayon at Bukas sa ating mga Friends.

Ano ang kulay ng Pasko?

Filed under: 1,Kapilipinuhan,Sikolohiyang Pilipino,Talambuhay — bakasbukas @ 1:30 umaga

Ano ang kulay ng Pasko?

Nuong bata pa ako, sa aking bayang tinubuan, ang naalala kong kulay ng Pasko ay sarisari.

Naglilipana ang mapupulang mansanas, keso de bola, Santa Claus, parol, pambalot ng regalo, belen at iba pang palamuti sa simbahan.

Hindi nagkakalayo ang dilaw at kulay ginto – ang tala, parol, maraming ilaw, kampanilya, aning palay, suman, bibingka, kutsinta, pandesal, belen at iba pang palamuti sa simbahan.

Ganoon din ang puti at kulay pilak – parol, kesong puti, puto, sopas, hapag kainan, belen at iba pang palamuti ng simbahan.

Lalung hindi paiiwan ang berde – kristmas tri kahit gawang plastic, parul, tamales, suman, pambalot ng regalo, belen at iba pang palamuti sa simbahan.

Nuong ako ay naging binata at nagkamalay ng panlipunan pagbabago, sa aking tinubuang bayan, nanibago rin sa akin ang kulay ng Pasko.

Tandang-tanda ko pa ang titik ng kantang pamasko “Bakit ang diwa ng Pasko hubad sa kulay…pawang pagpapanggap… pagtulong sa mahihirap?”

Ang pula ang siyang kulay ng pakikibaka at himagsikan.

Ang dilaw ay umigpaw mula sa pekeng dilawan tungo sa kulay ng labanang makabayan.

Bagamat tinutuligsa ang “All things white and wonderful, America made them all,” malinaw na ang puti ay tanda ng pananalig sa kapayapaan, pusong dalisay at kadakilaan.

At ang pagiging “green and daring” ay para sa ating environment at sandaigdigan

Sa kalagayan ko sa ngayon, malayo sa tinubuang bayan at sa mga mahal sa buhay, kahit makulay at manining ang kapaligiran, hinahanap ko pa rin tunay na kulay ng Pasko sa kaloob-looban ko.

Red Cross sa aking nakakatanda kapatid nasa ICU.

Namumutla at naninilaw ang kulay ng katawan.

Puti ng pag-asa at kabanalan.

Luntian ng tuluyang paggaling at pagtamo ng ginhawa. Harinawa.

Sa Pasko ang pagsilang ni Hesus, ang pinakahihintay, ang pagsalubong sa bagumbuhay.

Kulay buhay ang Pasko.

Mabuhay tayong lahat sa Pasko.

Mga nakakatuwang karanasan sa pagtulong ko sa kapwa sa panahon ng disaster

Filed under: 1,Kapilipinuhan,Sikolohiyang Pilipino,Talambuhay — bakasbukas @ 1:27 umaga

May hiling ang aking kaibigan si Girlie: MC, magsulat ka ng masaya naman. panay disaster ang FB notes at photos. something to make our future better than our past.

Sa totoo lang, hindi madaling magpatawa o magbigay ng saya kung kaharap mo ay kalunos-lunos at kaawa-awang kalagayan. Maging ang pagsulat ko ng series (itutuloy) na blogs hinggil sa martial law (“Flash mob ngayon, lightning rally nuon”), mga ghost stories sa karanasan ng mga immigrant na Pinoy, at ang aking ‘soul mates” series, ang lahat ay naantala dahil sa Ondoy at Peping.

Wala pa akong buwelong magkwento ng may kwenta. Pero yayamang nasa disaster at Operasyong Tulong mode pa rin tayo, isalaysay ko na rin ang kakaibang karanasan ko sa OT dito sa Amerika at maging sa Pilipinas.

Simulan ko sa San Francisco. Taong 1997, nasunog ang Delta Hotel, ang tinitirhan ng mga bagong saltang beterano (mga 200 na World War II veterans). Kinailangan ilikas mula sa tinupok ng sunog ang mga matatandang beterano sa Recreation Center bilang temporary shelter. Ang magaling naman dito sa Amerika, mabilis ang saklolo ng Red Cross, ng fire department at city departments. Gayun pa man, malaki ang papel naming service providers sa non-profit agencies dahil kami ang tumatayong tagapaggitna or cultural interpreter sa pagitan ng mga nasunugan at ng mga relief agencies.

Isang malaking adjustment ng mga nasunugan ay ang pagkain. Ang Salvation Army ang ahensiyang may responsibilidad magpakain sa mga nasunugan. Sa unang araw sa evacuation center ang dinalang pagkain ay mash potatoes, Italian spaghetti, steak at salad sa lunch. Sa dinner, lentil soup, lasagna, salad at fried chicken, at sa breakfast naman, fried eggs, sausages, bacon and toasted bread.

Isa-isa namin kinukumusta ang mga beterano. Marami sa kanila ang nagsasabing gutom pa rin sila. Tanong namin bakit, ang sasarap naman ng pakain sa nila. Simple ang sagot nilang lahat, “Kasi, wala silang sini-serve na kanin!”

Binanggit namin sa Salvation Army ang minor complaint ng mga beterano. Pero wala daw magawa ang Salvation Army kasi iyon daw ang pinapadala ng kanilang kitchen headquarters. Kaya’t ginawa namin nag-solicit kami sa Ling Nam, (volunteer kasi ang anak ng may-ari). The next day may kanin na at fried rice pa, ala Ling-Nam. Pagdating ng hapon at kinumusta namin sila. Gutom na naman daw sila. Nagtataka kami kung bakit? Simple lang sagot nila. Sa pilaan kasi, nakikipag-unahan ang mga itim(negro) at homeless, sa pagkuha ng pagkain, yun Ling Nam fried rice ang kinukuha,walang natira sa amin kaya’t tulad ng dati ulit – mash potatoes, pasta at salad ang naiwan sa amin.

Dahil sa nasunugan, kailangan ng mga beterano ang mga damit at kasuotan. Kaya’t nagpadala ng volunteers ng Red Cross para gumawa ng intake-assessment interview sa bawat isang nasunugan. Pagkatapos ng IAI binibigyan ng clothing voucher sa Macy’s Department Store (isang upscale store) ang mga nasunugan. Napansin namin pagkatapos ng IAI, nagkakaroon ng argumento ang mga beterano. Lumapit sila sa akin, “MC, bakit $75 lang natanggap habang ang iba ay $150?” Nagtataka din ako. “Ano po ba ang tinanong sa inyo,” taonong ko. “Do you have dress and shoes?” Ang sagot ng iba “none its all gone because of the fire and water,” at lumapit ako sa isang tatang na tipong nalamangan, “Ano naman po ang sinagot.“Of course, I have, I wear them all the time.” Ayun, worth $75 ang sagot ni Tatang. (Mahirap kung minsan ang may-pride at mayabang, nalalamangan.)

Ang advise namin sa Salvation Army sa pagdidistribute ng damit, sa halip na bigyan ng isa-isa at susukatin pa, ilagay na lamang ang lahat ng damit na binibigay o nakalaan para sa mga nasunugan sa isang malaking conference room sa katabing apartment, at tanging mga nasunugan lamang makakapasok at malayang makakapili ng kanilang damit at kasuotan na kanilang kailangan. Fair ang arrangement, kaya’t iniwan namin ang mga beterano sa Knoxx Apartment pagkatapos namin ipinaliwanag ang instruction ng Salvation Army.

Kinagabihan, binisita namin ang mga beterano, at may bitbit na biniling balikbayan boxes. Ang usisa ko, “Para saan po ba ang mga binili ninyong balikbayan boxes na iyan?” Simple lang naman ang sagot nina tatang. “Ang dami namin napiling damit sa Knoxx, sa akin dalawang balikbayan boxes, ipapadala ko sa mga kamag-anak ko sa Pilipinas!”

Nasunugan na, mga iniwang kamag-anak pa rin ang iniisip ng mga beteranong Pinoy sa Amerika!

Iyan ang Pinoy. Itutuloy ko pa ang ibang kwento sa susunod… Abangan.

Mayo 26, 2009

Komentaryo ni ZAS sa blog “Katalik na kaibigan, mayroon ba nuon” sa Facebook…

Filed under: Kapilipinuhan,Panayam-Pananaw,Sikolohiyang Pilipino — bakasbukas @ 1:50 umaga

MC, bahagi sana ito ng maaari nating pag-usapan pag masaglit ka uli rito sa Pinas. Ngunit heto na muna ang aking masasabi.

Naipahiwatig ko na sa komentaryo ko sa iyong “LOST” na ang kaisipan dito (laluna iyong kaugnay ng ideya ng pagkakaiba ng bespren at asawa) ay nakapaloob marahil sa hangganan ng kabihasnang Pilipino at ng banyaga at … Read Morematatagpuan siguro sa mga “nakapag-aral” at nakararanas ng proseso ng akulturasyon sa Kanluran (i.e., ang tibak noon sa Pinas at nanatiling ganito sa Amerika vs. ang kabataan sa kasalukuyan sa Pinas na wala o katiting lamang na mayroong ideolohiya). Itong huli (i.e., “nakapag-aral” at akulturado sa Kanluran, laluna sa bahagi nitong Amerikano) ay may iba-iba pa ngang kilos at ugali ngunit pulot pa nga sa Amerika — cf. halimbawa ang konsepto ng “boylet” na maaaring humantong sa kaso at kilos ni Dr. Kho, bagay na tila naroon na noong panahong bata-bata pa si Vilma Santos na naging biktima rin tulad ni Katrina. Sa kabutihang palad, tila hindi maihahalintulad ang penomenong ito sa iyong karanasan, MC. Partikular, dahil sa ipinapasok mo ito sa domeyn ng pagteteorisa at pang-unawa.

Sa palagay ko, hindi naman masasabing di-pangkaraniwan ang iyong karanasan. Mababasa mo ang kahawig nito sa mga nobela at mapapanood sa mga pelikula ng Kanluran. Ang konteksto lamang siguro ng pakikibaka laban sa nakaraang diktadurya ang magbibigay ng kaunting local color sa iyong istorya. Ngunit ganito rin ang konteksto ng isang nasalin kong tula (ni Paul Eluard) mula sa Pranses na tumutukoy sa pakikibaka laban sa mga Nazi:

Curfew

Ano pa nga ba’t may bantay sa pintuan
Ano pa nga ba’t kami’y nakakulong
Ano pa nga ba’t barado ang daan
Ano pa nga ba’t gapi ang lunsod
Ano pa nga ba’t ito’y nagugutom
Ano pa nga ba’t sandata nami’y nasamsam
Ano pa nga ba’t kumagat na ang dilim
Ano pa nga ba’t kami ay nagmahalan.

Hindi pinoproblema rito ang pagtatalik dulot ng kalituan ng isang babae na hahantong sa pag-ibig nito sa lalaki. Wala ring kasunduan. Wala rin ang nakatataas na status ng lalaki ni ang dependensya ng babae sa kanyang asawa (na hinahadlangan ang kabiyak na magpatuloy ng pag-aaral) na ipagpapalit sa dependensya sa nakatalik at patuloy na kinakatalik na lalaki na magbibigay sa babae ng pagkakataon na magtapos ng kanyang kurso. (Biro: kung ako’y peminista… masasabi kong may pagsasamantala rito sa babae na dumaranas ng kalituan o dili kaya ay hindi nalilibugan sa kanyang asawang wala pa sigurong karanasan dahil sa kabataan). May mga kahawig ditong kuwento sa Pinoy Spy erotica. Mabuti na lamang at nasa lebel ng kaisipan kung hindi man pilosopiya ang iyong pagkasalaysay. Gayumpaman, mas naging romantiko at madamdamin (tulad ng makikita sa tula) sana ang istorya kung magkapantay ang dalawang nagkatagpo sa teritoryo ng libog.

Nasa twilight zone ng kabanyagaan at ng kapilipinuhan ang iyong kuwento. Kung baga sa pelikulang Ingles may pagka-“Brief Encounter” ni David Lean (na kinopya naman ng Hollywood sa “Falling In Love” ni Ulu Grosbard) ang nangyari, liban sa pangyayaring sa orihinal na bersyong Ingles hindi itinuloy ang dapat at gustong mangyari ng dalawa samantalang sa bersyong Hollywood natuloy pa rin dahil sa nagkita muli ang dalawa (hindi na nagkita muli ang magsing-irog sa bersyong Ingles dahil nangibang-bansa ang lalaki (tulad mo!!!).
Sa konteksto ng kabihasnang Pilipino, mas “praktikal” ang maaaring solusyon. Maaaring iwanan na lamang ng babae ang kanyang non-performing na bana at sumama na lamang sa lalaki. O kaya pabalik-balik na lamang ang lalaki at ipagpapatuloy ang “relasyon” (Pinoy Spy Erotica). Kung madiskubre, trahedya (sori na lang).

Mas kumplikado ang iba’t ibang solusyon ng Pinoy sa mga problemang duloy ng libog. Pakibasa ang nabanggit kong papel tungkol dito. Ngunit mas romantiko ang konsepto ng “kabiyak” at ang paghahanap ng magkabiyak sa isa’t isa. Ang magkabiyak ang dalawang nilalalang na katulad ng biniyak na niyog na mabubuo lamang kung mahanap at mapag-isa ang dalawang bahagi. May kinalaman din ito sa dalawang nilalang sa loob ng pinagmulan nating lahat na kawayan na tinuka at biniyak ng ibong Timamanukin, simbolo ni Bathala. Heto (na naman!!!???) ang isang tula ko:

Kabiyak

Bihag nga ba tayo ng Panahong walang
Hanggan buhat noong lisanin ang Silid
Na s’yang itinakda ng Ibong lumalang?
Magtatahan na lang ba tayo sa gilid
Bunga ng pagsabog ng ating pag-ibig
Na nagmulang Isa at walang maliw?
Ngunit ang dami ngayong patak ng tubig
Ang hinahanap ay kapwa niya’t saliw
Hiwalay mang kumislap sila sa araw!
Una mang naluto’t at unang babasagin
Ni Bathala akin ang panahong ilaw
Na labi para kita’y muling ibigin
Sa ibayo’t kagitnaan nitong mundo
Na s’atin nagmula’t sa atin din guguho.

Maipapaloob kaya sa dalumat ng Kabiyak ang tatlong anyo ng libog at paggiliw na iyong inilahad? zas

Katalik na kaibigan, mayroon ba nuon?

Filed under: Kapilipinuhan,Sikolohiyang Pilipino,STR(TalamBuhay),Talambuhay — bakasbukas @ 1:19 umaga

Naiiba talaga ang nagpoposting sa Facebook. Nakakatuwa at nakakataba ng puso, pero nakaka-inspire sa pagsusulat, maging ito ay “pangungumpisal” o pagbubukas sa mga paksang matagal ng ibinaon sa ala-ala. Mga kabatanatang naisalaysay na sa ilang piling tao nuon, pero sa mga Facebook friends masarap sariwain at maging bahagi ng ating “collective memory.”Malay natin maari rin itong pagdulutan ng aral sa buhay.

“Talagang parang ‘confessionals’ ang iyong mga blogs, MC, o mas angkop sa ating wika ‘hango sa buhay, tungo sa buhay,’” ang koment ni Ed (dela Torre) sa aking huling blog “I am LOST. At gusto kong I-share sa inyo,”( Facebook note May 21; at (http://bakasbukas.wordpress.com/2009/05/24/i-am-lost-at-gusto-kong-i-share-sa-inyo/, posted May 24).

Ang susog naman ni Zeus (Salazar o ZAS) “Bagamat di ako gaanong komportable sa pakikinig sa pangungumpisal (Katoliko) o kaya sa katumbas nito sa Partido, inaamin kong medyo — medyo-medyo lang — akong naantig sa iyong pagtatapat at pagbubukas ng loob at loobin at niloloob… Gayunman, kahit papaano,dahil napapahanga ako sa paghahayag ng iyong pagkatao…”

Ang nag-udyok sa blog ko ngayon ang tinukoy ni ZAS kay Ada (Javellana Loredo). Ang posting ni Ada “I’m beginning to understand, isa lang pala ang Love, hindi iba-iba. Ang expressions lang ang nag-iiba,depende sa social and cultural (and other) norms… For example, ang love mo sa best friend at love sa asawa, pareho lang kung totoo kang nagmamahal. Kaya lang, with your spouse you have sex as an option to express this love. I can love my best friend truly, like take a bullet for her, but i don’t have sex with her.”

Iba ang pananaw ni ZAS: “Sa palagay ko batay rin sa libog kapwa ang pag-ibig, pagmamahal, pag-irog, atbp. na humahantong kapwa sa pag-iisang-katawan at pag-iisang-dibdib.” Dagdag pa niya,“Ang kumakalat na konseptong ‘bespren’ ay tila mula sa ilang pelikulang Merkano at Ingles. Laganap sa kabataan ngayon dito sa Pinas ngunit di gaano siguro naiintindihan sa konteksto ng dating kalinangang Pilipino.”

Hindi ko layon ang magpalawig pa ng mga nasimulang talastasan at talakayan dulot ng aking blog. Sa totoo lang, nais ko muling mag-share ng isang dahon ng aking kasaysayang hitik sa pag-iibigan. Ito ang relasyon ko kay MK dalawampung taon na ang nakakalipas.

Nakikilala ko si MK bilang asawa ng aking dating estudyante. Aktibista ang mag-asawa kaya’t madalas sa mga training o live-in seminar ko lamang sila nakakahabilo, lalu na kung ako ang lead facilitator o resource person. Madalas sa mga ganitong seminar, pagkatapos ng klase o scheduled sessions, sa gabi bago tulugan, nagkukukumpulan at nagkakasayahan ang mga participants. Kung minsan, nagkakaroon pa ng inuman, lalu na ang mga kalalakihan.

Minsan, sa isang seminar sa may Antipolo, lumapit ang isang babaing kalahok, at inimbita ako sa kanilang grupo. Anim daw sila, puro kababaihan, lahat ay may asawa, at gabi-gabi ay nagkakaroon silang “support group session.” Ang pinag-uusapan nila ay ang kanilang buhay mag-asawa at ang hindi lubusang maintindihang pag-uugali at kilos ng kani-kanilang asawa. Sa pag-imbita nila sa akin, ninanais daw nilang marinig ang maaring pag-iisip at attitude ng isang lalaki. Sa limang gabi sa seminar house, nakadalo ako sa dalawang huling session nila. Kasapi si MK sa grupo.

Nang matapos ang seminar, nagsiuwian na ang mga participants, at ako naman ay tumuloy sa tinitirhan kong bahay sa Quezon City, hindi ko sukat akalain ang bumisita sa akin sa gabi, si MK. Ang bati niya, “Pupwede ba akong makisilong sa iyo ngayong gabi. Ayaw ko pang umuwi sa aming bahay kasi.” Pinatuloy ko si MK. Nababakas ko sa kanyang mukha na gusto niyang makipag-usap sa akin.

Mag-isa lang akong nakatira sa bahay ng utol ko nuon, kaya’t pinakita ko ang buong bahay ko. Sinabi ko mag-“feel at home” siya at tinanong ko kung saan siya “feel comfortable” makapagkwentuhan. Banggit niya sa akin, “Pupwede ba sa kwarto mo tayo mag-uusap.”

Hinayaan ko siyang maging relax at palagay ang loob sa aking tinitirhan. Nakangiti at nababakas ang kanyang kasiyahan sa pagbibigay ng magandang loob. Gayun pa man, natatalinghagahan ako sa binuksan niya ng paksa.”Nagpapasalamat ako sa pagsali mo sa usapin ng aming grupong kababaihan, lamang ang feeling ko kulang ang paglalaad ko ng aking buhay may asawa. Parang hindi ko kayang ma-share sa kapwa ko babae ang sadyang nararamdaman ko. Hindi ko alam kung bakit. Kaya ako nagtuloy dito kasi nararamdaman ko na higit mong maiiintindihan ang feeling ko.”

“Hindi ko alam kung babae pa ako?” ang buntong-hininga niya sa akin. At sinimulan niya ang pagkukwento sa kanyang pasaning-kurus sa ilalim ng kanyang asawa. Napansin ko ang pagbabago ng aming kapaligiran sa aking kwarto. Ang dating ngiti sa kanyang mukha ay nagiging suklam, may tinatagong galit, di mapalagay, nababanaag ang lungkot at sama ng loob, kahit na mahinahon at banayad ang kanyang pagsasalaysay.

Inulit niya ilang beses ang tanong,“babae pa ba ako?” Bakit hindi niya feel kapag nagsi-sex sila. Dahil ba madalas ang may gusto lang ng mag-sex ang asawa, at ni minsan hindi siya tinanong kung gusto rin niya? May hindi tapos at maipaliwanag na galit ang asawa sa kanyang sariling ama, bakit sa akin niya ito pinapasa, ako ang rin nasasaktan, nakakasakit ito ng katawan at ng buong katauhan? Pinabayaan ko siyang maglabas ng sama ng loob at kanyang nararamdaman ng oras na iyon. Napapaluha siya sa pagsasalaysay. Habang nagbabahagi siya ng karanasan, hindi namin namalayan, sa taimtim ng pagsasalaysay, magkadikit na aming katawan, parehong hubad, magkayakap sa buong magdamag.”

Tahimik ang gabi, madilim ang buong kapaligiran, at ang tanging buhay ay aming hinihinga, ang kaluskos ng aming katawan,habang nagsasalaysayan ng kanyang dinadamdan. Sa pagsapit ng bukang-liwayway, napansin ko ang kakaibang ngiti sa kanyang mukha kahit may bakas pa ng luha ang mata. Simple lang sinabi. “Maraming salamat sa gabing ito. Maari ba akong bumalik uli?

Hindi ko na hinintay pa ang pagsikat ng araw, bago siya magpapaalam at aming paghihiwalay, sinikap kong magkalinawan kaming dalawa. At sumang-ayon naman siya. Una, kaming lamang dalawa ang makakaalam nito, kung anuman iyon. Pangalawa, kung sakaling mauulit pa ang ganitong gabi, ang layon ay hindi para magkahiwalay silang mag-asawa kundi para maayos at maging buo ang loob at sarili. Pangatlo, ni isa sa aming dalawa ang dapat ma-in-love, kapag isa sa amin ang nagpahayag ng pagmamahal, tatapusin kaagad ang aming “affair.”

Okey naman sa kanya. Okey din naman sa akin ang mga “ground rules” ng aming “affair.”Buong puso at sinikap naming maging consistent sa aming kasunduan. Magmula nuon halos tatlong o apat na beses sa isang linggo, siya ay dumadalaw sa aking tinitirhan.

Sa pagpapatuloy ng kanyang pagsasalaysay at sa mga gabi ng pagsisiping, nakakita ako ng kanyang kahinaan na marahil ang siyang tini-take advantage ng kanyang asawa, ito ay ang economic independence. Ang mister niya ang siyang may hawak ng bulsa, dependent siya sa kanya. Nalaman ko pa na si MK ay hindi nakatapos sa kolehiyo, isang semester na lamang ang kulang, pero pinipigilan ng asawang bumalik siya sa eskwela, dinadahilan ang kanilang anak. Minungkahi ko kay MK na mag-enrol nuong semester na darating, at sisikapin niyang tatapusin ang kanyang kurso. Ako ang tutustos sa kanyang gastusin sa pagbabalik niya sa eskwela. Naiisip na lamang kaming “dahilan” o “cover” kung sakaling malalaman ng asawa ang kanyang pagbabalik-eskwela. Ganoon nga ang ginawa ni MK.

Mahigit sa anim na buwan ring nagpatuloy aming “affair.” Tanging dalawa lamang ang nakakaalam. Maliban sa aking kwarto, hindi kami nagtatagpo o nag-di-date. Hindi nagtatawagan sa telepono. Paminsan-minsan nakikita kami sa mga rali at kilos protesta, normal lamang ang batian. Dahil kaibigan ko ang kanyang asawa, hindi maiiwasan na makatagpo-tagpo kaming tatlo. Minsan, niyaya ako ng kanyang asawa na sunduin si MK sa isang NGO. Sumama naman ako. Nabigla si MK ng makita kami, pero hindi nagpahalata. Ang asawa naman niya, siguro dahil dati kong estudyante, ay excited sa pagpapakita ng kanyang “expression of love,” habang sabay-sabay kaming naglalakad patungo sa sakayan ng bus, very sweet at masigla, pati ang kanilang pag-akbay, kilos at galaw. Kinagabian ng araw na iyon, dumating si MK sa bahay, “Iba talaga ang asawa ko kapag may ginagalang siyang tao, katulad mo, sweet-na-sweet ang pakita parang wala kaming problemang dalawa.”

Isa akong balikbayan at ang stay ko sa Pilipinas ay hindi dapat tumagal ng isang taon. Tatlong linggo bago ang lipad ko sa Los Angeles, hindi na nagpapakita si MK sa bahay. Wala rin akong balita kung nasaan siya. Ina-avoid kong magtatanong sa mga kaibigan niya. Ang kutob ko darating din siya bago ako lilisan papunta sa US. At tama nga ang kutob ko. Dumalaw siya sa bahay the night before my flight. Niyakap niya ako ng mahigpit at hinalikan. Paalis na ako kaya’t ayaw ko ng usisain pa kung bakit hindi na siya nagpakita sa akin ng ilang linggo. Muli simple lang sinabi niya, marahil nababasa niya sa aking mukha na gusto ko ring malaman rason ng kanyang pagtigil sa pagpunta sa bahay.

“Ginagalang kita. Ginagalang mo ako. Sa ilang buwan nating pagsasama, kahit mga nakaw na sandali lamang ang mga ito, alam ko na kilala-kilala mo na ako, aking pagkatao at kaibuturan ng aking dinaramdam.Ganoon din ako. Kilalang-kilala kita. Parang matagal na tayong nagkatagpo. Tiniis kong huwag tayong magkita nitong nakaraang linggo, kasi ayaw kong kusa kang lalayo ka sa akin. Ang kasunduan natin, kapag ang isa sa atin ay na-in-love o papunta na duon, iyon na rin ang katapusan ng ating relasyon. Napamahal na ako sa iyo. Since aalis ka na rin mamaya at magkakalayo na, at least, naglakas-loob akong sabihin ito sa iyo. Maraming salamat sa lahat-lahat.”

Nuong araw na iyon din natapos ang kabanata namin ni MK. Mahigit sa dalawang taon bago nakabalik muli sa Pilipinas. Sa dalawang taon yaon, wala kaming komunikasyon at balitaan ni MK. Hindi ko na nalaman kung ano’ng nangyari sa kanya at sa kanilang mag-asawa. Tuwing nasa Pilipinas naman at nakasalubong ko ang kanyang asawa, madalas ang bati niya sa akin, “Kumusta ka raw sabi ni MK”; nangyari ito nuong 1990 at 1994.

Nuong 1995, sa linggo ng aking kasal nagkatagpo kami ni MK sa Quezon City. Yun’ ang last naming pagtatagpo. Tumuloy lang kami sa Wendy’s,umupo at nagbalitaan sa mga nagdaang araw o taon aming mga buhay. Binati niya ako sa nanalapit kong kasal. At nababakas ko ring sigla sa kanyang ngiti dahil may binabalak rin niyang magpakasal sa kanyang bagong kinakasama niya. Matagal na raw siyang humiwalay sa dating asawa niya, masaya siya ngayon sa kanyang buhay at pinagtapat daw niya sa kanyang magiging asawa ang naging papel ko sa buhay niya.

Pinili ko ang MK sa pagsasalaysay dahil siya ay isang Matalik na Kaibigan. Hindi kami naging magsyota, boyfriend-girlfriend, mag-sweatheart, magkatipan, o maging anumang term ng lovers. Totoo, nuon nagsisiping kami sa kama, nagtatalik at nagtatagpo ang aming katawan, pero kami lamang dalawa ang sadyang nakakaunawa sa ginagawa namin. Ang aming pagtatalik ay nagdulot ng pagbubuo ng aming sarili at pagkatao, mabuti ang binunga nito sa kanya at maging sa akin.

Twenty years ago wala akong term sa aming ginagawa o affair ni MK, ngayon 2009, sa Facebook generation, ang napulot kong katawagan ay “CARE OF THE SOUL” o sa ating katutubo at sinaunang kulturang Pilipino ito ay “pagbabaylan,” lamang sa ritwal ng babaylan kalahok buong pamayanan. Kami lamang dalawa ni MK dito, kaya’t kami ay matalik na magkaibigan.

Sana mabigyan pa ng unawa ito ni ZAS.

Mayo 24, 2009

I am LOST. At gusto kong i-share sa inyo.

Filed under: Kapilipinuhan,Sikolohiyang Pilipino,STR(TalamBuhay),Talambuhay — bakasbukas @ 4:27 umaga

Tulad ng naisulat ko, ako ang may bertdey ako dapat ang mamimigay at magpapakain. Birthday ko, blow-out ko ika nga. Hindi lamang iyon, ika-14 wedding anniversary ko kahapon (May 21). Sa tradisyon ng kasalan, kayo naman ang magre-regalo sa amin. Patas lang di ba?

Gusto ko mang magpakain, pero hindi ko magawa, ayaw ko naman magpadala ng virtual food, kaya’t i-si-share ko na lamang sa inyo ang aking “food for thought”sa buhay dahil itinuturing ko kayong hindi iba na sa akin.

Katulad sa nabanggit ni Ada (Javellana-Loredo) sa kanyang posting, ang matagal na patnubay ko sa buhay ay ang pagiging “OPEN SINCERE and TRUE”, ang pagiging BUKAS, MATAPAT at TOTOO.

Bakit OST?

Una, ako ay BUKAS. Sa mga magulang ko natutuhan ang pagiging bukas; kung bukas ka daw, magiging bukas din sa iyo ang ibang tao. Gayun din kung sarado ka raw, huwag mong asahan ang iba maging bukas sa iyo. Di ba parang ‘golden rule’ din. Ang pagiging bukas ay ang diwa ng pakikipagkapwa-tao at pakikipag-palagayang-loob. Kaugnay ito sa pagbati sa labas ng bahay ng “Tao Po,” at ang taumbahay ay tutugon naman ng “tuloy po.” Ang aktitud ng bukas ay ang maging magaan ang loob at madaling kapalagayang-loob.

Sa aking pagtanda, sa paghahanap at pagharap ko sa samut-saring pananaw at pilosopiya sa buhay, ang pagiging bukas o open ay katumbas ng pagiging liberal sa Ingles mula sa salitang Latin na “liber” o “free” (tulad ng liberty). Sa ating Pilipino, ito ang laya at layaw. Maging malaya at malayaw ay mabuti. At sa aking pagiging aktibista natutuhunan ko, at naging paniniwala na rin, na ang mga bagay-bagay ay hindi GANAP, TAPOS at YARI, at ang lahat ng bagay sa mundo ay NAGBABAGO. (Hindi ba magaling na katangian ng isang aktibista ang pagiging bukas at liberal?) . Ang pagiging bukas ay handang tumanggap sa pagbabago, maging sa pagbabago ng sarili at paniniwala.

Pero hindi sapat ang maging bukas lamang; maluluwa ka kung bukas na bukas ka, at magiging pasukan-labasan ka na lamang, daan-daanan, wala itong salaan, pini-pinipili at paninindigan, kaya’t kailangan sa pagiging bukas ay ang pagpasok-ng-loob, marating ang looban o niloloob na sa sikolohiyang Pilipino ito ay ang pakiramdam o damdamin. Mahirap dayain ang damdamin at niloloob. Karugtong ng pagiging bukas ay pagiging TAPAT o matapat. Sa Ingles ito ang katumbas ng pagiging SINCERE, mula sa Latin na sincerus, pure and genuine, tunay at tapat. Ito pangalawang patnubay, ang pagiging SINCERE, tiwala sa loob.

Kung ang tapat at tunay ay nasa larangan ng damdamin at pandamdam, mga subjective, papaano mababatid kung ang kilos at galaw ay tama o mali, wasto o di-wasto, angkop at taliwas? Dito mahalaga ang susunod na patnubay, ang paggamit ng unawa at isip, at ito ay ang pagiging TOTOO, ang pangatlong patnubay. Ang pagiging totoo ay naaayon o nakabatay sa realidad at kinaiiralan o sa Ingles, “agreement with fact or reality.” Sa aking karanasan, para maging TOTOO kailangan maging objective, gamitin ang pagsusuri at pag-analisa (napapaghiwalay o napapagsama-sama), ginagamit ang pag-iisip at hindi lang nadadala sa simboyo ng damdamin. Sa mga Marxista maari itong ihalintulad sa “concrete analysis on concrete condition.”

Naalala ni Ada ang mga nabanggit ko nuon, “dapat BUO ang ‘I’ para magkaroon ng ‘WE’ na healthy.” Sa pagkakaroon ng patnubay sa buhay na OST o bukas-tapat-totoo, magiging buo ka sa maraming larangan tulad ng pakikipagkaibigan, sa trabaho at hanap-buhay, sa propesyon o karera, sa gawaing aktibista, pag-handle ng mga workshop o pagtuturo sa klase, sa pakikipagrelasyon, boyfriend-girlfriend, at maging sa pag-aasawa at pagpapamilya. Sinisikap maigpawan ng OST/BTT ang anumang “insecurities,” kakulangan at alalahanin sa buhay. Susi ang OST sa pagkakaroon ng “peace of mind” o kapanatagang loob, ginhawa at kaligayahan sa buhay. At least masasabi ko sa aking karanasan.

May kasaysayan din kung bakit naging LOST ang dating OST. Sabihin na natin bagamat nasa loob ko ang pagiging OST, pagdating sa pag-ibig at pakikipagrelasyon ay hindi ko magawa nuon, ‘alang biro’ (Bilang katibayan basahin ninyo ang blog at posting kong “Ang fuffy love ng isang tibak”). Hindi naman ako torpe o natyo-tyope sa harap ng mga kababaihan. Nauuna lang siguro ang aking utak sa puso –“love is not looking at each other but looking together in the same direction.”

Marahil pihikan ako nuon; ang hinahanap kong maging “ka-relasyon” ay katulad kong mayroong OST pananaw din. At maaring ayaw ko lang tanggapin sa aking sarili na sadyang may takot ako sa isang komitment dahil ang komitment ko nuon sa loob-loob ko ay ang “paglilingkod sa sambayanang Pilipino, buhay ko man ay iaalay,”(wow, bigat!) at natatakot akong malihis o ma-distract dahilan sa tendensiya ng love ay nagiging “self-centered.”

Nagpapasalamat ako kay Roy, ang asawa ni Ada, na siyang nagbigay daan sa aking OST sa larangan ng pakikipagrelasyon o pag-ibig. Minsan, mayroon nagkagusto sa akin nuong nasa IBON pa ako. Sa mata ng kasamahan ko siya ay isang burgis o galing sa pamilyang burgis, isang kolehiyala sa Maryknoll College, at hindi siya tibak. Nagkalapit kami dahil bukal akong tumulong sa kanyang ginagawang research sa kanyang term paper sa klase. Nagdi-date kami nuon pero patago. Tandang-tanda ko ang reaksyon ni Roy ng nalaman niya na may dini-date ako, pero hindi buo ang loob. “MC, ipagpatuloy mo ang pakiki-pag-date mo sa kanya, huwag alalahanin ang sasabihin ng grupo (kolektib) natin, pasukin mo ang relasyon, kung sadyang kayo ay okey, at kung mabibigo ka naman, at least dagdag iyan sa iyong karanasan, lalu kang titibay bilang ikaw.” Sinunod ko ang payo at naging girlfriend ko siya ng mahigit sa tatlong taon. (Nagsurvey ako sa kolektib namin nuon 8-1 ang iskor, si Roy lang sumasang-ayon makipagrelasyon ako sa nasabing “college girl”!)

Naging LOST ang OST nang dumating ang babae sa buhay ko, ang asawa ko ngayon at ina ng mga anak ko. Simula pa lamang kaming magkita nararamdaman ko, o namin, na kami ay para sa isa’t-isa. Kung susundin ko ang payo ng mga matatalik kong kaibigan, sina Chuchi at Clark, hindi dapat kaming nagkatuluyan. Maraming balakid. May nagtataka pa nga at nangungutya, katulad ni yumaong Bulletx (Marasigan). “MC, iba ka rin, para kang si Balagtas,” ang madalas na biro ni Bulletx sa akin, “O’ pag-ibig na sakdal makapangyarihan kapag napasok sa puso ng ninuman, katulad ng aking kaibigan, nagiging tanga kahit matalino naman!”

Pag-ibig. Pagmamahal. Love. Loving. Passion. Ito ang una sa LOST pero huling natanto na likas pala ito sa akin at nasa kaibuturan ng aking pagkatao. Ito ang matagal na binabanggit sa akin ng aking mga kaibigan at kakilala, ang galing o epektibo ko raw sa pop-ed /pagtuturo ay hindi lamang sa skills o knowledge, kundi ang pagbibigay ko ng aking sarili na buong-buo at makabagbag-puso. Nakikita daw ang pagmamahal ko sa aking ginagawa at sa buhay na aking pinili. Sa aking pagmuni-muni, totoo nga sinasabi ng aking mga kaibigan.

Nang natagpuan ko ang aking soulmate, si Emily, (sa iba posting/blog ko ito tatalakayin), at ng narinig ko ang lyric sa awit ni Michael Feinstein “Friend”- “Love is rare, life is strange, nothing last, people change” (Ang pag-ibig ay sadyang bibihira, ang buhay ay matalinghaga, walang tumatagal, tao’y nagbabago)– ako ay hindi lang in-love, ako ay LOST. Naging patnubay naming mag-asawa ang LOST. Loving-Open-Sincere-True. Ito ang pagkakaroon ng kaluluwa (soul) at tiwala sa sarili, sa bawat isa, sa buhay, sa kapwa at sa ibang tao, at sa Poong Maykapal, diyos ng kalikasan.

Sa aking bertdey at anibersaryo ng aming kasal, hinahandog ko sa inyo ang patnubay LOST sa buhay. Sana ikatataba rin ito ng iyong mga puso. Maraming salamat sa pagbati.

Hapi bertdey to me…, ay mali!?!

Filed under: Kapilipinuhan,Sikolohiyang Pilipino,STR(TalamBuhay),Talambuhay — bakasbukas @ 4:24 umaga

Oo na. Birtdey ko sa Biyernes. May 22. Wala akong kawala kasi naka post ito sa Facebook profile ko.

Sa bertdey ko pa sana ipopost ito. Naunahan ako ni Girlie na batiin sa kanyang email (Monday ng hapon US Pacific Time). Parang alangan kasi sa isang Pinoy katulad ko na may loobing kapilipinuhan, ang magbungad sa mga kaibigan at kakilala sa iba’t ibang lupalop ng mundo na ‘bertdey ko, batiin naman ninyo ako.” Parang hindi Pinoy ang dating.

Ano nga ba ang Pinoy na pagdiriwang ng kaarawan o bertdey?

Tumanim sa isip ko ang katanungan ito nuong minsang nagkaroon ng “surprised birthday party” para sa akin dito sa San Francisco. Hindi ako nabigla sa surpresang pinaghandaan ng aking mga kasambahay na pawang Filipino American (ibig sabihin Pilipino sila pero pinanganak at tumubo na sa Amerika). Sila ang nabigla sa aking nasambit: “Ako ang may bertdey, ako dapat ang mag-blow-out!” Gayun pa man, naging masaya ang party. Pagkatapos at nag-alisan na ang mga bisita, itinuloy naming magkakasambahay ang talakayan hinggil sa bertdey ng mga Pinoy.

Kumakapa pa ang mga kasambahay kong Fil-am sa kanilang kapilipinuhan, Ingles lang kasi ang itinuro sa bahay ng kanilang magulang, at nang magkaedad at magtapos ng kolehiyo ipinasya nilang mapalapit sa “Filipino community” at matuklasan nila ang kanilang “Filipinoness” at sarili kaya’t kinausap ako na magsama-sama kami sa uupahang Apartment. (Binata pa ako nuon.). Ang living arrangement namin ay parang isang klase. Natuto sila sa akin at natuto rin ako sa kanila. Sa diskusyon namin hinggil sa pagdiriwang ng kaarawan, para bagang “sumabog,” ang talagang salin ng “blow-out” sa Tagalog, ang kanilang utak sa pag-uunawa sa kagawiang Pilipino. Laluna sa pagpilit ko na ‘bertdey ko, blow-out ko,” at hindi “birtdey ko, blow-out nyo.”

Napansin ko sa Amerika, maging sa mga siyudad sa atin, ang pagdiriwang ng bertdey ay may kaibahan sa aking nasanayan. Sa araw ng kapanganakan, makakatanggap ang may bertdey, magmula sa kanyang paggising hanggang sa pagtulog, ng mga pagbating “Happy Birthday!” at mga regalo mula sa mga kaibigan at kamag-anakan. Kadalasan, ang tampok sa araw ang salu-salong kainan o “birthday party” na inihanda para sa may birthday. Kung minsan ginagawa pang “surprised birthday party,” yaong bagang walang kamalay-malay ang may birthday at bigla na lang may “happening” o kasayahan para sa kanya. Ang ganitong pagdiriwang ng birthday ay may bakas ng matandang tradisyon sa Europa na lumaganap sa halos lahat ng dako ng daigdig.

Ang sinaunang kaugalian sa Europa ay kaugnay sa paniniwala sa ispiritu, may masama at may mabuti. Ayon sa matandang paniniwala, sa araw ng kapanganakan, ang may birthday ay kinakailangang mailigtas sa mga masasamang ispiritu sa pamagitan ng pagbati sa kanya ng “Happy Birthday,” paghandog ng regalo o “gift” at pagkakaroon ng salu-salo o “party.” Sasagot ang may birthday ng “Thank you!” sa mga “good wishes” ng mga taong malalapit sa kanya. Ang pagsindi at pag-ihip ng kandila (sa “birthday cake”) ay ginagawa nang hindi mamayani ang masasamang ispiritu. Ang hinihiling sa kaarawan ang mabigyan ng maganda at mabuting buhay, ngayon at sa hinaharap.

Ang pagsisimba o pagbisita sa simbahan sa ating kaarawan ay minana natin sa mga Kastila. Isang dahilan kung bakit ang pangalan ng ilan sa atin ay kinuha sa kalendaryo ng mga Santo at Santa.

Kung papansinin naman ang nakagawian nating mga Pilipino; ang may bertdey ang siyang nagpapakain at nagpapainom. Kung siya ay bata pa, ang kanyang magulang ang maghahanda. Ang paghahanda ay katumbas ng pagpipista; pasasalamat at pamamahagi sa biyaya ng Diyos. Ika nga ang may kaarawan ay mapapalad. Lalong pinapalaran ang nagbabahagi at tumatanaw sa kapwa, mga taong hindi na iba sa kanila. Kaya’t inaasahan na ang may kaarawan ang siyang magpakain at magpainom. Sa kainan, lalong napapalapit ang bawat isa, tumitibay ang pakikisama at pakikipag-palagayang-loob ng magkakaibigan. Kung kasali ka sa pagdiriwang itinuturing ka ng may kaarawan na hindi ka na ibang tao. Nuong nasa Baguio ako, ito ang nakita kong tradisyon ng Canao. Bago pa mag-Canao, naghahatid na ng pirasong karne ng baboy sa mga inaanyayahang dumalo sa pagdiriwang.

Dito rin pumapasok ang salitang blow-out o taya sa isang lakaran o kainan. Ang may birthday ang siyang maglilibre, ibig sabihin sagot niya ang lahat na gastusin sa lakaran, kainan at inuman. Ito ang pakahulugan ng mga Pilipino sa blow-out na malayo sa orihinal na kahulugan sa Ingles. Sa aking palagay, ang pakahulugang paglilibre sa blow-out ay lumabas sa pamumuhay sa siyudad, laluna sa mga opisina, pagawaan at sa kalakal. Kasabay nito ang nakagawiang KKB o kanya-kanyang bayad, sa kainan o sa lakaran. Sa Ingles tinatawag itong “dutch treat.”

Gusto mong makalibre, sama ka sa nag-bo-blow-out. Ang naglilibre ang siyang taya. Ginagamit ang salitang taya sa laro at sugal. Sa taya umiikot ang takbo ng laro, tulad ng taguan, siya ang may “it” hangga’t siya ay palitan. Sa sugal naman, itong taya ay perang nilalabas para lumago o manalo. Kung ikaw ang taya, ikaw ang inaasahang magbayad sa lahat ng gagastusin sa lakaran. Kung may itinaya, may panalo o kakabigin. Katulad sa sugal o sa laro, panapanahon lang. Sa ibang panahon, iba naman ang taya.

Sa kasalukuyang buhay natin sa Amerika mapapansin ang pagiging praktikal ng mga nagdiriwang ng bertdey. Pwedeng mag-tsip in (chip-in), tulong sa pagbayad, para hindi mahirapan ang nag-bo-blow-out. Sa halip na regalo, puwede ring mag-potluck, ang madadala ay mga makakain at maiinom. Mayroon ding hindi na nagdiriwang ng kanilang kaarawan. Mayroon din namang nag-bo-blow-out kahit hindi nila kaarawan. Basta trip lang. Napaghahalo na ang iba’t-ibang tradisyon sa bertdey.

Sa henerasyon ng Facebook at social networking, nagkakaalaman na ang mga tao sa bertday ng bawat isa. May magpa-prompt pa sa iyo kung nakalista ka sa online kalendaryo. Of course, kailangan bumati at kailangan ring magpasalamat. Maari pang magpapadala pa ng gift sa may kaarawan. Sa dami ng mga friends, halos buwan-buwan may friends kailangan batiin, at padalhan ng online gift, parang nagiging routine na ang pagdiriwang kung minsan.

Kung papansinin, ang bertdey tradisyon sa Facebook ay kanluranin, “bertdey ko, blow-out nyo,” (o regalo nyo), papaano kaya maisagawang kapilipinuhan ang pagdiriwang ng kaarawan, “bertdey ko, blow-out ko,” ang pagbabahagi ko ng aking natatamasang biyayang kaloob ng poong maykapal sa mga taong hindi iba sa akin, katulad ninyo. Paalala pa ng nagbibertdey sa mga kaibigan, “huwag kayong mawawala sa bertdey ko,” kasi nga gusto ng may kaarawan maisambulat ang biyaya sa mga dadalo, dahil sila mismo ang biyayang ipinagkaloob ng poong maykapal sa may kaarawan. Nagpapalasamat, bukal sa puso at lugud na ipinaabot sa dadalo na “mapalad ako kasi hindi kayo iba sa akin.”

Any suggestion? Sa Biyernes pa naman ang bertdey ko; makapag-isip pa akong pang-blow-out sa inyo.

Mayo 17, 2009

Komentaryo ni Prof. Zeus sa posting hinggil sa pagsuot ng pabaliktad kapag naliligaw

Filed under: Este-Poste,Kapilipinuhan,Sikolohiyang Pilipino — bakasbukas @ 10:25 hapon

Napakaganda ng maikling papel na ito, laluna ang mensahe ng pagpapakatao, pagpapakatotoo, pagbabalikloob-sa-bayan (hindi lamang pagbabalikbayan na isang pabalik-balik na karanasan at hindi ang tunay na pagbabalikloob at pagpapakatoo: ito ang isang pakahulugan ng pagbabaligtad ng kasuotan — i.e., dapat ipakita mo ang maaari mong itinatago; sa aming mga Bikol ang tagubilin sa ganyang sitwasyon ay maghubad ng puspusan — i.e., pagpapakita ng tunay mong pagkatao, na wala kang ikinukubli o masamang intensyon, na isang tao ka talaga at hindi isang nagbabalatkayo (ibig sabihin nito ay nagsusuot ng “balatkayo” kung saan ang “-kayo” ay metatesis ng “ka-oy” o “kahoy”, ang barkcloth (“tapa” sa Polynesia) bilang damit natin sa simula, bago ang paghahabi (cf. “abel” ng mga Ilokano at “hablon” sa Kabisayaan).

Isang patunay ito ng pagkakaisa ng ating kalinangan — mas maliit kaysa pagkakaugnay-ugnay ng “ili”, “balei”, “balen”, “bayan”, “lungsod”, “bongto”, etc. — ngunit patunay rin — sa simula’t sapul at hanggang sa kasalukuyan, bagay na ayaw paniwalaan natin ng mga rehionalistang Inglesero kasama ng kanilang mga kasabwat na banyaga.

Maiuugnay ang lahat ng ito sa kasabihang “madaling maging tao, mahirap magpakatao”. May papel ako tungkol dito sa isang kumperensyang may pagka-indihenissta na inorganisa ng misis ni Kidlat Tahimik (nagsayaw ito roon ng isang sayaw na Ifugaw!). Titingnan ko kung mahahagilap ko pa ito. Ang gusto kong ipakita sa papel ay madaling ipanganak (biolohikal) ngunit mahirap mahirap maging bahagi ng isang lipunan-at-kalinangan (na siyang konteksto ng iyong pagiging tao — i.e., ang iyong pagpapakatao). Ang sanggol (biolohikal na tao) ay nagiging tao lamang sa pamamagitan ng isang lipunang kanyang gagalawan (pagsasalipunan o “sosyalisasyon” mula sa mag-anak patungo sa kamag-anakan hanggang sa angkan at ang mas malawak na lipunan) at sa pamamagitan ng kalinangang matutunan niya, kung saan ang pinakaimportante pagkatuto ng wika nito.

Ngunit, sa kaso ng ating lipunan ngayon na may dambuhalang pagkakahating pangkalinangan, may pagkakaiba kapwa ang pagsasalipunan at pagkatuto sa kalinangan sa pagitan ng mga Inglesero at ng mga laki at pinalaki sa at ng Bayan. Hindi lamang magkaiba sila sa wika kundi pati na ugali. Kaya napakaimportante ang pagpopook ng sarili sa loob ng ating bansa.

Ito rin ang isang dahilan kung bakit, sa kaso ng “kabulastugan” ni Tsao ng Hongkongl, dapat nating ipook ang mga pagpapakahulugan at reaksyon sa tamang kinatitirikang lugar ng nagbibigay ng kuro-kuro, dahil sa ito ay nasasalalay sa iyong pagiging tao na nasasalalay sa iyong pagpapakatao. Iyong ugali ng lahat ng Pinoy na magpasintabi ay dapat siguro nating ikabit sa espasyong “di pamilyar” sa isang tao, sa mga lugar na iba sa kanyang kinagawiang espasyo sa labas ng kamag-anakan, angkan at ginagalawang lipunan-at-kalinangan. Korolari rito ang alamin, tuklasin ang mga lugar na ito; at ang unang hakbang ay magpasintabi. Kaugnay ito ng “tao po” na binibigkas natin kahit na sa mas kilalang lugar upang humingi ng pahintulot na pumasok na karaniwan namang sinasagot ng mga nasa loob na “tuloy po”. Sa mga di kinagawiang lugar mas matagal bigkasin ito at maaaring ipagkait pa nga. Kaya may pasintabi, kung sakaling may (mga) di masiyahan o di nasisiyahan sa ating pagpaparoon.

Ito ang dahilan kung bakit, sa ibang dagat, ugali na nating magkumpulkumpol bilang mga kakilala, kalahi at kababayan sa mga lugar na nagiging pamilyal o ginagawang pamilyar (cf. ang Termini sa Roma o kayasa Lucky Plaza Mall sa Singapore na pinag-aralan nina Proposer Atoy Navarro at Caloy Tatel) kung saan hindi na kailangan “magpasintabi”.

Tungkol sa pagpapaikot ng plato kung may bisitang aalis [idagdag na natin ang paniniwala na pag may nahulog na kutsara ang darating ay babae at kung tinidor ay lalaki], hindi ko pa nauusisa ang kahulugan nito. Ang plato ay naroon na sa atin simula pa ng panahong porselana (h-k ika-9 na dantaon). Mas kaugnay ito ng matataas na tao sa lilipunan bilang pamana at bilang simbolo ng kapangyarihan, gayundin bilang “grave goods” [sa Calatagan, may araw na dekorasyon ang inilalagay sa bandang pelvis ng yumao upang maprotektahan ang sentro ng kaginhawahan patungong tiyan na namamalagi pa sa kalansay matapos iwanan na ito ng kaluluwa upang maging anito]. Maganda siguro kung sasaliksikin pa ang interpretasyong nabanggit ni MC tungkol sa pag-iwas sa anumang maaaring mangyari sa umaalis sa hapagkainan, laluna dahil pinaghahanguan ng ginhawa ang pagkain.

Iyong tungkol sa tinidor at kutsara, maaaring bago ito dahil para sa atin mas maiuugnay ang kamay sa ginhawa (pagkain, lahat ng ikabubuhay) kaysa mga instrumentong ito ng Kastila at Kanluranin. Mas masarap magkamay kung kumakain. Gayumpaman, punahin ang pagbibigay ng pakahulugang seksuwal sa tinidor (pantusok) at kutsara (anyo ng aring babae); tila hindi na ito gaanong Pinoy dahil dito; baka Europeo pa nga ang simbolismo. Baka import ito ng mga Inglesero o, bago rito, ang mga Ilustrado.

Bagong Pahina »

Lumikha ng libreng website o blog sa WordPress.com.